9-1 Pagtugis sa mga Kampon ni Jaffar

5 3 0
                                    

 Ika-7 ng Pebrero 2019, 5:00 AM

Ika-5 ng madaling araw sa isang probinsya sa Japan, isang binatang magsasaka ang nasa gitna ng isang bukirin habang sinusuri ang kanilang palayan. Napansin nya ang guhit sa kalangitan na parang may dumaang eroplano at humawi sa mga ulap. Hindi nya iyon gaanong pinansin at pinagpatuloy na lamang ang pagtatrabaho.

Makalipas ang ilang minuto ay nakaramdam siya ng malakas na hanging umiihip. Animo ay namamalikmata siya nang makita ang isang tumpok ng ulap na kasing lawak ng isang pinagsama-samang 50 kabahayan. Inakala niyang hamog lamang ang namamasdan.

Nilapitan nya ito at sinubukang hawakan. Sa una ay mga usok lamang ang kanyang nararamdaman sa kanyang palad ngunit nagulat siya nang may maramdamang parang likido siyang nakapa. Natumba siya paatras sa sobrang pagkatakot. Bagama't napaliligiran ng usok, nasilayan nya pa rin ang tubig na parang lumikha ng alon sa lugar na kanyang nahawakan.

Kinuha nya ang cellphone upang kunan ng larawan ang kakaibang bagay ngunit may naamoy siyang kakaiba. Tinutok nya ang cellphone ngunit naramdaman nya na parang may humawi sa kanyang kamay. Nakaramdam din siya ng pagkahilo at unti-unting nawalan ng malay. Isang grupo ng di nakikitang nilalang ang dumating. Ang isa sa mga ito ay hinila ang katawan ng binatang hinimatay upang ihiga sa tabi ng isang puno.

Sa ganoong oras din sa Malaysia, isang grupo ng mangingisda sa isang ilog ang muntik nang malaglag sa kanilang munting bangka na sinasakyan. May mga napansin pa silang mga bula at inakalang inaatake sila ng malaking buwaya. Kaagad din naman silang ligtas na nakabalik sa pangpang. Hindi nila napansin ang maliliit na sasakyang pandagat na dumaan sa kailaliman ng ilog.

Ika-anim na nang umaga nang makatanggap ng mga ulat si Heneral Lao. Tagumpay na napasok ng mga bampirang sundalo ng KLAB ang mga kuta ng kampon ni Jaffar sa Malaysia at Japan. Kasalukuyang walang nagaganap na oposisyon o paglaban mula sa mga bampirang nahuli. Mahigit na 50 empleyado at 40 bilanggo sa Malaysia at 130 empleyado at 80 bilanggo kasama ang 15 tao ang nasukol sa ginawang operasyon. Gayunpaman ay walang naaalala ang mga bampirang empleyado sa mga nangyayari at minabuti nilang sumuko na lamang nang payapa. Ang mga bilanggo naman ay nakararanas pa rin ng mga sintomas ng virus na itinurok sa kanila. Bayolente at wala sa katinuan ang mga nakapiit na bampira samantalang nag-aasal hayop naman ang mga taong naapektuhan.

Bagamat tagumpay ang operasyon, hindi pa rin matagpuan si Jaffar. Isang ulat ang nagsasabing namataan ang target na lumipad ng eroplano patungo sa Russia. Isa sa mga bampirang heneral ni Jaffar na nagngangalang Danny ang nadakip at kasalukuyang tinatanong ng mga sundalo. Mukhang normal na Asyano lamang si Danny, mahigit 50 anyos, kayumanggi ang balat, payat na malaki ang tiyan at may bigote at balbas.

Hindi mapalagay si Lao, batid nya na may mali dito at minabuting kausapin ang nabihag na heneral.

Nakaupo si Danny, nakagapos sa harap ng isang mesa at napaliligiran ng anim na sundalong nakabantay. May mga sugat at pasa na rin siyang tinanggap dahil sa ginawang naunang pagpapaamin gayunpaman hindi siya kinakikitaan ng anumang tensyon. Gamit ang video call. Sinimulan siyang tanungin ni Lao sa wikang Chinese.

"Kumusta Ginoong Danny, na walang kahit anumang pagkakakilanlan bukod sa pagiging pangunahing heneral ni Jaffar. Pasensya na sa mga pinsala na iyong tinanggap ngunit kung ipagpapatuloy mo ang paglilihim ng iyong katauhan at pinagmulan ay mapipilitan ang aming mga sundalo sa batas ng WVO na wakasan na ang iyong buhay dito sa lupa"

"Kumusta heneral Lao. Kagaya nang nauna kong sinabi. Hindi ninyo malalaman ang aking pinagmulan at nanaisin ko pa na mamatay na lamang. Alam ko na matindi ang aking mga naging krimen at nais ko na lamang pagbayaran iyon"

Isang sundalo na gumagamit ng lie detector ang humudyat kay heneral Lao na totoo ang mga sinasabi ni Danny.

"Sa ngayon ay isang libong taong pagkakabilanggo ang pinaka maiksing parusang maaari mong tanggapin ngunit sa bisa ng batas ng Project Eden, at kung tuluyan kang makikipagtulungan sa amin upang mahuli si Jaffar, ay maaari naming bawasan nang mahigit sa kalahati ang iyong sintensya"

"Pasensya na. Sinabi ko na sainyo na nakatas si Prinsipe Jaffar at wala na akong maari pang sabihin"

Muling pinahiwatig ng sundalo sa lie detector test na totoo ang sinasabi ng bihag.

"Kung iyan na talaga ang iyong magiging pasya ay wala na kaming magagawa. Pupugutan at Kukunin namin ang iyong ulo upang pag-aralan"

"Walang problema"

Dismayadong tinapos ni Lao ang usapan. Kinausap nya ang mga alagad na dalhin sa base ang katawan ni Danny upang pag-aralan.

Isang opisyal ang nag-ulat.

"Ayon sa pag-aaral sa virus, kakailanganin ng mahigit dalawang lingo upang tuluyang gumaling ang mga nabihag na tao at maibalik nang ligtas sa kani-kanilang pamilya. Gayundin ang panahong aabutin upang tuluyang burahin at malinis ang mga kuta at problema na ginawa ni Jaffar"

"Sige humingi na lamang tayo ng suporta mula sa JLAB at MLAB, kakailanganin ko ang kalahati ng mga hukbong ipinadala upang bumalik dito sa Korea umaga bukas. Hindi sila maaaring maabutan ng lockdown. Pag-igtingin nyo pa ang paghahanap kay Jaffar. Hindi pa rin tayo maaaring manahimik hanggang hindi pa siya nahuhuli" tugon ng heneral.

"Dagdag na kaalaman heneral. Nakaranas din pala ng pag-atake ang MLAB kahapon. Tatlo sa pinakamahusay na siyentipikong bampira ang nawawala kasama ng iba pang mga instrumento sa kanilang laboratoryo. Pinaghihinalaang isa sa mga kampon ni Jaffar ang may kagagawan."

Seryosong Napaisip si Lao. Hindi siya mapakali at muling tinipon ang mga opisyal. Nakipag-ugnayan siya s MLAB upang imbestigahan ang nangyaring pagkawala partikular na ng mga mahahalagang instrumento at kemikal. Agad na iniutos ni Lao na pag-igtingin ag seguridad sa bawat sulok ng KLAB at magkaroon ng ulat ng imbentaryo sa lahat ng kanilang mga empleyado at kasangkapan.

Kapapatupad pa lamang ng panukala ay agad nang nabahala ang lahat sa natanggap na balita. Isang van ang namataang nakapasok sa KLAB. Gamit ang mga radar, napag-alaman na pitong bampira ang sakay ng van at nagawang patumbahin ang mga sundalong nakabantay sa gate na pinasukan.

Agad na pinaghanda ni Lao ang mga natitirang sundalo upang makipaglaban.

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon