Ika-5 ng Pebrero 2019, 10:00 AM
Nakagayak si Patrice upang pumasyal at mamili ng kanyang makakain. Inilagay nya sa bulsa ng pantalon ang isang bolpen at isinilid sa shoulder bag ang isa pang armas na anyong lipstick. Isinukbit nya ang kanyang makapal at kulay puting coat sa kanyang kaliwang braso. Bago lumabas ng pinto ay muli nyang sinilip ang kanyang radar. Kanyang napag-alaman na nakaabang ang isang halimaw sa labas ng kanyang pinto at ang isa naman ay katabi lamang ng dingding ng kanyang kuwarto.
Ipinasok nya ang radar sa kanyang bag at hinawakan ang bolpen sa kanyang bulsa. Huminga siya nang malalim bago buksan nang mabilis ang pintuan. Habang lumalabas agad niyang nasilayan ang kolehiyalang nakita nya nang siya ay dumating. Nakaupo muli ito sa parehas na puwesto at waring nag-aaral. Parehas pa rin ang suot nitong kulay itim na jacket na may hood at maong na pantalon. Buhaghag pa rin ang kulya ginto nitong buhok. Napasulyap din sa kanya ang babae. Nang makalabas at maisara ang pinto agad nyang ipinasok ang kanang kamay sa bulsa upang maghanda sa maaaring umatake. Nakaatras ang isang paa ni Patrice at naghintay ng ilang saglit habang nakatingin nang mabuti sa nagsusulat na dalaga.
Matapos ang halos anim na segundong titigan. Yumuko nang bahagya ang kolehiyalang nag-aaral at bumati.
"Anyeong haseyo"
Napatingin sa kanan at kaliwa si Patrice upang magsuri. Nang mapanatag na walang panganib. Yumuko din siya nang bahagya at bumati.
"Anyeong haseyo"
Bumalik sa pagsusulat ang nakaupo at minabuti na rin ni Patrice na humayo.
Bago lumiko patungo sa kanto patungong elevator muli nyang sinulyapan ang nakaupong dalaga. Nagpapatuloy lang ito sa pagsusulat sa kwaderno. Batid nya na bampira ang babaeng iyon ngunit nahihiwagaan siya dahil halos normal at hindi mapanganib ang itsura at awra nito.
Nang marinig ng babaeng nakaupo, na si Karmela, ang pagtunog ng elevator, agad niyang tinext ang kasamang si Zephyr.
"Nakaalis na siya dito"
Agad namang nagreply si Zephyr
"Patungo na siya sa reception area"
Agad pumasok ng kuwarto si Karmela at mabilis na nagpalit ng damit at sapatos. Pag labas ng kuwarto ay naka asul at mahabang bubble jacket , nakashades, itim na facemask at naka sombrero na ang kanyang nakapusod na buhok. Nagmamadali siya upang magmatyag kung saan magtutungo ang babaeng target.
Nang makasakay sa elevator, muli niyang tinawagan si Zephyr
"Nasaan na siya?"
"Hindi pa siya nakakalabas ng hotel"
Nang makababa ng elevator dahan dahan niyang tinungo ang kanto papunta sa reception area. Malaki ang hinala ni Karm na naghihintay ang minamatyagan sa may sala. Kumuha siya ng salamin at nagkunwaring nananalamin. Ang totoo ay tinututok nya ang repleksyon sa may sala upang mabatid kung naroon ang pakay.
Hindi alam ni Karm na batid ni Patrice na may sumusunod sa kanya sa tulong ng isang radar. Halos limang minutong naghintay si Patrice sa reception area upang suriin ang magiging galaw ng bumubuntot sa kanya. Gayundin nag-aabang lamang si Karm sa kanto.
Huminga nang malalim si Patrice at lumabas na ng hotel upang mamili at mamasyal. Bagaman hindi bihasa sa wikang Korean, marunong siyang bumasa at umintindi ng mga pangkaraniwang salita kaya kumpiyansa siyang hindi maliligaw. Kumpara noong sya ay isang ordinaryong tao, limang beses na mas nahihirapan siyang mag-aral ngayon ng mga bagong mga wika.
Naglakad muna siya patungo sa sakayan ng mga Bus.Kahit maaraw, napakalamig pa rin ng klima. Sumakay siya sa kulay asul na Bus patungong Myeongdong. Natuwa siyang nagmamasid sa mga tao at sa paligid.
Nang makarating sa Myeongdong, sampung minuto muna siyang gumala bago pumasok sa isang restawrant kung saan umorder siya ng makakain. Habang naghihintay, muli nyang inilabas ang radar. Nadiskubre nya na may isang malakas na enerhiya ang limampung metro lamang ang layo sa kanya. Muli nyang kinalikot ang aparato upang iadjust at natuklasan na isa pang mahinang awra ang patungo sa kanyang lokasyo at may pito pang malalakas na enerhiya mula sa mahigit 10 kilometro mula sa syudad. Nagbaka sakali muna siyang nagkataon lamang ang lahat.
"Malamang ay sasali rin ang mga iyon sa seremonya", bulong nya sa sarili. Agad din nyang itinago ang radar.
Inihain na ng waiter ang kanyang order at hindi nya sukat akalain na napakarami pala ng mga iyon. mukhang matatagalan siya bago maubos ang mga pagkain.
Samantala mula sa labas ng restawrant kung nasaan nanananghalian si Patrice, isang lalaking nakamotorsiklo at helmet ang nag-aabang. Makalipas ang limang minuto dumating na rin si Karmela sa restawrant at binati ang lalaking nakamotor na si Wiwat. Itinuro ng master gamit ang hintuturo ang eksaktong lokasyon kung saan naroon si Patrice. Tumango naman si Karmela. Lalakad na sana siya patungo sa restaurant ngunit natigilan siya nang tawagin ni Wiwat.
"Hey!"
Inabutan ng pinuno ng perang may halagang 20,000 won si Karmela.
Nagtatakang tinanggap iyon ng binibini.
"Eat"
sambit ng Wiwat sabay harurot ng motor paalis.
Bago makapasok ng restawrant, nakatanggap ng tawag si Karmela sa kanyang cellphone mula kay Jawoon.
"Malakas naman siguro ang pandama mo upang mahanap ang babaeng target. Sa ngayon siya lamang ang may kakaiba at malakas na enerhiya sa lugar na iyan. Pero huwag ka mag-alala, sakaling hindi mo na siya makita ay maaari mo akong sabihan"
"Maliwanag Jawoon, ramdam ko naman na ulit ngayon ang kanyang awra. Ako na ang bahala"
"Mabuti naman. Sige balitaan mo nalang ako kung may mangyaring kakaiba. Magkakape lang muna ako saglit"
Ibinaba ni Jawoon ang tawag at ibinulsa ang cellphone. Tumayo siya mula sa kinauupuan at nag-unat. Umalis sya upang magtimpla ng kape. Iniwan nya saglit ang kanyang lamesang may dalawang laptop at isang makina na kawangis ng radar na laging bitbit ni Patrice.
BINABASA MO ANG
Project Eden Virus
Science-FictionKumakalat ang isang uri ng karamdaman sa Asya kung saan ang mga biktima ay nawawala sa katinuan at umaasal na parang hayop. Isang Pilipinang nars ang makukulong sa Korea at maiipit sa isang lihim na digmaan sa pagitan ng mga tao at mga makamundong...