Ika-2 ng Pebrero 2019, 4:00 PM
Mula sa terrace ng isang malaki at magandang bahay, kumportableng nagpupulong ang tatlong Himura. Alas kuwatro ng hapon. Maganda at malamig ang panahon. Nakatayo si Takara at nagpapahangin sa dulo ng magandang bakod samantalang nakaupo si Suzume at kinakalikot ang radar. Si Kazuko naman ay nakahawak sa cellphone at kumukuha ng larawan sa paligid. Isang ginang na kasambahay ang lumapit upang bigyan sila ng juice.Matapos ilatag sa bilog at puting lamesa ang mga inumin, yumuko ang kasambahay bilang paggalang. Nilapitan siya ni Takara at marahang tinurukan ng gamot ang braso ng ginang. Pumasok sa loob ng bahay ang katulong. Nanginig ito habang nakatayo, humaba ang kanyang mga pangil at nangisay. Matapos ang labinlimang segundo ay hinimatay na ito at nabuwal sa tabi ng pitong katawan na walang malay sa isang maganda at malaking guestroom. Kasama sa mga natutulog ang mag-asawang halimaw na may-ari ng bahay.
Kaswal na mga bestida lamang ang suot ng tatlong binibini na waring nagbabakasyon lamang.
"Nahihirapan pa rin ako magaya ang radar. Masyadong kumplikado ang pagkakadisenyo dito" ang sabi ni Suzume habang kinakalikot ang mga aparato sa harapan.
"Sa loob ng dalawang araw may 27 halimaw na tayong nahuli gamit iyan. Kung hindi natin magagaya, dapat lubus-lubusin na natin ang paggamit. Hiramin na lang uli natin kay Lao pagkatapos natin ibalik" mungkahi ni Kazuko sabay inom ng Juice. Bumaling siya sa isang mataas na gusali na syang bagong pokus ng tatlong dalaga at pinaliwanag ang mga datos na kanyang nakalap.
"Ayon sa record mga gym, restaurant, at mga travel agency ang kasalukuyang laman ng gusaling iyon. May mga pasilidad din na ginagamit sa pagsamba at may isang malawak na dojo katabi ng gusali. Pagmamay-ari na ito ngayon ng kingdom-E, isa sa pinakamayamang korporasyon sa Myeongdong"
"Ladies,sa kinatatayuan ko ngayon, may nararamdaman akong dalawang malakas na awra sa target nating building" Paliwanag ni Takara habang nakapikit at nakikiramdam.
" Medyo tama ka, Takara. May anim na enerhiya ranging from 2-32 DME(Dark Matter Energy), isang inconsistent 10 DME at isang consistent 32 DME ang nasasagap ng amplification ng radar"dagdag ni Suzume.
Napataas ang kilay ni Kazuko.
"32 DME mula sa malayo? Mukhang hindi biro yan. Hindi pa natin nagagawang maglabas ng ganyan kalakas na awra... hanggang 26 DME pa lang ang pinakamatindi nating nasukat" puna ni Kazuko.
Napaisip ang tatlo.
"Well, marami na tayong kinalaban at kung magtutulungan naman tayo, kayang kaya natin kahit na sino" paalala ni Takara. Sabay lapit at kuha ng Juice. Uminom siya mula sa baso at muling tumingin sa malayo.
"At least magkakaroon uli tayo ng hindi nakakabagot na laban" sambit ni Kazuko.
"Tama, mahigit apat na dekada na rin ang nakalipas nang huli tayong lumaban ng seryoso" dagdag pa ni Suzume.
"Magmatyag muna tayo ngayong gabi. Bukas na natin papasukin ang gusali na iyan" suhestiyon ni Takara.
"Pero sa totoo lang, nababahala ako sa 32 DME. Halos isang oras na naging consistent ang awra niya Umabot pa ito ng 36 kanina. Mukhang hindi siya napapagod. Sinubukan ko maglabas ng 20 DME kagabi. Sa loob ng 45 minuto nahapo na ako nang husto. Mukhang napakalakas ng nilalang na'to" seryosong paliwanag ni Suzume.
"Eh yung 10 DME kumusta?" tanong ni Kazuko.
"Maximum of 17 DME lang ang record nya. Hindi siya consistent minsan isa o dalawang minuto lang nya nilalabas ang kanyang enerhiya. May lima pang awra na nananatilis sa 2 DME lamang" sagot ni Suzume.
"Mukhang magandang laban ito. Kung pagsasama-samahin, halos 59 DME laban sa pinagsamang 62 DME natin " pananabik ni Kazuko habang ginagalaw ang mga daliri
Napatingin ang dalawang dalaga kay Takara. Nanahimik ito na parang nakikiramdam.
"Okay ka lang Takara?"
"Suzume, pakikuha nga ang record sa aking gawing kanan?" utos ng pinuno na wring nababahala. Agad naman iyong sinunod ni Suzume. Muli niyang kinalikot ang aparato at nabigla sa nakita.
"May isa pang inconsistent na 23 DME ang narecord mula sa likod natin around 250 meters mula rito"
"Hindi ito maganda. Kung sakaling kasamahan siya ng dalawa pa sa gusali baka lubusan tayong mahirapan. Mabuti pa tapusin na natin yung isa sa likod" mungkahi ni Kazuko.
"Mabuti nga siguro. Let's go ladies. Let us rock" sabi ni Takara.
Samantala sa loob ng gusaling minamatyagan ng tatlong dalaga, may isang palapag kung saan may mga kalalakihan ang nakikipagbuno. Nasa loob sila ng isang hawla na doble ang lawak kumpara sa isang standard MMA fighting cage.
Kinakalaban ng isang malaki at matipunong banyaga ang sampung Korean martial artist. Maputi ang balat, kalbo, at nasa edad 42 ang lalaking dayuhan na may taas na 6 foot 5 inches. Matapang at walang kahirap-hirap niyang hinaharap sa duwelo ang sampu na animo ay napapagod at natatakot sa kanya. Pito sa mga mandirigma ang may hawak na sandata.
Mahigit 10 minuto na nilang pinapalibutan at inaatake ang banyaga ngunit hindi nila ito mahuli at mapinsala.
"Maghanda na kayo mga talunan. Ako naman ang aatake!" Ang sabi ng malahalimaw na lalaki . Pumorma siya at bumuwelo. Isa-isa niyang sinugod at binugbog ang mga kaduwelo. Isang minuto lamang ang kinailangan niya upang maitumba ang sampung kalaban na ang iba ay nawalan ng malay.
Mayabang siyang lumabas ng hawla, umupo sa tabi ng isang lamesa, uminom ng tubig, at pinunasan ng tuwalya ang pawisang katawan. Nagmamadaling sumaklolo ang isang medic team sa mga nabugbog.
Isang makisig at singkit na binata ang nakaupo rin sa katabing mesa at nagbabasa ng dyaryo.
"Nabitin ako. Gusto mo bang sumali sa amin?"pag-aanyaya ng dayuhan.
"Alas kuwatro ang oras ng ating pagpupulong. Tandaan mo iyan. Marami a akong gagawin Meron ka na lang limang minuto bago tayo magsimulang mag-usap", kalmadong sagot ng ginoo.
Lumapit ang isa pang lalaking naka coat and tie. Siya ang personal na translator ng Banyagang lider.
"Magandang hapon Master Ragnar and Master Lee. Nahuli na po namin ang mga napatunayang lumustay ng pera ng organisasyon sa maling paraan"
May iniharap siyang walong kalalakihan na puro nakaposas.
"Hmmm eto pala ang mga hunghang na pinagpalit ang dignidad para lamang sa droga" nakangiting tanong ni Ragnar.
Takot na takot ang walong kalalakihan. Ipinasok sila sa malaking hawla at sa loob kinalagan mula sa pagkakaposas. Sabik na muling pumasok ang bruskong banyaga sa hawla.
Nasuya naman sa paghihintay ang makisig na lalaki.
"Hihintayin na lang kita sa silid na pagpupulungan natin, Ragnar" paalam nya.
Mag-isa siyang nagtungo sa basement ng gusali. Matindi ang mga seguridad patungo roon. Dalawa lamang ang guwardiyang nagbabantay sa labas at anim pa na pintuang may electronic password ang kailanganang daanan.
Nang matunton ang sikretong opisina, pinagmasdan nya ang mga garapon at mga sisidlan na may mga bahagi ng katawan tulad ng mga kamay, paa, tainga at braso na nakababad sa formaline solution. May mga pangalan at impormasyon sa bawat garapon na nakasulat sa Danish. Sa kabilang dako pa ng opisina ay may mayroon pang mga kulungan kung saan matatanaw ang mga nakakadenang bilanggo na may mga pasa at sugat.
Pinagmasdan ng binata ang isang malaking pridyider kung saan ay may nakasulat.
"WVO soldier 6701"
BINABASA MO ANG
Project Eden Virus
Science FictionKumakalat ang isang uri ng karamdaman sa Asya kung saan ang mga biktima ay nawawala sa katinuan at umaasal na parang hayop. Isang Pilipinang nars ang makukulong sa Korea at maiipit sa isang lihim na digmaan sa pagitan ng mga tao at mga makamundong...