Pahinga, makakamit pa kaya?

1 1 0
                                    

saan nga ba kakapit sa panahong lunod na lunod na
puso'y nagnanais na umahon sa kumunoy na inilatag ng tadhana
nais na pahirin ang bawat nasayang na luha
saan nga ba kukuha ng lakas sa panahong ubos na ubos na

hindi mabatid kung saan kakapit sa tuwing lakas ay nasaid
kung saan ihahakbang ang mga paa sa tuwing nangangapa sa dilim
hindi mabatid kung babangon pa ba o sumuko na lang ng tuluyan
dahil hindi rin alam nitong puso kung saan magpapahinga sa tuwing nahihirapan

walang ibang magawa kung hindi ang lumuha sa sulok ng madilim na kwarto
sa tuwing pakiramdam ay tila tinalikuran na ng buong mundo
tanging ang kawalan ang saksi sa hinagpis na tila walang dulo
puso't isipan ay nagtatalo kung magpapatuloy pa ba o tuluyan nang sumuko

puso ay pagod na, maging isipan at kaluluwa
saan nga ba magpapahinga kung lahat ay nakakaubos
nais ko rin na maging malaya
malayo sa lahat ng nakakaupos

subalit tila suntok sa buwan kung hihilingin nitong puso
na maging masaya, malaya sa nakagapos na tanikala
saan nga ba kakapit, saan hahakbang kapag upos na ang kandila
o may tanglaw pa nga bang masisilayan, o baka wala na talaga

-Scarlet Rain | Pahinga, makakamit pa kaya?

Mga tula, luha at tinta ni UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon