KINABUKASAN din ay lumuwas nga si Mira at ang kanyang mama para puntahan sa maynila si Elias. Nag aalala narin siya sa maaaring nangyari sa binata kung bakit bigla lang natigil ang komunikasyon nito sa kanya. Marami siyang mga tanong sa kanyang isipan at alam niyang masasagot lang ang lahat ng iyon kapag nagkita na silang dalawa.
Kahit na iba ang sinasabi ng utak niya, pilit paring pinapaniwala ng puso niya na may nangyari lang na hindi inaasahan kaya walang paramdam sa kanya ang binata. Panghahawakan parin niya ang pagmamahal nito at ang mga pangako nito sa kanya.
Ramdam niya ang pamamawis ng kanyang mga kamay kahit na nakabukas ang aircon ng taxi na sinasakyan nila patungo sa subdivision kung saan nakatira ang mga Guerrero.
Hindi na niya pinapansin ang mga sinasabi ng kanyang mama na hangang hanga sa naglalakihan at mga naggagandahang mga bahay na dinaraanan nila. Puno ng kaba ang puso niya sa antisipasyong makikita na niya ang kasintahan sa araw na iyon.
"Ito naba ang kina Elias?" Paninigurong tanong ng kanyang mama nang bumaba na sila ng sasakyan. Pinalibot nilang dalawa ang paningin sa may kalakihang gate.
"Oo ma.. ito po ang bahay nila." Sagot niya na halos hindi na niya marinig ang sariling boses dahil sa malakas na dagundong ng kanyang dibdib.
"M-mayaman pala talaga sina Elias ano?" Bulong pa nito na hindi makapaniwala.
Napalunok na lamang siya at hindi na ito sinagot. Nagpakawala pa muna siya ng isang malalim na hininga bago pinindot ang doorbell sa nanginginig na mga kamay.
Matagal bago nila narinig ang pagbubukas ng gate. Ang maliit na pinto lamang ang bumukas at lumabas doon ang nakaunipormeng katulong na takang taka nang makita sila.
Bahagyang nangunot ang noo niya dahil hindi niya namumukhaan ang babae. Mukhang bago lang itong namamasukan doon. Kahit dalawang araw lang siyang nag stay sa bahay nina Elias ay kilala na niya ang mga kasambahay ng mga ito.
"Ano po iyon?" Tanong ng katulong. Marahan pang pinagmasdan ang kabuoan nilang mag ina. Na para bang naliligaw sila sa lugar na iyon.
"N-nariyan po ba si Elias? Pwede kopo ba siyang makausap?" Tanong niya.
Muli siya nitong pinasadahan ng tingin at kunot noong sumagot sa kanya.
"Sino po sila? At ano ang sadya niyo kay sir Elias? "" G-girlfriend po ako ni Elias. Pakisabi po narito ako at gusto ko siyang makausap. Pakisabi si Mira po. "
Hindi uli nakaimik ang babae. Na para bang nahihibang na siya sa pagsasabing girlfriend siya ni Elias. Hindi ba kapani paniwala na papatol sa kanya si Elias?!
"Miss, nagsasabi ng totoo ang anak ko. Gusto lang namin siyang makausap. Sabihin mo sa kanya nang malaman mo. Wag mo kaming tingnan ng ganyan." Anang mama niya na hindi na natiis ang mapanuring tingin ng kaharap.
"Ah.. wala dito si Sir Elias eh. Hindi niyo rin po siya makakausap ngayon." Napakamot sa likod ng ulo na tugon ng katulong. Hilaw pa itong ngumiti sa kanila.
"Ate, please... Sabihin mo sa kanya. Galing pa kami sa masbate at lumuwas talaga kami para makita siya. Promise kapag nalaman niyang narito ako haharapin niya ako. Please.." halos magmakaawa na siya sa babae na tawagin si Elias para lang makita niya. Sobrang sikip na ng dibdib niya at mabigat narin ang pakiramdam niya. Bakit ba napakahirap ngayong harapin ang binata? Ano bang nagawa niya at kailangan niyang pagdaanan ang lahat ng ito?
"Kung girlfriend kayo ni Sir Elias katulad nang sinasabi ninyo, sana alam niyong wala ho dito ang pamilyang Guerrero ngayon. Nasa ibang bansa sila."
Dismayadong napatitig siya sa mukha nito.
Nasa ibang bansa? Kailan pa? Bakit hindi manlng sinabi ni Elias na aalis ito?

BINABASA MO ANG
My Memories of You
RomanceMira and Elias' paths meet unexpectedly. But that meeting was the beginning of their good friendship. But what if Elias suddenly disappear when what happened between them bears fruit? Will Mira be able to forgive the man who ruined her dreams? Will...