Chapter 37: The much needed talk

66 6 14
                                    

"S-sino ka?"

Napabangon si Narda sa kinahihigaang papag. Saka palang n'ya naalala ang nabaril n'yang braso.

Nagpalipat-lipat ang tingin n'ya sa nakabenda na n'yang sugat at sa mukha ng matandang nahihilam ng luha ang mga mata.

"Rejina Altamirano."

"Ha?"

"Yan ang pangalan ko, Narda."

"Bakit alam mo ang pangalan ko? Pero sandali... Rejina Altamirano? B-buhay ka pa, dok?" Naibulalas ni Narda saka palang naalalang takpan ang bibig dahil hindi n'ya dapat sinabi ang nasabi n'ya. Para na rin s'yang umaming nakita n'ya ang nakaraan at nakita n'ya rin sa anag-anag ang pahapyaw na kwento ng buhay pag-ibig nito at ni Julia.

Ngumiti ang matanda matapos punasan ang luha sa mga mata.

"Forget what I said po."

Umiling ang matanda. "Oo, Narda. Buhay pa ako. At huwag mo ng ikaila pa. Nakikita mo rin ang nakaraan. Maaaring ipinakita sa'yo upang maayos mo ang hinaharap."

"Mangyayari pa rin po ang dapat mangyari. Hindi po nababago ang nakatadhana. At maaaring ang kapalaran n'yo ay hindi namin kapalaran."

"Hindi tayo sigurado sa bagay na iyan, Narda. May magagawa ka para baguhin ang hinaharap. Kailangan mong makinig sa akin." Pilit nito sa kanya. Doon n'ya palang mas natitigan ang mukha ng matanda.

"Kamukha mo si Regina." Anas n'ya. Naalala n'ya bigla si Julia. "Eh si Julia? Malamang buhay pa rin po s'ya dahil buhay pa kayo. Mabuti naman at hindi nagaya ang love story ninyo kina Juana at Maxima. Nagkatuluyan din kayo ni Julia. Nakakatuwa po."

Ngunit unti-unting napalis ang ngiti sa labi n'ya dahil sa sunod-sunod na pagpatak ng luha mula sa mga mata ni Kumander Ina.

"Hindi, Narda. Ni hindi nalaman ni Julia na minamahal ko rin s'ya."

"Po?"

"Nagtapat s'ya ng pag-ibig sa akin bago s'ya namatay. Mahal din ako ni Julia, Narda. Minahal n'ya rin pala ako kagaya ng pagmamahal ko sa kanya."

"Iyon naman pala. Eh bakit hindi rin po kayo nagconfess sa kanya? Naduwag rin po ba kayo kagaya ni Maxima?"

Umiling ang matanda." Gustuhin ko man, nahuli na ako. Naghihingalo na s'ya habang nagtatapat, Narda. Nalagutan na s'ya ng hininga bago ko pa man masabi sa kanya ang saloobin ko. Sobrang sayang, Narda. Kung alam ko lang... kung naglakas-loob lang sana ako. Eh 'di sana kahit sa huling sandali nasabi ko manlang sa kanya na mahal na mahal ko s'ya. Sana huwag mong hayaang mangyari din sa inyo ni Regina ang nangyari sa amin noon."

Awa kaagad ang naramdaman n'ya para kay lola Rejina. Sino ba naman ang hindi magsisisi na ni hindi manlang naamin sa minamahal ang feelings para dito bago ito mawala sa mundo?

Matagal s'yang nakatitig dito. Ni hindi n'ya alam kung ano ang gagawin o sasabihin. Gusto n'yang aluin at pagaanin ang damdamin nito. Sa huli ay ginagap n'ya ang kamay ng matanda.

"Pupwede mong sabihin sa akin kung ano ang gusto mong sabihin noon kay Julia. Makikinig ako, dok. Isipin mong ako si Julia."

Napatitig sa kanya si Kumander Ina. Kita n'ya kung paanong kuminang ang mga mata nito ng mapagtantong parang binubuhay n'ya sa katauhan n'ya si Julia.

"Julia? Ganda?" Pagpapatianod nito. Halata sa mukha ng matanda ang magkahalong pagkasabik, pangungulila at kagalakan sa kunyaring pagbabalik ni Julia.

"Ako nga ito. May sasabihin ka ba?" Hinaplos ni Narda ang hapis na mukha ng matanda. Nasa dapithapon na talaga ito ng buhay nito. Kita sa mukha nito ang mga bakas ng kalungkutan, pagdurusa at pangungulilala.

UNCOVER JANE DOETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon