Patawad kung ikaw muli ang tinta

2 1 0
                                    

Sa bulaklak na aking natagpuan,
tumubo sa lilim ng ulan,
patawad kung naririto ako at muli na naman
kitang naalala at pinag-aalayan
ng tulang kalakip itong aking pagmamahal.
Patawarin mo sana kung muli ko na namang bubuksan ang mga pahina,
ng aklat kung saan naroroon ka,
sinusuyo at inaawitan sa ulanan,
sumasayaw sa saliw ng musikang tayo lang ang may alam.
Patawad kung muli ay hinahanap ko na naman ang bakas mo,
ang tintang iginuhit mo sa papel ng puso ko,
hindi ko lang makalimutan kung paano mong binihag
itong puso gamit ang tula at mga kwento.
Ipagpatawad mong muli ay nahukay ko
ang mga bagay na dapat ay limot na,
mga bagay na sa nakaraan ay ibinaon ko
kasabay ng iyong paglisan sinta.
Patawad kung muli na naman akong nagsusulat ng tula
nang ikaw ang nilalaman, ikaw ang paksa,
siguro ay kahit sa dulo patuloy pa rin akong hahabulin ng iyong mga alaala.

-Scarlet Rain | Patawad kung ikaw muli ang tinta

Mga tula, luha at tinta ni UlanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon