Chapter 27: First few strokes

108 8 12
                                    

"Gusto mo bang kantahan kita, ganda?"

Ako'y kaagad na napabalikwas ng bangon sapagkat nakamulatan ko ang mukha ng prinsesang nakatunghay marahil sa akin habang ako'y mahimbing na natutulog.

Gadangkal. Halos masamyo ko na ang bango ng kanyang hininga dahil sa lapit ng kanyang mukha sa akin kanina.

Kaagad akong napatingala sa may kataasan n'yang bintana. Sa aking hinuha ay may isang oras na lamang at magbubukangliwayway na. Nag-aagaw pa lamang ang dilim at liwanag sa labas ng kanyang bintana ngunit gising na gising na ang prinsesa.

"Ang aga mo palang nagigising, mahal na prinsesa. Ako'y maggagayak lamang at ika'y pagsisilbihan ko na. Ikaw ba'y nagugutom na? Nais mo bang ika'y aking ipagtimpla ng mainit na gatas o mas gusto mo ba ng kape, prinsesa?" Sunod-sunod kong tanong habang ipinupusod ang aking nagulong buhok.

"Gusto mo bang kantahan kita, ganda?" Pag-uulit nito sa tanong n'ya kanina. Hindi manlang binigyang-pansin ang aking katanungan kanina.

"Kagalakan ko pong ako'y mahandugan ninyo ng kanta, prinsesa. Ngunit bakit? Patawad at ako'y matanong lang talaga."

"Dapat bang may dahilan para ika'y aking kantahan? Maganda lamang ang aking gising, ganda, iyon lamang, wala ng iba. Ngunit hindi ba't kabastusan 'yong hindi mo pagtitig sa akin habang ika'y nagsasalita, ganda?"

Ako'y napabuntong-hininga. "Napag-usapan na po natin iyan kagabi, prinsesa. Ako po'y hindi ninyo kauri. Ako'y mababang uri... iyo lamang alipin, utusan at tagasilbi."

"Tagasilbi? Alipin? Utusan?"

Tumango na lamang ako.

"Kung gayon nga, ikaw ay inuutusan kong makipagtitigan sa akin kapag tayo'y magkausap. Kung hindi, ika'y aking isusumbong sa aking amang datu, sasabihin kong iyong pinapasama ang aking loob."

"Ikaw ay nahihibang na ba, prinsesa? Alam nating pareho na iyan ay pawang kasinungalingan lamang."

"Ngunit ako'y paniniwalaan ng amang datu sapagkat ako'y hindi nagsinungaling sa kanya kahit na minsan."

Tama ba itong aking pinasok? Hindi yata't ako'y nag-aalaga ng limang taong gulang na bata sa kanyang inaasta.

"Mataas ang respeto at pagtingin ko sa iyo, mahal na prinsesa. Ako'y huwag naman po sana ninyong pahirapan sapagkat ako'y nagtatrabaho lamang."

"Isa lang naman ang aking kahilingan, ganda. Ako nama'y pagbigyan mo na."

Ako'y natahimik at matagal na nag-isip. Matalino ang prinsesa sa nakikita ko ngunit s'ya ay sadyang maloko. Ngunit alam kong mas matalino ako, kaya sisiguraduhin kong ako'y hindi kailanman maiisahan ng prinsesang ito at s'ya ay mapapatino ko.

"Sige, mahal na prinsesa. Ika'y pagbibigyan ko. Ako na'y tititig sa iyo habang tayo'y nagdadayalogo."

"Ang dali mo naman palang kausap, ganda. Magkakasundo tayo at hindi kailanman magkakaproblema."

"Ngunit bago ang lahat, prinsesa. Ako'y may hihiling din naman sa'yo bilang kapalit sa pagsuway ko sa isang mahalagang tuntunin ng ating tribo."

"At ano 'yon, ganda?"

"Na sana ako'y hindi mo tatakasan kailanman, prinsesa."

Narinig ko ang kanyang mahinang pagtawa. "Napakatalino mo pala, ganda. Ngunit humiling ka na lamang ng iba sapagkat napakalaking bagay ang iyong hinihingi bilang kapalit sa simple kong ninanais. Ngayon palang, alam kong ika'y hindi ko na mapagbibigyan sa iyong kahilingan."

Gusto kong mapalatak sa aking kinatatayuan. Ang prinsesa pala'y hindi mabilis maisahan.

Isang ideya ang pumasok sa aking isipan. Tinapangan ko na lamang at hiniling na ako'y kanya rin sanang mapagbigyan.

UNCOVER JANE DOETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon