Ika-2 ng Pebrero 2019, 4:40 PM
Tuluyang nakalapit ang isang armado at nakamaskarang estranghero sa nakahandusay na si Takara upang siya ay bihagin
Akmang poposasan na nya ang dalaga nang bigla syang hawakan nito. Nanlilisik ang mata ng babae na inakalang nawalan na ng malay. Nanghina ang estranghero at napaluhod.
Hinablot ni Takara ang baril mula sa likod ng kalaban. Sinipa nya ito, Lumayo nang bahagya at pinagbabaril ang nakamaskara. Tinamaan ito nang tatlong beses sa dibdib. Matapos ay nilabas ng babae ang isang punyal at itinarak sa balikat nang nabaril ng nilalang. Humiyaw sa sakit ang nakamaskara. Mababa ang boses na parang lalaki.
"Kumusta? Masarap ba matikman ang iyong sariling sandata?" tanong ni Takara sabay muling kalabit sa gatilyo ngunit hindi na iyon pumutok. Naubusan na pala ng bala.
Sinubukang tumayo ng lalaki ngunit pinalo sya ni Takara sa mukha gamit ang baril. Muli iyong tumumba patihaya.
"Nagawa mo pang tumayo matapos ang tatlong dose ng tranquilizer, hindi ka ordinaryo para sa mas mababa sa 2 DME. Pero kung ano ka man, sapat na iyan para maparalisa ka. Mabuti na lamang at may pangontra akong dala" ang sabi ni Takara habang dinadampot ang nalaglag nyang baril.
Kinuha nya ang cellphone at tinawagan si Kazuko.
"May nahui akong isang nilalang dito. Medyo tumatalab pa lang ang gamot kaya di ko lubos magamit ang telepathy. Nasaan na kayo?" hinihingal na tanong ni Takara habang nagmamasid sa panganib na maari pang dumating.
"Malapit na kami"
"Okay bilisan nyo"
Tinanggal ni Takara ang maskara ng nilalang at namasdan ang mukha ng lalaki na may dugo sa ilong. Mukha iyong Asyano. Natanaw nya ang posas na nalaglag mula rito. Naglakad siya upang damputin ang posas. Nang babalikan na nya ang nakahandusay na lalaki, laking gulat nya nang nakatindig na ito at nalilisik ang mga mata.
"Imposible!" sambit ng dalaga.
Agad nyang binunot ang baril ngunit mabilis ang lalaki. Tinanggal nito ang punyal na nakatusok sa balikat at ibinato sa kamay ni Takara. Nabitawan ng dalaga ang baril.
Naglalaway ang lalaki, lumabas ang matatalas na mga ngipin na halintulad sa pirana na handang sumunggab. Pumorma upang dumepensa si Takara. Inatake siya ng lalaki na wari ay isang mabangis na hayop ngunit batid sa kanilang galaw na lamang sa pakikipaglaban si Takara. Naiilagan nya ang mga atake at gumaganti siya ng mga suntok at sipa.
Bagamat' gulpi sarado at duguan. Parang hindi napapagod ang bayolenteng nilalang na dapat ay nanghihina na dahil sa tranquilizer.
Nang makakuha ng tiyempo, muling tumawag si Takara sa cellphone.
"Ladies, mukhang may problema, baligtad ang epekto ng tranquilizer sa halimaw, para siyang sinasapian ng demonyo"
Naputol ang tawag nang muling umatake ang lalaki. Sa oras na iyon, nadampot ni Takara ang punyal at gumanti nang mahigit limang saksak sa dibdib at likod ng kalaban. Sinipa nya ito at muli syang dumistansya.
Naramdaman nyang lalong lumalakas ang kalabang nangingisay. Kinabahan na siya at kinuha ang radar. Napag-alaman nya na umaabot na ng 28 DME ang awra nito at nagagawang hilumin ang mga sugat
Muli siyang sinunggaban ng kalaban. Naiwasan nya ang una at nasalag ng mga braso ang ikalawa ngunit tumalsik sya sa lakas ng atake. Alam nya na nasa masama siyang sitwasyon dahil habang siya ay napapagod ay lumalakas naman ang katunggali.
Naisipan nya na gamitan ng gamot ang kalaban sa pagbabakasakaling mabalanse ang epekto ng tranquilizer. Umatake siya, at sa tulong ng kanyang kaliksihan, ay tagumpay na naiturok ang tatlong gamot sa dibdib at likod ng bayolenteng kalaban ngunit alam nya na hindi pa iyon sapat. Kailangan nyang maturukan ang leeg. Medyo delikado na ang kanyang sitwasyon dahil waring nababasa na ng kalaban ang kanyang mga kilos at unti-unti na ring nagiging maliksi.
Kumuha siya ng tamang distansya at ginamit ang kanyang abilidad. Ginulo nya ang pag-iisip ng kalaban at pinahirapan ito. Napaluhod at nangisay ang lalaki. May mga dugong lumalabas sa kanyang ilong. Habang ginagamit ang kanyang abilidad at lumalapit upang iturok ang gamot sa leeg, ay nakaramdam siya ng panganib at takot dahil nagagawa itong labanan ng katunggali. Naalala nya ang isang napakalakas na halimaw na pumaslang sa kanyang mga kaibigan 40 taon na ang nakakaraan. Naghalo ang takot at galit sa kanyang isip. Tagumpay niyang naiturok ang gamot ngunit hindi na nya nakontrol ang kalaban. Hinawi siya nito at siya ay tumalsik.
Napinsala si Takara nang siya ay bumangga sa pader ng tulay. Nanghina din siya dahil sa paggamit ng abilidad. Umubo siya ng dugo at muling tumayo. Batid nya na nabali ang kanyang dalawang tadyang. Iika-ikang lumapit ang kalaban sa kanya upang muli siyang sunggaban. Nasalag niya at naiwasan ang unang atake ngunit nasuntok siya sa sikmura at sa mukha. Nagawang mahablot ng lalaki ang kanyang binti at siya ay ibinalibag sa lupa. Halos mawalan ng malay si Takara, nanlupaypay ang buo nyang katawan at hindi na makalaban.
Sinakal siya ng kalaban. Napagtanto nya na iyon na ang kanyang katapusan.
Makalipas ang ilang saglit pa ay nagkulay ube na ang kanyang mukha at di na huminga ngunit biglang bumitiw sa pagkakasakal ang lalaki na parang bumalik na sa katinuan. Umepekto na ang gamot na itinurok sa kanya. Nang matauhan, napansin ng lalaki ang dalaga na walang malay at hindi humihinga.
Niyugyog nya ang katawan ng dalaga at pinagsasampal ngunit hindi parin iyon humihinga. Medyo nataranta ang lalaki. Naisipan nyang gawin ang CPR. Akma na nyang ilalagay ang kanyang kamay sa dibdib ng babae ngunit nagdalawang isip sya at hindi itinuloy. Binalak din nya bugahan ng hangin ang bibig. Hinawakan nya ang panga at ulo ng dalaga ngunit naamoy nya ang dugo mula sa bibig nito, nandiri at itinigil ang plano. Tumayo siya at nag-isip. Kinapa nya ang bulsa ng babae at nakita ang iba't ibang mga kapsula ng gamot at injection. Ngunit nakasulat sa salitang Hapon ang mga pangalan at hindi nya maintindihan.
Nakaramdam din siya ng pagkahilo at panghihina. Kumirot ang mga sugat at pasa na kanyang natamo. Wala na syang nagawa , huminga sya nang malalim at tinanggap na lamang ang pagkasawi ng babae.
"Sorry"
Dahan dahan syang tumayo at iika-ikang naglakad patungo sa ilog upang uminom ng tubig. Bumalik sya at dinampot ang maskara, posas, at ang armas na nalaglag. Hinila din nya ang paa ng babae upang ikubli muna ang katawan sa matataas na damuhan. Habang hinihila, sa di inaasahang pagkakataon ay narinig nyang huminga nang malalim ang dalaga at umubo-ubo. Naalarma ang lalaki, binaril nya ang babae ngunit wala na pala siyang bala. Ipapalo sana nya ang baril sa biktima ngunit huminto sya at parang nakaramdam ng awa. Nagkatitigan sila ni Takara nang sandali.
"Shit!"
Inis na nasabi ng lalaki sabay kuha at suot sa kanyang puting maskara. Umiiling-iling sya, at muling kinuha ang posas. Tuluyan na sana nyang maigagapos ang babae ngunit dalawang punyal ang tumusok sa kanyang likuran.
Dumating na pala sina Kazuko at Suzume at nasaksihan ang nangyayari. Sumugod ang dalawa na waring lumilipad. Sa sobrang galit ay nagliyab ang buong katawan ni Kazuko at Sinuntok ang lalaki na tumalsik sa damuhan. Sumaklolo naman si Suzume kay Takara.
Muling nagliyab ang katawan ni Kazuko, nanlilisik ang kanyang mga mata. Natupok ng apoy ang kanyang bestida at lumantad ang metal na baluti na waring sando at shorts. Naaninag nyang tumayo ang kalaban at tumatakas. Hinabol ni Kazuko ang lalaki. Isang nagbabagang kadena ang kanyang inilabas na humampas sa kalaban. Nalapnos ang likuran ng lalaki na naisipang tumakas patungo sa ilog. Lumublob siya sa tubig at sumisid. Sinundan siya ni Kazuko na lumutang sa ibabaw ng ilog.
Nang masigurong ligtas na sa kapahamakan si Takara, sumunod si Suzume na tumungo sa gilid ng ilog hawak ang dalawang punyal. Inabanga nilang umahon ang kalaban. Halos limang minuto silang naghintay at nagmatyag sa paligid.
Bagama't nanghihina, nagawang makausap ni Takara ang dalawang babae mula sa malayo gamit ang telepathy.
"Ladies, wala na siya sa ilog. Mga 1 DME na lamang ang pinakamalakas na nasasagap ng radar galing sa mga sasakyan sa itaas"
"Sa parusang natanggap ni Takara, imposibleng ordinaryong tao ang kanyang nakalaban"
"1.2 DME ang minimum na enerhiya ng isang halimaw. May hinihinala akong may portal o tunnel sa ilog na ito. Susubukan kong sumisid at magmasid sa ilalim"
Lumipas ang mahigit sampung minuto ngunit bigo ang mga babae na makahanap ng kahit anong lagusan gayunpaman batid ang kanilang kapanatagan dahil ligtas si Takara at minabuti nilang umuwi na muna upang siya ay magamot.
BINABASA MO ANG
Project Eden Virus
Ciencia FicciónKumakalat ang isang uri ng karamdaman sa Asya kung saan ang mga biktima ay nawawala sa katinuan at umaasal na parang hayop. Isang Pilipinang nars ang makukulong sa Korea at maiipit sa isang lihim na digmaan sa pagitan ng mga tao at mga makamundong...