@cray_zeemii's POV
Devil's Hour
Hello po Ate! Ako po pala si Christine Jhed Española, 15 years old. Pero pwede niyo rin akong tawaging Jhed para hindi na mahaba.
Bata pa lang po ako, may nakikita na ako na hindi nakikita ng iba. Sabi sa akin ng Lola ko, mana-mana lang daw po yan. Marami na akong na-experience. May sumisitsit, dumadaan sa likod ko na kung ano, nagpapakitang white lady at iba pa. Pero ito pong ikukwento ko sa inyo ang nakakatakot na na-experience ko.
Madaling araw yun, saktong alas tres. Nagising ako nang hindi ko alam kong bakit. Basta nalang dumilat ang mata ko nang walang dahilan. Pinapakiramdaman ko lang yung sarili ko habang naka-upo ako sa kama nang may marinig akong mga mahihinang bulungan sa labas. Yung pintuan ng kwarto ko, pag sumilip ka dun, kita mo agad yung buong sala kaya naman dahan dahan akong nagpunta doon at sinilip ang sala. Doon ko nakita si Papa. May parang sinisilip siya sa labas.
"Pa, bakit gising ka pa? Nasaan si Mama?" Tanong ko sa kanya. Agad naman siyang lumingon sa akin. Kahit walang ilaw nun sa sala ay kita ko pa din ang mukha ni Papa dahil sa mga ilaw sa labas na nagrireflect sa loob. Nakangiti sa akin si Papa pero iba ang ngiti niya. Ibang iba.
"May binabantayan ako sa labas." Pabulong niyang sabi. Para namang narinig ng mga aso namin ang mahinang bulong ni Papa kaya halos magwala ang mga aso namin nun na siya ding ipinagtataka ko.
"Ah okay po." Sagot ko nalang pagkatapos ay pumunta na sa harap ng switch ng ilaw para sana buksan ang ilaw kasi iinom ako ng tubig pero agad akong sinaway ni Papa.
"Huwag mong buksan ang ilaw. Makikita ka niya." Bulong ni Papa. Medyo kinilabutan ako sa sinabi niya na baka daw makita ako ng kung sino mang tinutukoy niya kaya hindi ko naituloy ang pagbukas ng ilaw.
Mayamaya pa, nakita ko sa Papa na umalis na sa harap ng bintana at umupo sa maliit na duyan na nasa sala namin at dahil Papa's girl ako, agad akong lumapit sa kanya at uupo sana sa lap niya pero napansin ko na wala akong na-upuang lap. Yung duyan agad ang naupuan ko.
Sa pag-aakalang hindi ko lang napansin si Papa na agad na umalis sa duyan nung uupo na ako at mabilis na nagtago ay napasimangot ako.
"Papa naman e! Wag mo naman akong biruin! Hindi maganda!" Naiinis kong sabi pagkatapos ay mabilis akong nagpunta sa switch ng ilaw at ini-on yun.
Kumalat ang liwanag sa buong sala pero ang nakapagtataka, wala akong nakitang Papa. Walang sulok sulok ang sala namin at maliit lang iyon kaya alam kong walang mapagtataguan si Papa.
Agad na gumapang ang kilabot nun sa buo kong katawan kaya agad akong nagtatatakbo sa kwarto nila Mama pero mas lalo lang akong kinilabutan.
Andoon si Papa sa kwarto, mahimbing na natutulog.
Dahil sa nakita ay hindi na ako nakatulog nun hanggang sa mag-umaga. Naka-upo lang ako sa gilid ng kama nila at magdamag na umiiyak dahil sa takot.
Unang nagising nun si Papa kaya agad niya akong nakita. Niyakap niya ako at tinanong kung anong nangyari sa akin. Ikinuwento ko sa kanya ang lahat pagkatapos nun ay pinatahan na niya ako.
Habang nag-a-almusal kami, naikwento ni Papa kay Mama ang nangyari sa akin kagabi. Halatang halata sa mukha ni Mama nun ang takot pero hindi niya sa akin ipinahalata. Bagkos ay may sinabi siya sa akin dahilan para malinaw ko ang lahat ng nangyari sa akin kaninang madaling araw.
"Huwag mo nang uulitin ang paglabas mo o kahit ang pagbangon mo sa kama mo sa tuwing magigising ka ng alas tres. Pilitin mo ulit na matulog. At kung mangyari man na pagkagising mo ay may tao na sa kwarto mo, huwag mo silang papansinin o kakausapin dahil hindi sila tao, mga demonyo sila at ang alas tres ang oras ng paglabas nila. Kaya tinawag na Devil's Hour ang alas tres."
_END_
![](https://img.wattpad.com/cover/41373494-288-k847141.jpg)
BINABASA MO ANG
Nginig! (Compilation Of Horror Stories) KILABOT part 3! [ON GOING]
HororIhanda na ang sariling matakot at kilabutan dahil dito sa pangatlong yugto ng Nginig, sisiguraduhin kong manlalamig ka. Sisiguraduhin kong pagpapawisan ka. At sisiguraduhin kong pagkatapos mong basahin ito... MANINIWALA KA NANG TOTOO SILA!