May mga pagod talaga na hindi kayang pawiin ng pahinga, o ng tulog. Iyong pagod na hindi mo na alam ang dahilan kung bakit pagod na pagod ka na. Iyong klase ng pagod na nais mong kalimutan at takasan pero pilit at patuloy kang hinahabol kahit sa iyong pagtulog. Iyong hihilahin ka sa tila walang hangganang kadiliman.
May mga pagod na nagiging dahilan ng pagka-irita sa halos lahat ng bagay na nais mo nalang na magkulong at magmukmok sa kwarto para wala ka ng makitang bagay o tao na magiging ugat ng iyong inis. Iyong klase ng pagod na kapag naubos na ang iyong pasensya ay gusto mong manakit, pero ayaw mong makasakit ng iba kaya sarili mo nalang ang sinasaktan mo.
May pagod na dala-dala natin mula pa noon, magpahanggang ngayon. Hindi napapawi, o nababawasan, minsan ay natatabunan ng panandaliang saya pero pagkalipas ng ilang sandali ay muli mo na namang mararamdaman.
Nakakalungkot isiping karamihan sa atin ay napapagod sa hindi natin matukoy na dahilan, hindi natin malaman kung alin ang naging ugat ng pagod na iyon. At ang hindi natin matukoy na dahilan na iyon ay napakarami na hindi na natin mabilang, mga sakit na hindi malulunasan, mga sugat na hindi naghihilom, mga pasa na hindi nawawala, mga pilat na hindi naglalaho bagkus ay muling nagsusugat at dumurugo, mga bangkay ng nakaraang pilit bumabangon mula sa hukay, mga multong pilit nating tinatakasan subalit patuloy namang sumusunod hanggang sa pagtulog. Iyong pagod na hindi mo na alam kung paano hahakbang, o kung hahakbang pa nga ba at tumayo, o magpapatangay na lang sa agos ng tadhana kung saan man ito umabot, o tuluyan nating takasan ang lahat.
-Scarlet Rain | Pagod
BINABASA MO ANG
Mga tula, luha at tinta ni Ulan
PoetryA random poetry compilation written by Scarlet Rain