TRUE STORY #1 (from: @NelisaSeguchi)

10.3K 204 36
                                    

Pagmamahal ng Engkanto


Hindi na lingid sa kaalaman ng pamilya nila @NelisaSeguchi na may nagkakagustong engkanto sa Ate nila na itago natin sa pangalang 'Lyn'. Hindi na din lingid sa kaalaman nila na ang mismong kinatitirikang lupa ng bahay nila ay doon din nakatirik ang kaharian ng pamilya ng engkantong nagkakagusto kay Lyn.


Mabait naman ang engkantong nagkakagusto kay Lyn. Hindi siya ginagambala nito o tinatakot. Pero nagbago ang lahat nun nang magkaboyfriend si Lyn at hindi nga naglaon ay binalak na ng mga ito na magpakasal.


Gabi gabi nang dumadalaw sa panaginip ni Lyn ang engkantong lalake. Sabi pa ni Lyn, napakagwapo daw ng engkanto. Makinis ang balat, matangos ang ilong, matataas ang pilik mata at may mapupungay na pares ng mga mata. Kapansin pansin din ang mala-ginto nitong kasuotan na nagpapatunay na isa ngang dugong bughaw ang lalakeng engkanto.


Ilang araw din na sa panaginip lang dumadalaw ang lalakeng engkanto hanggang sa isang madaling araw at isang gabi bago ang kasal ni Lyn ay ito na mismo ang dumalaw sa bahay nila.


Madaling araw daw nun nang mapanaginipan ni Lyn ang lalakeng engkanto. Nagpapaalam ito sa kanya.


"Lyn, simula nang tumira kayo dito at nakita kita, inibig na kita. Lyn, huwag kang magpakasal. Sumama ka sa'kin sa kaharian. Ipapangako ko sa'yo na papasayahin kita. Huwag kang mag-alala sa pamilya mo. Dadalawin pa din naman natin sila dito sa lupa." Simula ng lalakeng engkanto sa panaginip ni Lyn.


"Ayoko. Nagkakamali ka ng babaeng inibig. Magpapakasal na ako bukas makalawa kaya layuan mo na ako." Sagot naman ni Lyn sa panaginip niya.


"Kung yan ang gusto mo, sige. Pero Lyn, hindi ibig sabihin nun na hindi na kita gusto. Mahal na mahal pa din kita at babantayan kita parati. At Lyn, hayaan mo akong bumisita mamayang gabi. Yun ang tanda ng pamamaalam ko at yun din ang huling pagkikita natin mamaya. Pagkatapos nun ay hindi na kita guguluhin."


Napatango daw si Lyn pagkatapos nun ay hinalikan siya bigla ng engkanto sa pisngi at naglakad na palayo. Dahil sa halik na yun ay nagising si Lyn. Para daw kasi iyong totoo. Sa pagkakamulat ng mga mata ni Lyn ay agad na nadako sa pintuan ang paningin niya pero ang balikat nalang ng lalake at ang laylayan ng mala-ginto nitong kasuotan ang nakita niya.


Pagkagabi nun ay nagulat nalang ang pamilya nila @NelisaSeguchi nang may biglang sumulpot na lalake sa loob ng bahay nila. Ni hindi nila ito nakitang pumasok sa gate o kahit sa pintuan. Isang kisapmata lang ay nandoon na ang lalake. Mahinahon daw itong umupo sa sofa nila sa sala at panay ang sulyap sa hagdanan na nasa harapan nito. Ang hagdanan patungo sa kwarto ni Lyn.


Nilapitan daw ito ng Mama nila at tinanong pero hindi ito sumagot. Panay lang ang sulyap nito sa taas ng hagdanan kaya napa-isip sila na baka ang Ate Lyn nila ang hinahanap nito. Agad naman na inutusan si @NelisaSeguchi ng Mama niya na tawagin ang Ate niya pero nagtaka nalang siya pagka-akyat niya sa kwarto ng Ate niya. Umiiyak ito at hindi mapakali.


"Ate, anong nangyari sa'yo?" Ang agad na tanong ni @NelisaSeguchi.


"Siya! Siya yung lalakeng engkanto na may gusto sa'kin! Totoo ang sinabi niya sa panaginip ko na bibisita siya tanda ng pamamaalam!"


Dahil daw sa naging sagot na iyon ng Ate niya ay agad niyang sinilip ang lalake pero wala na ito doon. Ang Mama naman nila ay nakaawang ang bibig habang nakatitig sa inuupuan sofa ng lalake kanina.


"Ma, nasaan na yung lalake?" Pabulong na tanong ni @NelisaSeguchi na nasa taas pa din ng hagdan at nagtatago.


"Hindi ko alam. Sa isang iglap, bigla nalang siyang nawala sa paningin ko." Ang naka-awang pa din ang bibig na sagot ng Mama nila.



_END_

Nginig! (Compilation Of Horror Stories) KILABOT part 3! [ON GOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon