6-3 Pagbabalik sa Hotel

5 3 0
                                    



Ika-5 ng Pebrero 2019, 8:45 PM


Kinakausap ni Jawoon si Zephyr gamit ang cellphone. Nakahiga sa kama ang binatang bampira at halatang nababagot. Sa tabi nya ay isang maliit na mesa kung saan nakapatong ang isang laptop.

"Zephyr, naiintindihan mo ba ang format ng pag-uulat pagdating ni Karmela?"

"Oo naman. Siguraduhin lang nyang may dala siyang pasalubong. Pambihira siya lang ang pwedeng lumabas"

"Pagtiyagaan mo na. Siya nga pala. Gagamitin ko muna ang iyong kabaong upang ihimlay ang isang bampira. Tinamaan siya ng virus at kailangang bantayan mabuti. Mayroon ding tatlo pang taong biktima dito. Kalunus-lunos ang kanilang sinapit. Nakatali sila sa isang kwarto sa taas. Pinagbawalan akong lapitan sila."

"Saan naman galing ang mga iyon? Huwag mo sabihing may mga kaso na tayo ng virus dito sa Korea?"

"Hindi, galing ang mga ito sa Japan. Bukas ay kakailanganin naming maghanap ng mas malaki at mas malayong pasilidad dahil mas marami pa daw ang darating sabi ni Master"

"Galing sa Japan? Paanong nangyari iyon? Aba mukhang abalang-abala talaga kayo diyan ah. Maari bang makita kahit larawan lang ng sinasabi ng bampira at mga tao diyan?"

"Hindi pa maaari sa ngayon. Mahigpit na utos ni Master"

"Okay Fine"

Napansin ni Zephyr ang monitor ng cctv. Makikitang pabalik na si Patrice.

"Oh ayan Jawoon, balik trabaho na ako Nandito na ang target"

Tumayo ang binata at tinawagan ang cellphone ni Karmela ngunit hindi iyon sumasagot.

"Ano ba yan? Gutom na ako. Saan ka na bang bata ka?" naiinis niyang bulong.

Namasdan niya sa CCTV monitor na pumasok na sa kanyang sariling silid ang babaeng target.

Dalawang oras pang naghintay si Zephyr ngunit hindi pa rin dumarating ang kasamang bampira. Minabuti nyang gumawa muna ng report at pinadala nya iyon sa pamamagitan ng text message kay Jawoon. Muli nyang binisita ang monitor ngunit wala si Jawoon doon, Malamang ay lubhang abala. Sa sobrang inip ay binuksan na lamang nya ang TV at nanood ng pelikula.

Samantala mula sa kabilang kuwarto naman ay katatapos lang maligo ni Patrice at nakaupo sa kanyang kama. Inilagay nya sa ilalim ng unan ang kanyang pitaka na naglalaman ng kanyang armas na lipstick at bolpen.

Hawak nya rin ang isang USB at piraso ng papel na may pangalan ng lugar na nakuha nya mula kay Karmela. Tinititigan nya ang USB at malalim na nag-iisip. Hindi nya akalain na hindi manlalaban o magpapakita ng pangil ang dalagang bampirang kanyang naengkuwentro.

Matapos ang limang minuto ay kinuha nya ang kanyang laptop upang tingnan ang nilalaman ng USB.

Ika-11 na ng gabi at Aliw na aliw sa panonood ng pelikula si Zephyr. May hawak pa siyang popcorn. Malakas ang tunog kaya hindi nya namalayan ang tumatawag sa kanyang cellphone. Matapos tumawa nang makailang beses ay natutok ang mukha nya sa monitor ng laptop. Natulala siya nang ilang segundo at biglang naging seryoso nang makitang pinagmamasdan siya ng kanilang Master gamit ang videocam. Nakafacemask sa bibig at nakasumbrero ang kanilang master. Nakakatakot ang mga titig nito. Nahindik si Zephyr, agad nyang inilipat ang pinapanood na pelikula sa mga CCTV footage..

Tumayo at yumuko siya upang bumati at gumalang.

"Magandang Umaga, Master"

Kinakabahan at nanatili siyang nakatayo. Batid nya na huling huli siya sa akto na hindi nagtatrabaho nang maayos. Pinagpawisan siya at hindi alam ang gagawin. Mabuti na lamang at kinuha ni Jawoon ang atensyon ng kanilang Master upang ipakita ang isang mapa.

Nabalisa si Zephyr. Pumikit siya at huminga nang malalim. Nagulat siya nang biglang may kumatok sa pinto. Tiningnan nya ang CCTV at napansin ang isang babaeng nakatayo. Kamukha iyon ni Karmela ngunit iba ang kasuotan at may mga bitbit.

Binuksan nya ang pinto at tumambad sa kanya ang seryosong mukha ng hinihintay na dalaga na dire-diretsong pumasok at hindi man lang bumati.

"Hey! Bakit ang tagal mo?" nagtatakang tanong ni Zephyr. Batid nya na may kakaiba sa kanyang kasama.

Inilapag ng dalaga ang mga bitbit sa kusina at agad na nagkulong sa palikuran bitbit ang isang supot at shoulder bag.

Binuksan ni Zephyr ang isang supot at naamoy ang masarap na ulam.

"Uy salamat ha!" agad nyang nabanggit sabay kutkot sa pagkain.

"Alam mo bang kanina ka pa namin hinihintay ni Jawoon. Mukhang may bago ka ring damit ah. Ang sarap naman ng buhay palabas-labas, parestawrant-restawrant, at pashoping shoping lang"

Makalipas ang ilang tikim ay muli nyang naalala ang kanilang Master sa videocam. Agad syang bumalik sa harap ng laptop upang mag-ulat. Napansin nyang nag-uusap pa rin sa malayo si Jawoon at ang kanilang Master.

Muli nyang binalikan ang Tupperware mula sa supot at kumain habang nakatayo sa harap ng laptop. Kahit malamig na ay sarap na sarap siya sa paglantak at wala pang dalawang minuto ay naubos na nya lahat.

Maya-maya ay lumapit ang dalawa sa video camera ng laptop. Muling kinabahan si Zephyr. Tinititigan siya ng dalawa. Bumukas ang pinto ng palikuran at malungkot na lumabas si Karmela.

"Pasensya ka na naubos ko na pala yung dala mo. Salamat..."

Hindi siya pinansin ng dalaga bagkus ay dumeretso sa tapat ng laptop umupo at nakipag-usap.

Nababalisa ang pinuno na palakad-lakad habang isinasalin ni Jawoon ang mga pag-uulat ni Karmela. Nanatiling nakatayo at nakikinig sa gilid si Zephyr.

Inilahad ni Karmela ang pagkahuli sa kanya ni Patrice. Gayundin, kanyang isinalaysay ang tangkang pagkitil sa kanyang buhay sa loob ng fitting room ng mall gamit ang sandata na may pilak na lumusaw sa kanyang tiyan. Nahindik ang lahat sa narinig.

Ipinagpatuloy ni Karmela ang pagkukwento. Noong oras na tuluyang nabutas ang kanyang sikmura at halos maghiwalay na sa dalawa ang kanyang katawan ay nawalan na siya nang malay. Ngunit makalipas ang ilang minuto ay muli syang nagkaroon ng uliran at lakas. Nakita nya na umiiyak sa kanyang tabi si Patrice na parang humihingi ng tawad

Nang kanyang kapain ang katawan, ay napansin nyang wala na rin ang kanyang sugat sa tiyan. Ipinakita nya ang kanyang butas na t-shirt kina Jawoon at sa kanilang master bilang pagpapatunay sa mga naganap.

Naguluhan si Karmela sa mga nangyari. Ipinaliwanag naman ni Jawoon na may kakayahan talagang manggamot si Patrice.

Sa kanyang pagsasalaysay, inilahad din ni Karmela na isinuot nya ang bagong damit na binili sa kanya ni Patrice at itinago ang nasirang damit. Bagaman hindi nag-uusap, muling sinundan ni Karmela ang kanilang target pauwi ngunit nang malapit na sa hotel ay napag-isipan ni Karmela na tumakas at maglaho na lamang. Ibinigay nya ang kanyang USB at ang piraso ng papel kay Patrice at nagdesisyon na hindi na mag-ulat kaya ginabi na siya sa pag-uwi. Gayunpaman ay bumalik siya at paulit-ulit na tumangis at humingi ng paumanhin sa tatlo nyang kasama. Tinanggap na rin nya ang kanyang magiging kaukulang parusa sa kanyang kalapastanganang nagawa maging ito man ay tuluyang kamatayan o pagkakapiit.

Nagtinginan sina Jawoon at ang Master. Halata sa kanilang itsura ang pagkadismaya.

"Mabuti naging matapat ka sa pag-uulat. Hintayin natin ang magiging desisyon ni master" ang sabi ng matanda.

Habang tumatangis inabutan ni Zephyr si Karmela ng trey na may cup noodles at dalawang plastik ng natira nyang tsitsirya.

"Kumain ka muna. Hindi pa nalulusaw ang sikmura ko pero mukhang mas matindi pa iyon sa gutom... Goodluck!"

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon