1-1 Dr. Kim

67 6 1
                                    


Ika-18 ng Oktubre 2018, 2:30 PM

"Plok... plok"

May mga tubig at dugong tumutulo mula sa isang metal na higaan sa isang klinika sa Korea. Kasalukuyang tinatapyasan ng laman sa puwitan ang isang pasyente na nagnanais na mapadagdagan ng taba ang mga pisngi.

Nakamasid ang punong surgeon na si Dr. Kim at ginagabayan ang mga kasamahang abalang doktor.

Hindi mapakali ang si Dr Kim habang naririnig ang mga patak ng dugo. Minabuti nyang bisitahin ang isa pang silid kung saan nagaganap naman ang liposuction sa isang pasyente. Habang nagaganap ang pagbabawas ng taba, isa pang nars ang wari ay natulala sa mga tumutulong dugo. Hindi ito mapakali at pinagpapawisan. Nakatanaw siya sa mahigit kalahating litro ng mga taba na may halong dugo sa isang babasaging sisidlan

Agad siyang nilapitan ni Dr. Kim at hinawakan sa balikat.

"Ayos ka lang ba?"

"Walang problema Doktor. Maingat ko pong itinatala ang mga nangyayari" sagot ng baguhang nars habang pinapakita ang isang notebook at bolpen.

"Good Job!" tugon ng doktor.

Huminga nang malalim ang baguhang nars at pinagpatuloy ang pagtatala at pagtulong sa mga espesyalista. Samantala, tinungo ni Dr Kim ang isa pang silid kung saan nakaupo ang isang ginang na katatapos lang magpaopera ng dibdib. Kinumusta nya ang nars na nagbabantay.

"Mukhang nahihilo pa ang pasyente"

"Maayos po ang operasyon, medyo naninibago lang po siguro siya"

Seryosong tinitigan ng Doktor ang Nars.

"Totoo po ang lahat ng ulat ko Dr. Kim. Sapat lamang ang dugo na nawala dahil sa operasyon. Malinis at at nakadetaye ang mga naging proseso" pabulong na paliwanag ng nars

"Mabuti kung gayon. Dapat malinis ang record ng lahat ng mga pangyayari" pagpapapaalala ng doktor na agad ding lumapit sa pasyente upang kumustahin. Masayang nakipag-usap naman ang pasyente na natutuwa sa tagumpay na resulta ng operasyon.

Pagsapit ng gabi ay isa-isa nang nag-uwian ang mga empleyado ng klinika. Naisipan ng isang matandang lalaking janitor na pasukin ang isang silid at linisan ang sahig na nagkulay pula dahil sa mga patak ng dugo. Kinuha nya ang mop at siniimulan na ang pagpupunas.

"Hindi ba tapos na ang iyong shift?"

Nagulat ang janitor nang marinig ang matinis at galit na boses mula sa kanyang likuran. Mula iyon sa isang babaeng sekretarya. Lumingon siya at nagpaliwanag.

"Pasensya na Po, paalis na din ako. Pupunasan ko lang po ito saglit"

"Huwag ka na mag-abala. Hayaan mo na ang pang-gabing janitor na lamang ang umasikaso diyan. At isa pa hindi ikaw ang nakatala na maglinis sa silid na ito. Mainam na umuwi ka na. Baka gabihin ka na nang husto sa daanan "

"Ah naiintindihan ko po. Pasensya na ulit. Kung gayon mauuna na po ako"

Nagmamadaling lumabas ang janitor at iniwan ang sekretarya na nakatanaw sa sahig na may mga patak ng dugo.

Lumipas ang ikawalo ng gabi. Matapos masiguro ng guwardiya na nakauwi na ang lahat ng mga regular na empleyado, nagmasid sya sa paligid isinara na ang gate ng klinika.

Mula sa loob ay naglakad-lakad siyang muli at nag-ulat gamit ang mobile phone.

"All clear"

Nasa loob ng klinika ang punong doktor na siyang nakatanggap ng ulat. Nakaupo ito sa opisina at hawak ang dalawang bote ng alak. Inamoy-amoy nya ang mga sisidlan at para bang sabik na sabik na singhutin ang likidong nasa loob ng mga iyon. Nakangiting pumasok ang isa pang lalaking nars habang dala-dala ang ikatlong bote.

"Okay na tayo, Dr Kim. Bale 1500 ml sa loob ng tatlong araw"

Muling tinakpan ng doktor ang mga bote. Tumayo siya, at kasama ang dumating na nars, tinungo nila ang isang lihim na pintuan sa sahig ng klinika. Kapwa sila pumasok at tinunton ang isang napakadilim na lagusan paibaba. Makalipas ang ilang hakbang ay nagkaroon ng maliliit at magagarang mga ilaw mula sa mga makukulay na bumbilya sa pasilyo na kanilang dinadaanan.

"Party party in the house tonight.. everybody just have a good time"

Nagsimulang umawit ang doktor habang hawak sa magkabilang kamay ang mga bote. Habang naglalakad at umaawit ay sinabayan pa nya ito ng pag kembot at pagsayaw. Napangiti ang kasamang nars na ingat-na ingat sa pagbitbit ng isang bote at isa pang malinis at selyadong timba.

"Party-party in the house tonight... everybody, let us have a good time" nakisabay na rin sa pagkanta ang nars.

Tumigil sila sa pag-awit nang marating ang isang pintuan. Muli silang tumahimik at binuksan iyon. Napasok nila ang isang lihim na bulwagan kung saan tahimik na nagtitipon at nag-aabang ang mahigit 50 na empleyado. Makulay at pormal ang kanilang mga matitingkad na kasuotan at may mga lamesa ring puno ng mga putahe na pawang karne.

Nasilayan ng mga naghihintay ang pagdating ng dalawa. Tahimik silang nakinig. Umakyat sa isang entablado ang doktor at kumpiyansang nag-ulat gamit ang mikropono.

"1 at ½ litro ng dugo at 2 kilos ng sariwang laman at taba sa loob ng isang lingo"

Nagkaroon ng palakpakan at hiyawan .Itinaas ng doktor ang kanang kamay at muling nanaig ang katahimikan.

"Naabswelto na rin tayo ng WVO sa ang ating dalawang kaso kaya naman... Party party in the house tonight, everybody just have a good time".. muling umawit ang doktor na naging hudyat ng selebrasyon. Pinatugtog ng DJ ang musika at nagmistulang disco ang buong bulwagan.

Hinain ang mga dalang karne sa mga platito at ibunuhos sa mga mumunting babasaging baso ang mga dugo na nasa bote ng alak. Ang bawat isa ay nakatanggap ng rasyon. Masayang nagdiwang at nag-inuman ang lahat. May anim na manika ring kasing laki ng totoong tao ang binuhusan ng dugo ng baboy ang isinayaw ng mga lasing.

Sa gitna ng kasiyahan ay may isang binibini ang napahiyaw sa nasaksihan. May dalawang magkasintahang kapwa lasing ang sumasayaw habang naghahalikan at walang pang-itaas na damit. Natigil ang musika dahil sa pagsigaw at bulung-bulungan. Pinagtinginan ang dalawang magkasintahan na walang tigil sa paghahalikan.

"Hoy! Itigil nyo yan!"

"Ano ba yan?"

May bumato ng kamatis at may sumaboy din ng tubig sa dalawa na ikinagalit ng lalaki. Inilabas nito ang mahahabang mga pangil. Agad naman dumistansya palayo ang ilan mula sa magkasintahan at nagkaroon ng katahimikan nang lumapit ang punong doktor na bakas sa mukha ang pagkadismaya. Nakaramdam ng pagkahiya ang magkasintahan at nagsimulang bumalik sa katinuan.

"Mga Walang modo! Wala ba talaga kayong kontrol. Alam nyong bawal iyang kalibugan nyo dito. Bukas ipapatawag kayo sa HR upang bigyan ng citation. Maaari na kayong lumabas" seryosong wika ni Mr. Kim.

Agad na dinampot ng magkasintahan ang mga nalaglag na damit at isinuot. Humingi sila ng paumanhin sa nagawa at nahihiyang lumakad palayo.

"Mayroon pa tayong tatlong oras. Tuloy ang pagdiriwang!" Masayang panukala ng punong doktor at nagpatuloy naman ang lahat sa kanilang kasiyahan.

Samantala sa labas ng klinika ay may isa pang lalaking bampira ang nakatayo. Kulay itim ang kutis nito, kulot ang buhok, walang pang-itaas na damit at nakasuot lamang ng maong na pants. Humihingal ito, naglalaway, at nakalabas ang mga pangil na parang nawawala sa sarili habang pinagmamasdan ang gate.

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon