8-3 Mga Siyentipiko mula sa Malaysia

6 3 0
                                    

Ika-6 ng Pebrero 2019, 6:00 PM

Katatapos lang maglinis ni Zephyr ng mga kulungan. Umakyat siya upang magpahinga at kumain. Pagdating nya sa itaas ay nabigla sya nang matagpuan ang tatlong di kilalang tao na nakatali at walang malay sa sala. Dalawang lalaki at isang babae na mistulang mga banyaga at galing sa India ang itsura ng mga ito. Nakasuot sila ng mga puting labcoat at napaliligiran ng mga makina, bag, at iba't ibang uri ng kagamitan sa laboratoryo.

"Jawoon! Ano tong mga to?"

Kasalukuyang nagluluto at abala noon ang matandang bampira.

"Ahh... mga bisita natin sila. Mga bampirang siyentipiko galing sa Malaysia, may mga kasangkapan din silang dala. Buti naman at mukhang tapos ka na sa paglilinis. Sandali na lamang ay luto na ang pagkain natin. Mamaya pagkatapos maghapunan ay kailangan mo silang tulungang ibaba sa basement ang kanilang mga gamit"

"Mga bisita? Pero nakatali? At papaanong nakarating ang mga ito dito?" pagtataka ng binata.

"Kakailanganin natin sila para sa ating misyon. Magpahinga ka na muna diyan. Aasikasuhin ko lang saglit yung niluluto ko"

Napabuntong hininga si Zephyr. May karagdagang trabaho na naman siya. Lumabas siya ng bahay sandali upang magpahangin. Naglakad-lakad siya at makalipas ang limang minuto ay natanaw niya si Wiwat na nakatihaya sa ibabaw ng isang malaking bato at nagpapahinga.

"Tulog na naman? Parang hindi na tama ito. University graduate ako pero ginawa akong parang alila dito ah" bulong ng binata sa sarili.

Nakaramdam siya ng gutom at bumalik sa bahay. Pagpasok sa salas ay napansin nyang nakaupo na ang isang lalaking bisita ngunit nanghihina pa ito. Minabuti nyang hindi na ito pansinin. Umupo sya sa harap ng malaking mesa habang inihahanda ni Jawoon ang mga putahe. Pinatunog din ng matanda ang maliliit na batingting, hudyat iyon sa kanilang Master upang kumain na. Apat na ulit nya iyong binatingting.

"Mukhang napagod nang husto ang ating Master. Mabuti pa ay gisingin ko na muna ang ating mga bisita" wika ni Jawoon. Pupuntahan na sana nya ang mga natutulog na bampira nang biglang dakmain ni Zephyr ang kanyang kamay at siya ay pinigilan.

"Jawoon, hindi ba parang may mali? Nasabi sa'kin ni Karmela ang tungkol sa seremonya. Hindi ba dapat naghahanda na rin tayo para doon? At isa pa, parang hindi yata tama na puro pandurukot at pagbibilanggo ang ating ginagawa" seryosong tanong ng binata.

Hinila ng matanda ang kanyang kamay mula sa pagkakahawak ni Zephyr.

"Sa ngayon ay parte ito ng ating misyon. Magtiwala tayo sa ating Master" sagot ni nito.

"Kay Master na palaging tulog? Sa totoo lang , Jawoon, mukhang mas gusto ko pa sumali sa Project Eden o doon sa seremonya na sinasabi ni Karmela kaysa sa mga ginagawa ko ngayon" pagtatapat ni Zephyr.

Hindi sumagot ang matanda at nagpatuloy upang puntahan ang mga bisita.

Napabuntong hininga na lamang ang binata ngunit laking gulat nya nang may magsalita sa kanyang tabi.

"Let us eat"

Halos malaglag sa kinauupuan si Zephyr dahil sa sindak.

Nakaupo na pala ang kanilang pinuno na si Wiwat sa kanyang tabi at hawak ang kutsilyo at tinidor. Batid ng binata na narinig nito ang kanyang mga sinabi. Bago na rin ang maskarang suot nito. Nakalabas na ang bibig na may bigote at balbas. Kumain ang Master at waring nasarapan sa luto samantalang pinagpapawisan si Zephyr at hindi makagalaw sa kanyang kinauupuan.

"Eat!" muling sambit ng lalaking nakamaskara.

Sa takot ay nagsimulang kumain ang binata. Nanginginig ang mga kamay nya habang kumukuha ng mga ulam. Mahigit sampung klase ng putahe ang nakahain. Anim na pinggan din ang nakahanda.

Sinimulang gisingin ni Jawoon ang mga bisita. Ipinakita din nya ang mga metal na pulseras na nakakabit sa kamay ng mga iyon. Nabatid ng mga kagigising na bampira na mapanganib ang mga pulseras at kasalukuyan silang mga bihag. Tinanggal ng matanda mula sa pagkakatali ang mga bisita at inalalayan patungo sa mesa upang sila ay saluhan. Ingles ang ginamit nilang wika.

Nakaupo na ang anim sa harap ng mesa ngunit tanging sina Wiwat at Jawoon lamang ang mukhang may ganang sumusubo. Takot at maingat sa paggalaw ang tatlong bisita gayundin si Zephyr.

"Kain lang kayo. Luto ko ang mga ito. Siya nga pala, Zephyr, ang mga kasama natin ay mga siyentipiko mula sa Malaysia na sina Mousumi, Rakesh, at Karthik" wika ni Jawoon

"Gusto ko sanang magbanyo" ang sabi ng isang lalaking bisitang si Rakesh.

"Pwede naman kaso nasa 20 metro pa ang layo ng palikuran. Nakaprogram din pala ang pulseras na kuryenethin kayo sakaling lumampas kayo ng 15 metro mula sa akin" sagot ng matanda.

"Makakaasa ba kami, Ginoong Wiwat, sa iyong pangako na dalawang linggo lang kami manantili dito? At ibabalik kami nang ligtas matapos ang aming misyon?" tanong ng babaeng si Mousumi.

Tumango-tango lamang ang pinuno tanda ng pagsang-ayon. Halatang gutom na gutom ito at tuluy-tuloy ang pagsubo.

"May isang salita ang aming Master. Kakailanganin lang namin ang inyong kasanayan sa pag kukumpuni ng mga instrumento at pag-aayos ng laboratoryo. Suswelduhan pa namin kayo ng tig isang milyong dolyar pagkatapos ng inyong serbisyo" paliwanag pa ni Jawoon. Napanatag naman ang mga bisita at nagsimulang mawalan ng tensyon.

Makalipas ang ilang sandali ay napukaw ang atensyon ng lahat nang si Zephyr naman ang nagtanong.

"Jawoon, bakit sila may mga pulseras at tayo ay wala?"

Hindi sumagot si Jawoon at lumingon sa kanilang pinuno upang maghintay ng kasagutan. Medyo natigilan din si Wiwat at waring napilitang magbigay ng kasagutan. Nilunok ng Master ang nginunguya at tinitigan nang seryoso ang binatang nagtanong.

"Para hindi na ako magdadalawang-isip na tanggalin ang iyong gulugod kapag pinagtaksilan mo ako", pagbababanta ni Wiwat habang inilalabas at dinidilaan ang mga matatalim niyang mga ngipin at pangil.

Malalim ang boses ni Wiwat at mararamdaman ang kahindik-hindik na awrang nagmumula sa kanya. Dumampot din siya ng toothpick at nagtanggal ng mga tinga. Halos sampung segundo nyang tinitigan ang nananahimik at natatakot na binata. Naagaw rin ang atensyon ng tatlong bisita. Nabasag ang katahimikan nang muling kumain ang pinuno.

"Relax Zephyr, ibig sabihin lang ni Master ay pinagkakatiwalaan ka nya" nakangiting sinabi ni Jawoon sabay halakhak. Bumungisngis din si Wiwat at natawa rin ang tatlo pang bisita.

"Ah mabuti naman kung ganoon" nakangiwing sambit ng binata. Pinilit na rin nyang tumawa upang mawala ang tensyon.

"Mabuti na iyon, ginoo. Mas maswerte ka kumpara sa kalagayan namin ngayon. Ni hindi man lang makapagbanyo" dagdag ni Rakesh.

"Pasensya na mga ginoo at binibini, iaadjust ko mamaya ang mga pulseras sa 200 metro para makapamasyal pa kayo. Huwag kayo mag-alala. Sa ngayon ay magpalakas muna kayo at kumain. " tugon ni Jawoon.

"Siya nga pala, Master, pabalik na ng hotel si Karmela at ang target. Mukhang tagumpay ang kanilang pagpaparehistro" dagdag na ulat ni Jawoon.

"Mabuti naman. Mukhang kampante tayong makakatulog ngayong gabi. Kakailanganin natin ng lakas para bukas" tugon ni Wiwat.

Habang kumakain ay pinakilala na rin ni Jawoon ang pinunong si Wiwat at Zephyr. Pinuri ng mga bisita ang masarap na luto ng matandang bampira at ang matagumpay at nakamamanghang pagdukot sa kanila ni Wiwat mula sa Malaysia. Tinalakay din nila kung paano aayusin ang mga instrumento at kagamitan upang makagawa ng laboratoryo sa ilalim ng bahay na iyon.

Nakinig nang mabuti si Zephyr ngunit bakas pa rin sa kanya ang pag-aalala at pagkatakot. Inisip na lamang nya na pagkatapos ng misyon ay pipilin na lamang nyang sumali sa Project Eden sa kadahilanang hindi naman siya tunay na masamang bampira at wala pa siyang ilegal na kaso.

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon