Ika-5 ng Pebrero 2019, 11:00 AM
Sa tabi ng gusali ng Kingdom-e ay may isang malawak na dojo kung saan nagsasanay ang mga miyembro ng grupo ni Ragnar. Sa harap ay may isang entablado na may anim na silya kung saan ang mga pinaka mahuhusay na blackbelt martial artist lamang ang maaaring umupo. May mga imahe ng dragon at may mga iba't ibang uri din ng sandatang pandigma ang nakasabit sa mga dinging tulad ng mga espada, sibat, palakol, at nunchaku. Nakaupo si Ragnar sa may entablado kasama ang tatlo pang may pinakamataas na katungkulan. Sinusubukan nyang tawagan sa cellphone si Lee ngunit hindi iyon sumasagot.Panatag ang lahat nang makita ang banyagang pinuno na nakapormal na sleeves at itim na sapatos at nakamasid lamang sa kanilang pag-eensayo.Nangangahulugan ito na hindi siya makikisali sapagkat madalas ay nakikibahagi siya sa mga sparring. Gulpi ang inaabot ng mga nag-eensayo sa tuwing hindi nakapormal na kasuotan si Ragnar.
Matapos ang tatlong oras na pagsasanay ng mahigit 100 miyembro, agad din silang nagsipag-gayak at nananghalian sa Dining hall. Masarap at madami ang inihain noong araw na iyon. Binigyan sila ng isang oras upang kumain at makihalubilo sa bawat isa. Pagsapit ng alas tres ng hapon ay makikita ang lahat na nakapila palabas ng kanilang himpilan. Kinakamayan ng mga pinuno ang bawat empleyadong lumalabas bilang pamamaalam. Nagbibigay pugay din sila at pasasalamat sa kanilang Master Ragnar na nakaabang din sa labas at napalilibutan ng iba pang pinuno. Tanging pagyuko mula sa malayo bilang pagrespeto kay Ragnar ang ginagawa ng mga umaalis.
Sumapit ang ikaanim ng gabi. Nakauwi na ang lahat. Tanging si Ragnar at Jungshik na lamang ang nasa loob ng malawak na lupain. Nakatayo silang dalawa sa may malaking gate.
"Master, Heto na po ang kopya ng mga susi ng mga pasilidad. Nalinis at naayos na po ang lahat ng lugar dito. Naibigay na din sa mga miyembro ang sweldo nila para sa tatlong buwan, Wala namang nagreklamo at labis pa rin silang nagpapasalamat sa inyo. Mababasa nyo ang kanilang mga mensahe sa ating website." pag-uulat ni Jungshik habang magalang na inaabot ang maraming susi.
Tinanggap iyon ni Ragnar .
"Magaling, Jungshik! Sasabihan ko kayo kung kailan natin maaaring muling gamitin ang pasilidad na ito. Sa ngayon, ako lamang ang mananatili sa lugar dito at lahat ng papasok ay ituturing kong ilegal at may malagim na sasapitin. Hangad ko na nilinaw mo ang panukalang iyon pati sa mga miyembro ni Lee"
"100 porsiyento, Master!" Paninigurado ni Jungshik.
"Hindi ako nasisiyahan. May nararamdaman akong mga tao sa loob bukod sa ating dalawa. Maghanda ka! Bukas nang umaga ay tatawag ako sa iyo. May ihahagis akong mga katawan sa labas ng gate. Siguraduhin mong madadala mo sila sa ospital upang masagip ang kanilang mga buhay.
Medyo kinilabutan si Jungshik sa narinig sapagkat sinigurado nya na wala nang tao sa lugar na iyon.
"Lubos po akong naniniwala na lahat ng empleyado ay nakauwi na. Kung iyong mamarapatin ay nais ko sana muling siyasatin ang bawat lugar"
Hahayaan na sana ni Ragnar ang kausap na muling magsiyasat ngunit hindi siya komportable sa naramdaman nyang awra.
"Huwag na Jungshik! Salamat na lang. Maghintay ka nalang bukas sa iuutos ko. Umuwi ka na"
Bagaman nais pa sanang siguraduhin ni Jungshik kung may natirang tao sa Dojo, hinawakan siya ni Ragnar sa mga balikat at tinitigan. Wala na siyang nagawa kundi sumakay sa kanyang kotse at magmaneho palabas.
Bumubulong siya sa sarili.
"Kung sino man ang tarantadong natira doon sa loob, kasalanan na nila iyon. Lapastangan sila! Kahapon ko pa sila pinapirma at kumpleto naman sila kanina noong muli akong nagpa-alala. At imposible din naman ang sinasabi ni Master dahil kinumpirma ng lahat ng miyembro na nakauwi na sila sa kani-kanilang bahay. Mabuti pa kumpirmahin ko muli sa bawat lider ang bawat miyembro. Pambihira din talaga itong si Boss. Masyadong malakas at matalas ang pakiramdam kumpara s normal na tao. Minsan natatakot na ako pero kung di dahil sa kanya ay malamang lubog pa din kami sa utang".
BINABASA MO ANG
Project Eden Virus
Science FictionKumakalat ang isang uri ng karamdaman sa Asya kung saan ang mga biktima ay nawawala sa katinuan at umaasal na parang hayop. Isang Pilipinang nars ang makukulong sa Korea at maiipit sa isang lihim na digmaan sa pagitan ng mga tao at mga makamundong...