CHAPTER XXX

0 0 0
                                    

TRIGGER WARNING:

This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. There are also unpleasant words used, and violent scenes that may not be suitable for everyone. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.

CHAPTER XXX

Sabi nila, maganda raw ang kapayapaan na ibinibigay ng dagat. Mula sa mga lagaslas ng alon nito, hanggang sa mararamdaman mong malamig na hangin na manunuot sa 'yong katawan, lalong-lalo na kapag gabi.

Nasa alas singko ng hapon, napakalawak ng dagat, ngunit niyayakap ito ng langit. Nakatayo si Ligaya sa dalampasigan, kaharap niya ang papalubog na araw, nakatingin siya sa malayo. Winawagayway ng hangin ang kaniyang buhok, at nanunuot sa kaniyang memorya ang alaala ng kanilang pamilya.

Mula sa araw na kinasal ang kanilang mga magulang, hanggang sa iniwan sila ng ina.

Hindi naging madali para kay Ligaya ang buhay, ngunit ngayon ay para siyang isang nakalutang na bagay, hindi alam kung saan siya pupunta.

Dati-rati, matagal bago maikasal si Manuel at Feliza, yumaong asawa ni Manuel, nanay ni Ligaya. Ito'y dulot pa rin ng kahirapan, dahil may bayad naman ang kasal. No'ng mag-anunsyo ang Simbahan na mayroong libreng kasal, ay hindi na rin nag-aksaya ng panahon pa ang dalawa, sinunggaban na nila ang pagkakataong iyon, at nasaksihan iyon ng anak nilang si Ligaya. Siya pa lamang ang nabubuhay noon. Mayroon pa ngang kuha ng larawan nilang tatlo sa araw na 'yon, pawang saya lamang ang makikita sa kanilang mga labi.

No'ng dumating na si Sinta, ay napapadalas ang kanilang pagsasama-sama sa tambayan. Doon sila kumakain, at nagpapalipas ng oras.

Minsan ang tatlo lamang ang nandoon at maghihintay ito kay Manuel galing sa trabaho, at sa pagsasaka. Kapos man sa pera, pero hindi sila salat noon sa magandang relasyon nila bilang pamilya. Nagkakaroon man ng problema, pero nalalagpasan nila iyon. Dati nga, akala ni Ligaya na ang pinakamatindi nilang kalaban, ay ang kahirapan. Ngayon naunawaan na niya na ang totoong kalaban ng mga tao, ay ang mga masasamang taong umaali-aligid sa kanilang mga buhay at kanilang mga sarili.

Hindi makakalimutan ni Ligaya noong gumawa sila ng bahay. Itong bahay na kasalukuyan nilang tinitirhan. Oo, maliit lamang ito, ngunit sobrang saya na niya noon dahil kahit papaano ay hindi na sila matutulog na wala silang pinto, at hindi na siya mag-aalala pa sa mga tubig na maaaring pumasok sa noon nilang kubo dahil sa butas na bubong.

Alagang-alaga rin sila ng kaniyang ina. Kay Feliza natutunan ni Ligaya ang pagmamahal na walang kondisyon, ang purong pagmamahal na maaari mong ibigay sa isang tao, na walang hinihinging kapalit. Mahal na mahal niya rin ang kapatid niya mula noon pa. Mahirap man sila, pero hindi dysfunctional ang kanilang pamilya. Masaya ang kanilang pamumuhay kahit sobrang simple nito.

Mahilig sa dagat ang kaniyang ina. Sa tuwing pumupunta sila rito, ay wala na yatang papantay sa ngiti nitong halos mapunit na ang kaniyang labi sa pagngiti. Lagi't-lagi nitong sinasabi, "Ang lawak ng dagat, hindi natin alam kung ano ang meron sa kaibuturan nito, ni hindi natin alam kung mayroon ba siyang problema, pero sa kalaparan niya, isang tingin, isang lapit mo lang sa kaniya, binibigyan ka nito ng kapayapaan. Dahil kaya, niyayakap siya ng langit?"

Tumulo ang mga luha mula sa mata ni Ligaya. Nahuhulog ang mga patak nito sa kaniyang katawan. Masakit sa kaniya ang alaalang yaon 'pagkat 'yon na ang huling tanong na iniwan sa kaniya ng ina.

FRAGMENTSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon