9-2 Nagkaaberyang Eksperimento

5 3 0
                                    


Ika-7 ng Pebrero 2019, 11:00 AM


Pinagmamasdan nina Jawoon at Zephyr ang laboratoryo na gawa ng tatlong siyentipikong kanilang bisita. Isang bayolente at wala sa sariling matandang lalaking bampira ang nakahiga at nakagapos sa isang kulob na kuwarto. May m ga aparato ring nakakabit sa ulo at nakatusok sa kanyang mga braso.

"Jawoon, tama ba ang ginagawa natin? Tignan mo parang kasing edad mo lang ang nasa loob" nag-aalalang tanong ni Zephyr. Hindi umimik ang matandang inaasar.

Pinagana ng mga siyentipiko ang makina. Unti-unting nabalot ng manipis usok ang silid na kinalalagyan ng bampira. Mula sa labas ng selyadong kuwarto tanaw ng lima ang nangyayari sa bayolenteng pasyente. Nalanghap nito ang gamot mula sa usok at nagkaroon ng mga bukol at sugat sa katawan. Sumuka ito ng dugo at hinimatay. Nag-uusap ang mga siyentipiko.

"Stable na ang heart rate"

" Brain activity to minimum"

" Mukhang effective ang air mixture mula sa bacteria. Kailangan natin ng mas malakas na concentration ng chemical G8"

Makalipas ang isang minuto ay naudlot ang usapan ng lahat nang muling magkamalay ang pasyente. Nagawa nitong makakalas sa pagkagapos at magtatakbo sa loob ng silid. Nakakahindik ang mga sigaw nito at naglalaway. Nasira ang mga makina sa loob ng selyadong silid at nang mapansin ng bayolenteng bampira ang mga nakamasid mula sa labas, ay agad itong sumugod sa salamin na bintana at pilit itong winawasak.

"Masama ito, nasira nya nang husto ang ating makina sa loob. Mabilis ang immunity nya sa bacteria. Pag nagpatuloy siyang ibalibag ang sarili sa bintana ay tiyak na makakalabas siya"

Natakot ang lima sa nasaksihan. Nagkaroon ng lamat ang salamin na bintana. Kinuha ng siyentipikong si Karthik ang baril na tranquilizer at binalak pumasok sa loob ng silid ngunit hinadlangan siya ni Mousumi.

"Huwag! Masyado siyang malakas. Aabutin pa ng limang segundo bago umepekto ang isang bala ng tranquilizer. Sa oras na maatake ka nya at makagat ay siguradong mahahawaan ka. Baka hindi natin makontrol ang sitwasyon at mapalaganap ang virus dito"

"Kung gayon hayaan natin siyang mapagod at makalabas. Sa estado ng kanyang pag-uugali ay pihadong magkakaroon siya ng oras sa pagtataka kapag siya ay nakalabas. Saka natin siya barilin"

Bumaling ang siyentipikong bampira kin Jawoon at Zephyr.

" Kayo! Ikandado nyo ang mga pintuan palabas sa basement!"

Agad namang sumunod ang dalawa.

Hindi pa man tuluyang nakakalayo ay nagulat sila nang dumaing sa sakit at nangisay ang tatlong siyentipiko. Tumumba ang mga ito at nabitawan ang mga armas.

"Shit!" Napasigaw si Zephyr.

Nataranta si Jawoon nang maunawaan na nalimutan pala niyang iadjust ang distansya ng electricutor na pulseras na suot ng mga siyentipiko. Akala nya ay 200 metro ang kanyang nailagay ngunit 20 metro lamang pala na siyang naging dahilan ng pagkakuryente ng mga ito nang siya ay lumampas sa distansyang limit. Muli nilang binalikan ang mga nangisay na siyentipiko upang tulungan.

"Zephyr, ako ang bahala dito. Ikaw na ang magsara ng mga pintuan" utos ni Jawoon.

Bagamat natataranta, sumang-ayon ang binata at nagmamadaling isinara ang mga pintuan at lagusan palabas. Inabot siya ng halos dalawang minuto upang maikandado ang dalawang pintuan. Laking pasasalamat nya nang balikan ang mga kasama at nakita si Jawoon na hawak ang baril at nakatutok sa bintana na malapit nang masira. Ang tatlong siyentipiko naman ay may mga malay na ngunit nakasandal sa mga pader at halatang nanghihina at hindi makatayo. Nasa panganib ang lahat dahil malapit nang masira ang bintana.

"Naikandado ko na ang mga pinto palabas"

"Mabuti naman"

Binigay ni Jawoon ang baril na hawak sa binata. Isa pala iyong flame thrower na agad namang inabot ni Zephyr. Dinampot ni Jawoon ang isang tranquilizer gun at muling itunutok sa bintana.

"Zephyr, Kung sakali mang makagat kami, huwag kang mag-alinlangang sunugin ang aming katawan" sigaw ng matanda.

Bagamat nag-aalangan tumugon ang binata. At tinutok ang flame thrower sa mga kasama.

"Masusunod"

Sa oras na iyon ay nagawa ng babaeng siyentipiko na damputin ang isa pang tranquilizer gun. Sumandal siya sa pader at itunutok din ang baril sa bintana upang mag-abang.

"Kailangan ko pang bumalik sa Malaysia at mag-asawa" nanghihinang sambit ni Mousumi.

Nagkaroon din ng lakas ang siyentipikong si Karthik upag gumapang. Pinipilit nyang abutin ang isa pang baril na tranquilizer.

"Kailangan ko pa makadalo at makikain sa handa sa kasal ni Mousumi" pabirong bulong nito. Agad inabot ni Jawoon ang isa pang baril sa nakadapang siyentipiko.

"Puntiryahin mo ng mabuti, tanda! Iyon na lang ang kabayaran sa ginawa mo samin" sambit naman ni Rakesh habang nanghihina at nakasandal sa pader. Napatango na lamang si Jawoon habang nag-aabang.

Makalipas ang mahigit isang minuto ay nagawang mabasag ng bayolenteng bampira ang bintana at nahihilong nakalukso palabas. Mabuti na lamang at tagumpay ang lahat na mapigilan ang pag-atake nito. Nagawa nilang barilin ng tranquilizer ang bampira at tuluyang napatulog. Nakahinga nang maluwang ang lahat ngunit laking gulat nila nang pinagana ni Zephyr ang flame thrower. Muntik na nyang masunog ang siyentipikong si Rakesh.

"Hey watch out!" sigawan ng tatlong bampirang doktor.

"Sorry, just testing. My first time" paliwanag ng binata na noon pa lamang nakahawak ng flame thrower.

Maraming nasirang instrumento at natapong mahahalagang kemikal dahil sa insidente. Maingat na ikinadena nilang muli ang test vampire at paulit-ulit na humingi ng paumanhin si Jawoon sa mga nakuryenteng siyentipiko.

Mahimbing pa rin ang tulog ng kanilang pinunong si Wiwat at walang kamuwang-muwag sa mga nangyayari sa mga kasamahan. Dahil sa mga nangyaring pinsala at pagkakamali sa eksperimento, napilitang lumabas ni Zephyr patungo sa syudad upang bumili ng mga kemikal na kakailanganin.

Isang espesyal na botika na itinuro ni Jawoon ang kanyang tinungo. Kumuha siya ng numero at nag-abang na matawag. Habang naghihintay ay nakaidlip sya at binangungot. Nanaginip siya na pinakawalan ni Wiwat ang bayolenteng bampira na pumaslang kina Jawoon at sa mga siyentipiko. Kumalat daw ang virus at nakita nya ang mga bayolenteng bampira na nakawala at naghahasik ng lagim sa mga kalsada sa syudad habang ang mga mayayaman at sibilisadong bampira ay panatag at ligtas sa kani-kanilang protektadong mga bahay at may mga alagang tao na mga nag-aasal hayop.

Naalimpungatan at nagising si Zephyr nang tinapik ng isang lalaking nakashades ang kanyang balikat.

"Numero mo na yata ang tinatawag"

Tumingin sya sa paligid. Tanging siya at ang apat na nakaitim na tuxedong kostumer ang naghihintay. Mahigit 30 minutos pala siyang nakatulog. Agad siyang pumunta sa kahera upang ibigay ang listahan ng mga kemikal na kanyang bibilhin.

"Sir, karamihan po sa mga order nyo ay nangangailangan ng authorization letter mula sa certified na laboratoryo. Hihiramin po namin ang inyong ID" paliwanag ng nagbebentang ginang

"Authorization letter? Gagamitin ko lang sana sa eksperimento namin sa school" sagot ng binata. Wala rin siyang maipakitang ID.

"Kung gayon Sir, ipapasuri ko lang saglit ang mga kemikal. Iminumungkahi muna namin na maghintay pa kayo sa upuan nang mga 30 minutos" seryosong sinabi ng ginang habang nagtatype sa tapat ng computer. Wala namang nagawa si Zephyr kundi sumunod at bumalik sa kinauupuan. Tinitingnan siya ng lalaking nakashades na siyang gumising sa kanya. Hindi nya iyon pinansin at nagbasa na lamang ng mensahe sa kanyang cellphone. 

Project Eden VirusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon