Chapter 25: Maxima Altamirano

103 4 4
                                        

A tribe in the mountains of the Visayas... year 1824

"Saan ka nanggaling, Maxima?"

Napatigil ako sa tahimik at dahan-dahang pagpasok ng patingkayad sa kwartong nakalaan para lamang sa akin. Hindi ko sukat akalain na madadatnan ko ang aking ama dito sa aking kwarto ng ganitong oras.

"Ama... m-magandang gabi ho." nasabi ko na lamang sabay hawak sa manggas ng aking suot na patadyong habang bahagyang yumuyukod bilang pagbibigay-galang.

Napermi lamang ako sa kinatatayuan habang minamatyagan ang bawat kilos n'ya at galaw. Ngunit s'ya ay nananatiling nakatayo lamang habang nananabako at nakatingala sa maliit at may kataasang bintana na ipinagawa ayon sa aking kahilingan. Ito'y nagsisilbing aking dungawan at ang "dapat" ay natatangi lamang na nagkokonekta sa akin sa mga kaganapan sa labas ng aming nasasakupan mula sa madilim na kwartong aking nagsisilbing "kulungan".

"Alas dos ng madaling araw, tahimik ang paligid kaya... tumakas ka. Unang beses mo ba itong ginawa o magpapanggap kang unang beses palang sapagkat ngayon lamang kita nahuli?" Nakatingala pa rin s'ya sa bintanang nasisinagan ng liwanag mula sa buwan.

"Ayoko pong magsinungaling, ama. Patawad po, hindi ko masasagot ang iyong katanungan."

Doon pa lamang ito tumingin sa akin sabay buntong-hininga.

"Ibang iba ang ugali mo sa mga prinsesang nagmula sa iba't ibang henerasyon ng ating angkan, Maxima. Isang kang 'bai'... ang 'binukot (secluded maiden)' ng iyong henerasyon. Ngunit hindi ka umaakto kagaya ng isa. Masyadong matigas ang iyong ulo at sa wari'y malaki ang iyong pagkadisgusto sa gampaning iyan."

"Alam mo naman ang kasagutan ko sa usaping 'yan, ama. Ako ay hindi mo man lamang binigyan ng pagpipilian."

"Dahil ikaw na lamang ang nag-iisa kong anak na babae, Maxima. Kung buhay pa sana ang iyong kapatid, alam mong hindi kita pipilitin at pipiliin para dito. Masyadong matigas ang iyong ulo. Ako ang pinuno ng tribong ito. Dapat tingalain sapagkat hindi lamang tayo nabibilang sa isang maliit na pangkat sa bayang ito, kundi isa rin ako sa may ari ng pinakamalalaking sakahan, tubuhan, bakahan at palaisdaan sa probinsyang ito. Halos kalahati ng bayang ito ay pagmamay-ari ng pamilya natin. Hindi lang ako basta lider ng tribo o datu sa dakong ito, Maxima. Isa akong Don na tinitingala at sinusunod ng lahat, maski ng mga tao mula sa iba't ibang probinsya. Ngunit ikaw? Ikaw lamang ang nag-iisang sumusuway sa lahat ng nais ko!"

"Ngunit hindi ko ginustong maging 'binukot', ama. Gusto kong mamuhay ng normal kagaya ng ibang babae sa tribo natin o sa bayang ito. Gusto kong maglakbay sa iba't ibang panig ng mundo, makakilala ng iba't ibang tao, makapag-aral sa unibersidad at linangin ang aking kakayahan sa pagkanta at pagsayaw. Sayang naman ang talinong ibinigay sa akin kung hindi ko rin lang naman magagamit, ama."

"Tama na, Maxima! Ilang beses na ba nating napag-usapan ito? Ikaw ang nag-iisa kong natitirang anak na babae, ikaw ang pinakamaganda sa tribong ito, ikaw ang pinakamagaling na mananayaw at mang-aawit sa dakong ito. Sapat na ang lahat ng iyan upang piliin kang maging 'binukot' ng henerasyong mo. Ipapaalala ko lang, Maxima. Ginagawa ko ito para rin sa iyo. Nais kong maging karapat-dapat ka sa lalaking itatakda kong ipapakasal sa'yo."

"At ano ama? Ipagpapalit mo ako sa ilang tupa, baboy, baka, kambing at sa gaano kalaking salapi, sa gaano kalapad na kalupaan? Ako'y pinapasunod mo sa iyong kagustuhan dahil sa iyong pansariling interes, hindi ko nakikita at nararamdaman na ito ay para sa aking kapakanan."

"Tama na! Tumigil ka! Sino ka para sumagot sa akin? Anak lang kita! At wala kang ibang gagawin kundi sundin lamang ang kagustuhan ko. Nakikita mo 'yang bintanang iyan? Hindi dapat nandiyan 'yan. Ngunit pinagbigyan kita. Binibigyan kita ng kaunting laya. Ngunit sa palagay ko ay masyado na yata akong nagiging maluwag sa'yo, Maxima, kaya nagkakaganyan ka. Hindi ka na marunong rumispeto at makinig sa akin. Nasisigurado ko na ngayon na may kung ilang beses ka ng nakalabas sa kwarto mong ito ng mag-isa... na hindi dapat at hindi maaari. Paglabas ko, ikakandado ko ang pintuang ito. Hindi na kita bibigyan pa ng pagkakataong makatapak muli sa lupa. Alam mong bawal magasgasan ang iyong mga paa, bawal masugatan ang iyong mga kamay at mga paa, pero ako'y sinusuway mo. Marapat lamang na bigyan kita ng leksyon upang ikaw ay magtanda."

Hindi. Hindi maaari. Hindi pupwedeng hindi ko mapuntahan ang mga lugar na gabi-gabi kong binibisita, hindi pwedeng hindi ko maakyat ang mga punong hitik sa bunga na madalas ay aking pinagpipyestahan, hindi maaaring hindi na ako makapunta sa batis na madalas ay aking paglunuyan. Hindi maaaring makulong ako sa silid na ito muli, hindi na dahil nakita ko na ang kagandahan ng mundo, nahanap ko na ang kasiyahang hindi ko nakikita dito.

Kaagad akong lumuhod sa harap ni ama saka hinawakan ang kanyang kaliwang kamay.

"Ama, patawad. Hindi na mauulit pa ito. Tingnan mo ang aking mga kamay at paa, wala namang sugat, wala ring gasgas. Hindi po kita sinuway. Hindi ko na po uulitin ang paglabas sa aking silid. Huwag n'yo lang ikandado ang pintuan. Ayokong maramdamang ako'y bilanggo sa sarili nating pamamahay."

Napabuntong-hininga si ama, sa wari'y nag-iisip sa dapat n'yang gawin. "Isang beses pa, Maxima. Kapag ako'y iyo pang sinuway, patawarin ako ng ating angkan, ikaw ay akin ng mapaparusan."

Lihim akong napangiti sa kanyang tinuran. Kahit ganito ang aking ama, strikto at mukhang walang awa, ako'y nakakasiguradong mahal n'ya akong tunay kaya hindi rin n'ya ako natitiis at palagiang pinagbibigyan.

"Salamat sa pagkakataon, ama. Hindi ko po kayo bibiguin."

Tumango lamang ito at naglakat na patungo sa pintuan ng aking kwarto.

Ngunit tumigil muna ito sa paglalakad at lumingon sa dako ko. "Upang ako'y makasiguradong ikaw ay hindi na makakatakas pa, mula bukas ay pababantayan na kita. Magtatalaga ako ng tagabantay sa labas nitong iyong silid."

"Ah talaga ba ama? Hindi ako mapipigilang tumakas ng kung sinumang iyong uutusan." Naisa-isip ko habang iniisip na kung paano akong makakatakas sa kwartong ito tuwing gabi.

"Mas maigi sigurong sa loob ko na s'ya ng iyong kwarto pagbabantayin. Nawalan na ako ng tiwala sa'yo." Pinihit na n'ya ang tarangkahan pasarado bago pa ako makapagreklamo.

"Ah basta. Ako'y maghahanap pa rin ng paraan upang makalabas dito. Hindi maaaring makulong ako sa kwartong 'to habang buhay dahil hindi ko ito gusto. Alam kong maaari akong sumpain ng lahi ko dahil sa kapangahasan kong ito, ngunit ito ako, ako ito, hindi ako kailanman magpapagapos sa tradisyong kinamulatan ko. Sisikapin kong lumaya, pipilitin kong makalaya. At kung hindi man, ako ang magiging daan upang maputol na ang sumpang tangan ng mga babae sa aming angkan, ang sumpa ng pagkakulong sa tradisyon at kawalan ng karapatan sa kalayaan.

PS: This is just a work of fiction. Anything written against any tribal rules or tradition was just made for fictional purposes only.

UNCOVER JANE DOETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon