10-4 Lihim na Karunungan

12 3 0
                                    


Sa isang fast food chain malapit sa isang terminal ng bus, masayang kumakain si Patrice at ang isang ginoong nakasumbrero at salamin. Ang lalaking iyon ay si Sean, isang opisyal na may mataas na katungkulan sa sandatahan ng mga bampira sa Pilipinas. Magkaharap ang dalawa sa mesa habang nagkakape at naghihintay sa nakatakdang oras ng byahe ng babae.

"Pasensya ka na. Hindi na kita masasamahan sa paliparan sa Maynila. Mahigpit na pinagbabawal ang pag-alis ng mga Sagigilid ngayon mula sa mga probinsya" wika ni Sean.

Sagigilid ang ginagamit na lihim na terminolohiya ng mga bampira sa kanilang mga kauri sa Pilipinas.

"Walang problema. Kayang-kaya ko naman ang aking sarili. At siya nga pala sobra-sobra na akong nagagalak sa selebrasyon na inalay nyo para saakin kahapon. Lubhang nasurpesa ako" tugon ni Patrice.

"Siyempre naman. Ikaw ang pinakaunang Pilipinang hybrid(pesudogen) na magagawang makadalo sa seremonya sa Korea. Ang iba sa mga kagaya mo ay kailangan pang litisin at pagbayaran ang kanilang mga kasalanan bago payagang makasali. Ang iba naman ay siguradong mamamatay lamang sa katandaan at sakit. Nawa'y maging tagumpay ang paglilinis sa iyong katawan at espiritu"

"Oo gagawin ko ang aking makakaya para maging normal na tao uli. At sigurado sa susunod na mga seremonya ay mga sagigilid naman ang mabibigyan ng pagkakataon"

"Sana nga"

Napansin ni Patrice ang biglang pagkabahala sa mukha ng kausap.

"May problema ba?" tanong ng dalaga

"Wala naman. Ang hiling ko lang ay bukod sa pagkawala ng iyong mga abilidad at pagbalik sa pagiging normal ay hindi mo kami malimutan"

Hinawakan ni Patrice ang kamay ng kausap.

"Huwag ka mag-alala. Sa dami ng ating pinagsamahan ay siguradong hindi ako makakalimot. Babalik din ako agad upang tumulong sa baryo upang pag-igtingin ang lockdown. Nars yata ako at trabaho kong pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa"

"Salamat" tugon ng ginoo.

Tumunog ang alarm ng cellphone ni Patrice.

"Isang oras na lang at paalis na ang bus" wika ng dalaga habang pinapatay ang alarm.

"Mabuti pa siguro at umakyat ka na sa bus. Siguraduhin mong balitaan kami pag nakarating ka na sa Maynila at sa Korea"

"Sean... May ipagtatapat ako sa'yo"

Natigilan ang ginoo nang titigan siyang mabuti ni Patrice.

"Bakit may problema ba?"

"Mayroon akong lihim na hindi ko sinasabi sa inyo dahil siguradong hindi nyo ako pababayaang makaalis. Gusto kong malaman ang magiging tugon mo tungkol dito"

Natahimik si Sean.

Pinagmasdan ni Patrice ang paligid upang masigurong walang makakarinig sa kanilang pinag-uusapan. Inilabas nya mula sa kanyang puting bag ang isang papel at maliit na bote na naglalaman ng mga kapsula at nagsimulang magpaliwanag.

"Napanood ko ang dokumenteryo ng WVO tungkol sa kumakalat na virus. Kahit ako mismo ay hindi kumpiyansang mapapagaling ang sinumang tatamaan ng sakit na iyon. Naging abala ako ng ilang araw dahil gumawa ako ng gamot para maparalisa ang sinumang tatamaan ng virus. Mapipigilan nito ang komplikasyon sa mga laman at utak ng pasyente at sa loob ng dalawa o tatlong linggo ay babalik sila sa pagiging normal ngunit mananatiling paralisado ang mga sagigilid. Mas mabuti iyon kaysa maging baliw sila, makapanakit, o magkalat pa ng virus. Nais kong ibigay mo ito sa ating mga espesyalista upang maparami"

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon