8-4 Pag-uusap nina Lee at Jaffar

5 3 0
                                    

Ika-6 ng Pebrero 2019, 8:00 PM


Pinarada ni Lee ang kanyang kotse malapit sa isang convenience store at nagpaalam saglit sa dalawang dalagang sakay na maghintay muna dahil bibili siya ng makakain at maiinom nila. Walang nagawa si Karmela kundi sumang-ayon at naghintay na lamang sa loob ng sasakyan. Inilabas nya ang cellphone at sinubukang tawagan si Zephyr ngunit hindi iyon sumasagot. Naisipan nyang magpadala na lamang ng mensahe.

Habang namimili, inusisa ni Lee ang kanyang cellphone. Nabasa nya ang mga mensahe mula kay Ragnar tungkol sa ransom sa tatlong babae at sa nalalapit na pagdating ni Jaffar. Sumunod ay pinagmasdan nya ang mga pangyayari mula sa kanyang mga CCTV camera. Una nyang nakita ang paralisadong katawan ng tatlong babaeng sundalo na nakaratay pa rin sa mga kama sa kanyang lihim na bahay.

"Pasensya na. Siguradong parurusahan muna kayo ni Ragnar bago isuko sa WVO" bulong nya sa sarili.

Sumunod nyang pinagmasdan ang sitwasyon sa Dojo na siyang nagpabahala sa kanya . Duguan, walang malay, at bugbog sarado ang nakakadenang si Ragnar. Nakahandusay rin at lasug-lasog ang katawan ng isang matabang lalaki habang may isa pang nakaupo at may tinatawagan.

Lubhang napaisip si Lee. Naghinala sya na  mga sundalo ng WVO ang waring nakagapi sa kanyang kasamahan sa Dojo. Nagulat siya nang matanggap ang isang tawag sa hindi kilalang numero na agad naman nyang sinagot.

"Psst.., kumusta, utol?"

Kinilabutan ang binata sa pamilyar na boses na narinig. Nasambit na lamang nya ang ngalan nito.

"Jaffar"

"Hinahanap ka ng aking mga heneral. Kasama na nila ngayon si Ragnar. Mukha yatang tinakbuhan mo ang iyong kaibigan sa oras ng kagipitan"

Hindi alam ng binata ang isasagot.

"Sagutin mo naman ako Lee. Ngayon lang ako nakarating sa bansang ito. Kailangan ko nang tour guide"

"Nasaan ka ngayon?" matapang na tanong ni Lee.

"Kasasabi ko lang. Nandito na ako sa Korea. Pasensya na hindi ako nakasipot sa inyong lugar. Naaamoy ko na rin kasi dito ang pseudogen na aking hinahanap. Alam na ng aking mga alagad kung saan siya matatagpuan. Malapit ko na siyang makain"

Naunawaan ni Lee na ginamit ni Patrice ang kanyang abilidad kaya siya nanghina nang husto at ang kanyang awra ang nasagap ng mga alipin ni Jaffar. Naghinala rin siya sa bampirang si Karmela na maaaring isa rin sa mga kampon nito.

"Sa loob ng isang linggo ay siguradong maipapalaganap ko na ang Virus, ang pinangarap ng ating butihing Doktor at bilang pagpapasalamat sa pagligtas mo sa akin at pag-iwan mo kay Ragnar, bibigyan kita ng pagkakataon. Maari kitang maging isang masugid na alagad"

Walang naging imik si Lee.

"Natahimik ka na ba sa takot. Wala ka nang magagawa. Sumuko ka na at gusto kong ikaw mismo ang kumitil sa buhay ng iyong kaibigan. Kung magagawa mo iyon ay gagawin kitang heneral na mas mayaman pa..." pagpapatuloy ni Jaffar ngunit agad nang ibinaba ni Lee ang tawag.

Nagmamadali siyang bumalik sa sasakyan na may dalang mga supot na naglalaman ng kanyang pinamili. Sinusubukan niyang pakalmahin ang sarili. Naroon pa rin ang dalawang babae.

"Pasensya na natagalan ako. Heto may mga pagkain at maiinom dito, mamili nalang kayo" alok ng binata.

"Ginoong Lee, Gabi na po kailangan na naming makauwi. Pakibilisan na lang po ang pagbabyahe" sagot ni Karmela

"Nauunawaan ko. Sige sa susunod ko nalang kayo yayayaing lumabas. Bibilisan ko na ang pagbabyahe upang makarating sa inyong hotel" sagot ng binata habang inaabot sa dalaga ang mga supot.

Tinanggap naman iyon ni Karmela. Nakahanap siya ng bote ng tubig at ipinainom sa nanlulupaypay na si Patrice na hindi pa rin magawang makagalaw sa tindi ng panghihina. Muling pinaandar ni Lee ang sasakyan .

Nagsalita sa wikang Pranses si Lee

"Nakakaintindi ka ba ng lengguwaheng aking binabanggit ngayon?"

Halatang hindi iyon naunawaan ni Karmela.

"Ako ba ang kausap mo?" tanong ng dalaga.

"Oo ang sabi ko ay nakakaintindi ka ba ng lenggwahe ng Pranses?" muling tanong ng binata

"Hindi, pasensya na" tugon ng binibini.

"Mabuti naman" Nakangiting sinabi ni Lee at kinausap naman si Patrice

"Binibining Patrice, Masaya ako at muli kitang nakita. Siguro ay hindi mo na ako natatandaan pero matagal na kitang hinahanap. Magkasama tayo sa laboratoryo sa Pransiya"

Naintindihan iyon ni Patrice ngunit patanong na pag-ungol lamang ang kanyang kayang naitugon

"Hmm?"

"Alam mo nanganganib ang buong mundo ngayon dahil sa Virus na dati nang nilikha ni Dr Vic at tanging ikaw lamang ang paraan upang hindi iyon maisakatuparan" seryosong pagpapatuloy ng binata.

Muling umungol si Patrice ngunit dinig sa tono nya ang pagkabahala

"Ginoong Lee, maari po bang sa susunod nyo na muna siya kausapin. Huwag muna ngayon. Kailangang magpahinga nang husto ni Binibining Patrice" sabat ni Karmela.

Nadaanan nila ang isang mapuno at di mataong lugar kung saan muling hininto ni Lee ang kotse.

"Ginoo, diba nangako ka na magmamadali upang kami ay makauwi? Ano ang ibig sabihin nito?" nababahalang tanong ni Karmela. Medyo naasar si Lee ngunit nanatili siyang kalmado.

"Huwag kang mag-alala tutuparin ko ang aking sinabi, bibilisan natin ang byahe papunta sa hotel. May kailangan lamang akong sabihin kay binibining Patrice." Nakangiting tugon ng binata.

"Gusto sana kitang iligtas at ang mundong ito ngunit kailangan kong mamili. Pasensya ka na ito lamang ang nakikita kong paraan" malungkot na sinabi ng binata habang binubuksan ang isang kahon sa ilalim ng kanyang upuan.

Muling umungol si Patrice na parang nakaramdam ng pagkabalisa. Nagawa nyang manginig. Nag-alala si Karmela at sinubukang pakalmahin ang kasama. Kalmado lamang si Lee at seryosong nakatingin sa baril na hinugot nya mula sa kahon. 

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon