TRUE STORY #33 (from: @babylovelyjoy)

2.8K 69 6
                                    

@babylovelyjoy's POV


Namatanda


Sarili ko po itong experience. Nangyari po ito nung grade 5 po ako. Bakasyon na po namin yun kaya napagpasiyahan po namin ng mga Lolo at Lola ko na magbakasyon kami sa Mama ko sa Montalban, Manila. Kung saan din po, kasama ni Mama yung step father ko. Ang kasama ko po na nagpunta doon ay ang dalawa kong kapatid, ang Lolo at Lola ko, saka yung pinsan ko po na babae na si Alizza.


Nang makarating po kami sa Montalban ay namangha ako sa bahay. Kasi po bahay kastila iyon. Two storey po yung bahay. Ang kaso lang po ay kinilabutan ako sa napakalaking bakanteng lote at katapat po ng bahay na yun ang isang abandonadong school. Sa natatandaan ko po ay hanggang third floor po iyong abandonadong school.


Nung unang araw po namin doon ay okay pa naman po. Kumain lang kami ng kumain at saka naglinis na rin po ng bahay. Sa second floor po ng bahay ay may balkonahe at kapag lumabas ka doon ay tanaw na tanaw mo yung abandonadong school. Hindi po ako madalas na nagpupunta doon kasi ang creepy.


Isang gabi, lahat po kami ay nasa itaas na at nagmomovie marathon nang bumaba sila Mama kaya sumama na rin ako kasama ang dalawa kong kapatid at ang pinsan ko. Nauna silang bumaba kaya sumunod nalang ako. Habang pababa ako sa hagdan ay kamuntik ko ng madulas na parang may humila sa paa ko. Mabuti nalang at napahawak ako sa hawakan ng hagdan. Naisip ko nalang na baka nadulas lang ako dahil bagong floorwax ang sahig.


Nang makababa ako ay agad kong tinanong si Mama kung ano yung gagawin niya. Ang sagot niya ay magluluto daw siya at tinanong ako kung ano gusto kong kainin.


"Hindi po ako kakain. Hindi naman po ako nagugutom." Sagot ko naman. Tumango nalang si Mama at nagluto na ng noodles. Hanggang pinagmamasdan ko siya ay nakaramdam ako na maiihi ako. Kaya sinabi ko iyon kay Mama.


"Ma, naiihi ako. May CR ba diyan sa labas?" Tanong ko.


"Sa itaas lang may CR. Dun kana umihi." Sagot ni Mama.


"Ay ayoko dun Ma! Ang dilim dun e!" Pagsalungat ko agad. Hindi pa po kasi naaayos yung ilaw sa CR. Saka ayoko dun umihi kasi nga madilim.


"Sige, magpasama ka nalang kay Alizza. Diyan kayo sa labas umihi." Suhestiyon ni Mama. Pumayag naman ako kasi sinamahan naman ako ng pinsan ko.


Lumabas na kami ni Alizza. Ang dilim ng paligid at ang nagsisilbi lang naming ilaw ay ang ilaw sa kusina. Humanap na ako agad ng pwesto at ganon din ang pinsan ko, naiihi rin kasi siya. Pumwesto kami kung saan may nakaharang na bato sa likod namin. Nasa right side ako kung saan ako ang mas nakakakita sa school. Habang umiihi ako ay 'nagtabi-tabi po' ako at inilibot ang tingin sa dilim. Pero napahinto ako ng mapako ang tingin ko sa bintanang nakabukas sa second floor ng abandonadong skwelahan at may nakita ako na kulay puti. Inaninag kong mabuti iyon.


Akala ko ay kung ano lang na bagay. Pero nang nagtatagal na ay nakita ko ang isang mukha at masama itong nakatingin sakin. Parang babae, maikli ang buhok at nakauniform. Iniwas ko ang tingin ko at tumingin sa ibang lugar baka sakaling mawala yung babae. Pero pagkabalik ko ng tingin doon ay andoon pa rin ang babae kaya nagsimula na akong kabahan at tumayo.


"Bilisan mo diyan Ali! Tara na sa loob!" Taranta kong sabi sa pinsan ko. Hindi ko na sinabi sakanya ang nakita ko baka kasi matakot. Nagmadali kaming pumasok sa kusina kung nasaan sila Mama.


At pagkapasok ko ay siyang pagsakit ng tiyan ko.


"Ma, sumasakit tiyan ko!" Agad kong daing sa Mama ko kaya agad niya akong nilapitan. Tapos na rin kasi siyang magluto.


"Oh bakit masakit?" Tanong niya. Umiling lang ako bilang sagot sa hindi ko alam.


Kinuha ni Mama ang dalawa kong kamay at iniharap sa kanya ang palad ko at saka pinagpantay.


"Hindi pantay ang guhit dito sa hinliliit mo!" Nag-aalalang sabi ni Mama na ipinagtaka ko.


"Bakit po?" Nagtataka kong tanong. Imbis na sumagot si Mama ay inaya na niya ako papunta sa taas. Dala dala ng pinsan ko yung noodles at doon na napagpasiyahan ni Mama na kumain sa taas.


Pagkapunta namin sa taas ay nakaramdam ako ng gutom kaya kumain agad ako. Samantalang si Mama naman ay may kausap sa cellphone. At narinig ko na binanggit niya ang pangalan ko. Ilang minuto pa ay naubos ko na yung pagkain.


"Okay. Okay. Salamat." Huling sabi ni Mama bago ibaba ang cellphone at humarap sakin.


"Lovely, namatanda ka. Sabi ng kaibigan kong manghuhula dalawang babae raw."


"Ha? Ano ba yun Ma?" Agad kong tanong kay Mama.


Pero napatigil ako nang maalala ko yung nakita ko. Tama, babae yung nakita ko kanina. Pero nag-iisa lang siya.


Naalala ko rin bigla yung nangyari sakin sa hagdanan. Yung may parang humila sa paa ko.


Sinabi ko kaagad iyon kay Mama at nagtugma rin yung sinabi sakanya ng kaibigan niyang maghuhula.


Kaagad akong pinagsuot ni Mama ng pulang damit. Iyon daw kasi yung bilin ng maghuhula.


Hanggang sa kinabukasan ay suot ko ang damit na pula. Hindi rin ako pinayagang lumabas nila Mama kapag sumapit na yung hapon.


Ipinaturo ni Mama sakin kung saan ako bandang umihi at itinuro ko naman. Nagpatay sila Lolo ng manok at doon ipinatak ang dugo sa kung saan ako umihi.


Matapos iyon ay tumigil na ang pananakit ng tiyan ko.



_END_

Nginig! (Compilation Of Horror Stories) KILABOT part 3! [ON GOING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon