Chapter 67

760 16 0
                                    


ME67

BIGLA na lamang naalala ni Bornok ang mga magulang ni ma'am Suzette na nalungkot sa pagkawala ng anak nila. Pumasok din sa isip niya ang pag-iyak ng dalawa nitong mga kapatid na mahal na mahal ang kanilang ate. Ang luha ng kanyang bisor kahapon na nakita niya pa sa bodega ay sumagi rin sa ala-ala niya. Kung nagising sana si ma'am at nagawa niya ang kanyang balak ay baka nakita niya itong masaya at nakangiti kaninang umaga.

Pero... Nakita niya ang natatawang itsura ng lalaking nagngangalang Night. Malinaw rin sa ala-ala niya ang ginawa nito sa panaginip niya sa kanyang ari. Takot na takot siya nang sandaling iyon, at ngayon ay pakiramdam niya ay nandoon na naman siya sa sitwasyong ito.

Dahil sa lalaking ito kaya ngayon ay nagluluksa ang pamilya ni ma'am Suzette. Bigla itong tumakbo sa isip ni Bornok at ang kalungkutan niyang nakita sa mga ito ay hindi niya matanggap. Napakabilis ng nangyari at may mga naiwan itong umaasa rito, tapos ganoon lang kadali sa kung sino raw na ito na patayin ito sa pamamagitan ng panaginip? Masaya pa ito sa nangyari sa kabila ng luhang lalabas sa pamilyang naiwan nito.

Imbis na katakutan ni Bornok ang lalaking ito na gusto siyang patayin ay mas nangibabaw sa kanya ang galit dito. Isama pa ang pagkuha nito sa babaeng si Trixie. Kumuyom ang kanyang kamao at bago pa man siya masaksak sa puso niya ng nasa harapan niya ay isang pag-atras ang kanya pang nagawa na naging dahilan para maiwasan niya ang atake ng kalaban. Sa pag-atras ng kaliwa niyang paa ay siya ring pag-angat ng kanang kamao niya. Ganitong-ganito rin ang naramdaman niya noong may nasuntok siya dahil sa pambabastos kay Trixie ng kung sino.

Mabilis ngang humakbang naman pauna ang kanang paa niya at kasabay ng marahang paghabol ng kanyang katawan ay ang pagbulusok din ng kanyang kamao sa lalaking ngayon ay nasa tapat niya.

"Hayop ka!" bulalas ni Bornok at si Night ay nabigla at naguluhan sa nangyayari. Paanong nakagalaw pa raw ang binata? Dala nga sa pagkabigla niya dahil sa pag-iwas nito sa kanya ay nagulantang na lang siya nang maramdaman niyang may bagay na humalik sa kanang pisngi niya.

Ang kamao ni Bornok!

Hindi basta-bastang suntok iyon at maging si Mira nga ay nagulat na lamang sa nangyaring iyon. Ibig-sabihin ba nito ay tinanggap na ng tuluyan ng katawan ng binata ang kapangyarihan ni Miracle? Pero kung siya ay hindi raw nakakilos kaagad sa kapangyarihan ni Night, ay paano raw na si Bornok ay nagawa iyon?

Naguguluhan siya sa nangyayari, pero isa itong magandang senyales dahil kung hindi niya magagawang talunin si Night dito ay kailangan lang nilang mapahaba ang oras na sila ay buhay para sa pagdating ng tutulong sa kanila. Ang nagawa nga ni Bornok ay isang napakagandang bagay para sa kanya.

Si Night naman ay nabigla at napangiwi siya nang masuntok ni Bornok ang kanyang mukha at kasunod din noon ay ang pagbulagta niya nang padapa dahil doon.

Si Bornok naman ay makikitang duguan ang kamao at hinihingal. Nagawa niyang basagin ang kaliwang panga ni Night at dama niya ito sa kanyang pinansuntok. Hiningal siya at pinagmasdan ang nakadapang lalaki na hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang kanyang inis dito.

"Kung ikaw ang pumatay kay ma'am Suzette ay dapat ko siyang ipaghiganti sa iyo... Hindi mo ba alam ang kapalit ng ginawa mo?" wika ni Bornok na makikita ang nagagalit nitong mga mata.

Si Night naman ay napadura ng dugo at nanggigil sa ginawa ng lalaking iyon sa kanyang pisngi. Namanhid iyon at hindi niya malaman kung paano siya nito nasuntok. Hindi niya alam kung paano ito nakagalaw. "Tuluyan na bang sumanib ang kapangyarihan sa kanya ni Lady Miracle? Pero napakabilis noon..."

Ramdam din ni Night na parang naalog ang ulo niya dahil doon. Muli nga siyang tumayo at napatingin sa mortal na sumuntok sa kanya. Dahil nga sa ginawa nito ay lalo siyang nagkadahilan na patayin ito. Hindi lang daw dahil sa ito ang utos ni Haring Heath, kundi dahil sa ginawa nito sa kanya.

Tumatawa siyang tumayo. "H-hindi ko alam kung ano ang nangyari... Pero!"

"B-bornok! T-tumakbo ka na!" pilit na sigaw ni Mira na sinubukang makagalaw sa kabila ng nararamdaman niyang pagpigil ng enerhiya ni Night sa kanya. Kitang-kita niya ngayon na masama na ang kutob niya sa pwedeng mangyari. Kung nakalusot si Bornok sa unang atake nito ay tiyak na wala ng magagawa ito sa susunod.

Si Night ay isang walang-awang alagad ni Heath at handa itong pumatay ng sinuman para lang maipakita ang katapatan nito rito.

"Mas nagkadahilan ako mortal na paslangin ka..." nakangising wika ni Heath at makikita sa kabilang pisngi nito ang pinsalang naidulot ng suntok ni Bornok.

Si Bornok naman ay napalunok ng laway nang muli itong makabangon. Napakuyom siya ng kamao pero namamanhid ang kanan niya. Parang nakaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib pero, nilabanan niya ito sa pamamagitan ng pag-alala sa ginawang hindi maganda ng lalaking ito.

"Hindi ako dapat mamatay! Pangako ko ito kay Trixie..."

"Magiging mortal siya! Ngayon pa ba ako susuko, kung nakita ko na ang dahilan ko para magpatuloy?"

Huminga si Bornok nang malalim at sineryosohan niya ng tingin ang lalaking ito na sa pagkakaalam niya ay Night ang pangalan. Nginisian niya ito at nang magtagpo ang mga mata nila ay doon na nga napa-atras siya nang bahagya.

Nakakatakot ang tingin nito sa kanya.

"B-bornok! Tumakbo ka na! Kailangan mong mabuhay! Tandaan mo iyan!" bulalas ni Mirage na makikitang pumipilit pa ring makawala mula sa kapangyarihan ni Night.

"Alam ko iyon ma'am Mira!" wika ni Bornok at tinawanan naman siya ng lalaking nasa harapan niya na biglang binitawan ang kanyang patalim na hawak.

"Alam mo talaga? Hindi ko kailangang madaliin ang pagpaslang sa iyo. Mas magandang utayin ito lalo't hindi ko gusto ang ginawa mo sa akin!" bulalas ni Night at si Bornok ay nagulat na lamang nang biglang may napakatigas na bagay ang tumama sa kanyang sikmura.

Ang sakit noon at pakiramdam niya ay maiisuka niya ang lahat ng laman ng kanyang sikmura. Isa pa, nakakaramdam din siya ng hirap sa paghinga dahil doon.

Si Night nga ay nasa harapan na niya at makikitang nakabaon na sa sikmura niya ang kanang kamao nito. Parang nagdidilim ang paningin ni Bornok dahil doon at sa paglayo ni Night sa kanya ay siya namang pagluhod niya at napayuko rin siya dahil sa sakit na dinulot ng malakas na suntok na iyon.

"Patas na tayo mortal!" wika ni Night at pagkatapos noon ay isang sipa mula sa itaas ang pinatama niya sa ulo ni Bornok.

"B-bornok..." nasambit na lang ni Mirage na walang nagawa kundi ang panoorin ang nangyayari.

Napapikit si Bornok sa sakit na dulot ng kamao at sipa ni Night sa kanya. Bumagsak nga ang katawan niya at una pa ang kanyang mukha na tumama sa ibaba dahil sa pwersa ng sipang iyon sa kanya.

Pakiramdam ni Bornok ay mawawalan siya ng malay sa nangyaring iyon pero gising pa rin ang diwa niya. Gusto niyang makahinga nang malalim pero nahihirapan naman siya. Isama nga rin ang masakit na tama niya sa ulo. Hindi nga ito maganda para sa kanya.

Tumatawa pa rin ang lalaki sa kanyang harapan at pinagsisipa pa siya nito habang nakabulagta.

"Wala na kayong magagawa! Kahit pa kasama mo si Lady Mirage ay hindi na ninyo mapipigilan ang pagbabalik ko kay Lady Miracle sa Lust World."

Si Bornok naman ay tiniis ang bawat masasakit na sipa sa kanya. Pagkarinig niya ng mga salitang iyon mula kay Night ay paulit-ulit na sumagi sa kanya ang masasayang ngiti ni Trixie. Ganoon din ang kanyang pangako na magiging mortal ito kahit ano pa ang mangyari.

Hindi raw ito pwede... Pero paano niya matatalo ang isang ito?

"Wala pa rin ba akong kwenta? Hindi ba mayroon na ako noon?" tanong ni Bornok sa sarili at makikitang sa itaas niya ay naroon na nga ang isang mas malakas na pagbulusok ng kanang paa ni Night.

Bigla na nga lang nayanig ang paligid sa pagbagsak ng kanang paa ni Night at si Mira naman ay gulat na gulat dahil sa lakas ng impact noon. "B-bornok..." sabi ng dalaga at nakita niya ang binata na nanatiling nakabulagta nang padapa.

"H-hindi ako pwedeng mamatay..." sabi naman ni Bornok nang paulit-ulit sa kanyang sarili habang tinitiis ang bawat malalakas na tama sa kanyang katawan.

Mysterious Eater (SPG) - CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon