Chapter 37

1.2K 16 0
                                    


ME37

ANG kamatayan ni Bornok ang magiging huling bagay na kailangang mangyari upang maging mortal si Trixie. Alam na niya ito noong simula pa lamang nang maghangad siya na maging tao. Kailangan niyang makakita ng tao na handang mamatay para sa kanyang kagustuhan. Ito naman ang bagay na ayaw gawin ni Mirage kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala mula rito ang kanyang kapangyarihan. Dahil nga rin sa tanong nito kay Trixie ay dito na napaseryoso ang atmospera sa loob ng opisinang kinalalagyan nila.

Paulit-ulit na tumatak sa isip ni Trixie ang tanong na iyon at sa huli ay isang pagngiti ang ibinigay nito kay Mirage.

"Wala nang silbi kung magiging mortal ang lalaking iyon. Isa pa, wala na rin namang silbi ang buhay niya nang makita ko siya kaya siguro naman ay hindi ko na dapat pang sabihin sa kanya ang magiging kapalaran niya makalipas ang nakatakdang araw," wika ni Trixie.

"Maglalaho siya sa mundong ito at walang sinuman ang makakaalala na siya ay nabuhay rito. Siguro, sa oras na malaman niya ito ay baka magpasalamat na lamang siya sa akin dahil kung wala ako at ang kapangyarihan ko ay wala pa rin siyang silbing tao rito." Napatawa pa si Trixie at pagkatapos ay may mga sinabi pa siyang seryoso lamang na pinakinggan ni Mira.

"Ang pangit na lalaking iyon ay hindi gugustuhin ninuman kung wala ang kapangyarihan ko kaya magiging isang magandang alaala para sa kanya na naging sakripisyo siya para sa pagsasamortal ko... Hindi ba maganda naman iyon ate Mirage? Isa pa, imposible akong magkagusto sa tulad niya... dapat alam mo iyan noon pa."

Isang maliit na ngiti ang sumilay sa labi ni Mira sa sinabing iyon ng dalaga. Kung sabagay, noon pa man ay kilala na niya ang dalaga. Sa kabilang mundo na pinagmulan nito ay kilala na niya ito sa pagiging mapagmanipula at tanging siya nga lang yata ang pinapakitaan nito ng kabutihan sapagkat may malalim na silang pinagsamahan.

Hindi niya makakalimutan kung paano nito pagalitan ang mga alipin sa kaharian at ang mga alalay nito. Wari niya'y kaya lang mabait ito kay Bornok ay dahil kailangan niyang gawin ito para maging ganap siyang mortal pagdating ng itinakdang araw.

"Kumusta naman ang pagtira mong kasama siya?" tanong pa ni Mira at si Trixie ay umupo sa isang upuang nasa harapan ng lamesa ng kaibigan niya.

"Sa ngayon ay maayos naman. Napapansin ko nga lamang na tila lapitin ako ng disgrasya dahil sa kanya. Halimbawa na lamang ang nangyari kahapon... Isang mortal ang nagbalak akong halayin at kung may kapangyarihan lang sana ako ay baka nabura ko na siya sa mundong ito," matapang na winika ni Trixie at bigla siyang nakaramdam ng kaba dahil sa nangyaring iyon. Pinilit na nga lang niyang hindi ito ipahalata sa kanyang ate.

"Gusto mo bang sa akin ka muna tumira? Maganda ang bahay ko, isa pa, mas ligtas ka roon, lalo na sa mga ipapadala ni Heath," seryosong winika ni Mira at dito ay naisip bigla ni Trixie si Bornok. Kung hindi lang daw sana nasa panganib ang buhay nito ay gusto naman niya talagang iwanan ito.

"Pero si Bornok... Alam kong sa tingin ko ay malalagay sa panganib ang kanyang buhay dahil kay Heath. At isa pa, kailangang mapanatili ko na magiging birhen siya sa ikalimampung araw. Isang linggo pa lamang ang nakakalipas mula nang mapunta sa kanya ang kapangyarihan ko... at isa pa..."

"Kailangan mo rin ang kanyang semilya, isang beses sa loob ng isang linggo," pagtatapos naman ni Mira na pasimpleng pinapanood ang ekspresyon ng dalaga. Tama rin naman na hindi ito pwedeng malayo sa binata kaya ang tanging naiisip niyang paraan ay ang alukin din si Bornok na sa kanila tumira. May bakante pa naman siyang kwarto sa kanyang bahay para rito at dahil dito ito nagtatrabaho sa kompanyang naroon siya ay mas magiging madali rin sa kanya na mabantayan ito.

"Si Grance, nasa poder ko na... Pumayag na siyang sa akin sumunod kaysa bumalik sa Lust World." Sa sinabing ito ni Mira ay napatingin kaagad dito si Trixie.

Mysterious Eater (SPG) - CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon