2-1 Mga Nililibing sa Yelo

22 6 0
                                    



Ika-26 ng Enero 2019, 3:40 PM


Sa isang lihim na Laboratoryo sa ilalim ng lupa sa GuangJu, Korea, isa-isang ipinapasok ng mga siyentipiko sa mga espesyal na sisidlang animo'y kabaong ang mga pinatigas sa yelong katawan ng mga nahuling bampira.

May tatlong sundalo ang nag-uulat sa isang Tsinong lider. 53 Anyos na ang matikas na heneral, siya si Lei Chonghuan at hawak niya ang isang sandatahan ng mga tao na naatasan sa seguridad ng Laboratoryo na tinatawag na KLAB. Katatapos lamang nyang mabasa ang liham mula sa isang empleyado na nagbitiw na sa serbisyo.

"Isa na namang mahusay at kapaki-pakinabang na espiya ang nawala sa atin. Tuluyan na ring hiniwalay ng Gapyeong HQ ang kanilang mga empleyado mula sa WVO. Magiging malaking hamon ito para sa lahat. Kailangan maging kongkreto at tama lahat ng mga impormasyon sa lahat ng ating mga ulat"

Tumindig ang mga sundalong nag-uulat.

"Siya nga pala heneral Lao, naghihintay na ang mga Himuras para sa kanilang gantimpala" wika ng isang korporal.

"Mabuti na lamang at may mga hindi tinatanggap ang Gapyeong HQ na pwede pa nating mapakinabangan" nakangiting sambit ng heneral.

Samantala sa isang pasilidad sa KLAB, Isang malaking kasabihan ang nakapaskil sa dingding

"Pabuya para sa mga Manghuhuli, Parusa para sa mga Nahuhuli"

Nilapitan ni Takara si Kazuko na nakatanaw sa isang higanteng kulay abong bato sa gitna ng daanan. Mahigit sampung metro kwadrado ang haba at lapad, at limang metro naman ang taas. Nahaharangan din ito ng bakal na bakod na mistulang isang napakahalagang likhang sining.

"Kailan kaya huling nagamit ang incinirator chamber na ito. Parang gusto kong subukan"

"Gusto mong subukang pumasok o magpasok ng mga halimaw dyan?"

"Sa totoo lang, parehas"

"Masayang pagtulog, Dok" paalam ni Suzume sa sisidlan ng natutulog na nahuling surgeon habang bitbit ng mga empleyado ng KLAB.

"Mukhang tinipid ng KLAB ang mga halimaw dito. Yung iba, sa yelo lang iniimbak. Wala man lang halong kemikal para hindi masira ang kanilang mga lamang loob" sambit ni Kazuko.

"Sa bagay isang buwan lang naman ang aabutin bago tuluyang maghilom ang kanilang katawan matapos patigasin sa yelo. Yung utak lang nila ang aabutin ng dalawang buwan para bumalik sa katinuan. Hindi na masama" tugon ni Takara.

Dumating si Lao na may hawak na suitcase kasama ang tatlong sundalo. Sinalubong siya ng mga naghihintay na dalagang nakasuot lamang ng kaswal na damit panlamig.

"55 na Bampira. Mahusay mga Binibini!", pagbati ng heneral. Bagaman Tsino at tubong Taiwan, marunong din siyang magsalita ng wikang Pranses, Japanese, Korean at Ingles.

"Eto na ang pera ninyo, hindi ko na dinagdagan kasi hindi naman nanlaban ang mga bampira at hindi naman kayo mukhang nahirapan. Gayunpaman may 200 libong dolyar na halaga ang idadagdag pa sa inyong digital wallet sa susunod na linggo bilang bonus galing sa WVO"

"Kung saan kayo masaya, Lao". satirikal na tugon ni Suzume sabay hablot sa suitcase upang kilatisin ang perang laman.

"Parang walang problema sa mga bampirang nahuhuli ang pagsuko. Sabik pa naman akong kalabanin at sunugin yang mga iyan. Kailan ko kaya makikitang magamit muli ang incinerator chamber para sa mga iyan" dagdag ni Kazuko.

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon