Saan ba ako paroroon?

3 2 0
                                    

Hindi ko mabatid kung saan magsisimula
sa paghakbang palayo sa nakaraan ba
o sa pagbalik sa dako kung saan ang mundo natin ay nagtugma?

Babalik ba ako sa simula,
sa umpisa ng ating kabanata
o sa gitna kung saan nasilayan ko ang pag-ibig sa iyong mga mata?

Ihahakbang ko ba ang mga paa
sa daan kung saan nagsimulang lumabo ang ating pagsasama
baka sakaling maayos pa natin ang mayroon tayong dalawa.

O sa katapusan ng kwento ako paroroon
upang kahit papaano'y maayos kitang bibitawan
bago mo dahan-dahang ihahakbang ang iyong mga paa palayo sa ating kanlungan

Hindi ko alam na hanggang ngayon
ay hindi ko magawang kalimutan
ang sandaling pinutol mo ang pising nagbigkis sa ating mga puso

Hindi ko pa rin pala nakalimutan
ang sugat mong idinulot ay bitbit ko magpahanggang ngayon
maging ang mga luhang ibinuhos kasabay ng iyong paglisan

✍ Scarlet Rain | Saan ba ako paroroon?

Mga tula, luha at tinta ni UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon