TRIGGER WARNING:
This story contains themes of violence, bullying, abuse, and topics that may be upsetting or triggering for readers which may not be suitable for some individuals. Please be aware of your emotional well-being and seek support if needed. Reader discretion is advised.
CHAPTER XII
"Wow, ang ganda naman po nito Pa..." Saad ni Sinta habang tinitingnan ang sapatos na iniwan ni Ligaya sa kanilang sirang upuan.
"Bigay daw iyan ng kaibigan niya anak. Naaalala mo si Kuya Nathan? 'Yong kaibigan niyang parte ng LGU."
Tumawa ng marahan si Sinta dahil sa sinabi ng kaniyang ama. "Papa... LGBTQ po..." Pagtatama niya sa ama.
"Tama anak..." Nasabi na lamang niya kay Sinta. Napakamot si Manuel sa kaniyang ulo. Tumungo na lamang siya sa kusina nila at nagsaing doon ng kanin at mauulam.
"Ano po'ng lulutuin niyo Pa?"
"Tinolang isda..."
"Ulit?"
"Ikaw naman... Nagsasawa ka na agad?"
"Papa naman. Baka lumangoy na po tayo nito sa lupa kakaulam natin ng isda."
"Ayaw mo no'n anak? Ang espesyal ng talento mo at kaya mong sumisid sa lupa?" biro pa ng ama. Tinapik niya ang ulo ni Sinta. "Manghuhuli ako ng manok mamaya. Para 'yon sa tanghalian natin..."
"Talaga Papa?" Nabuhayan naman si Sinta sa sinabi ng Papa niya. "Hindi na toyo, itlog, at sardinas?"
"Oo naman. Pramis 'yan."
Napapalakpak pa si Sinta sa sinabi ng ama. Natawa na lamang din si Manuel sa kaniyang anak.
Naglalakad si Ligaya papunta sa cafeteria dahil may balak siyang bilhin doon. May dala-dala siyang mga papers, binders, at notebooks ng mga kaklase niya. Gumagawa pa rin kasi siya ng mga assignments nila. Siguro gano'n talaga kapag maraming pera, hindi sila nasasayangan gumastos.
Lunchtime na kaya maraming estudyante sa labas. Umiiwas si Ligaya sa mataong lugar. Hindi naman sa ayaw niyang makipaghalubilo sa kanila pero natuto na rin siya. Baka gawin lang din siyang alalay at katatawanan ng mga ito. Hindi rin naman sa nanghuhusga siya, sadyang nag-iingat lang siya dahil delikado na ang panahon ngayon at iba na rin mag-isip ang mga tao.
Payapa lang siyang naglalakad na nakayuko pero bigla siyang binangga ni Chloe dahilan para matapon ang mga dala niya. Imbes na tulungan siya ito at ng mga kasama niya ay bumungisngis pa ng malakas ang mga ito. Tiningnan niya sila at pinulot ang mga nahulog niyang dala. Gaano man kaganda, kamahal, at kasikat ng mga damit nila, ay hindi nito matatapakan ang ugaling basura meron sila.
Matalim na tinitigan ni Chloe si Ligaya. Nakangisi pa ito sa kaniya. "Hindi mo kasi tinitingnan ang dinadaanan mo," aniya.
"So clumsy!" komento no'ng isa na tumatawa pa. Si Ariana.
Sumingasing naman ang isa nilang kasama, si Ria. Tiningnan niya mula ulo hanggang paa si Ligaya. "You're probably too busy counting your pennies to pay attention. Wait, naiintindihan mo ba ‘yon? Well, I believe not kasi hindi ka naman talaga matalino ‘di ba? Maybe nakuha mo lang ang matataas na grade na ‘yon dahil may ginawa ka sa professor. Yuck!"
"I know right... Or maybe worse... You know, dirty tactics? Cheating," akusa ni Chloe.
"P'wede ba... Wala akong ginagawang masama sa inyo kaya lubayan niyo na ako. Isa pa, ganiyan na ba ako ka-importante para sa inyo para lang pag-aksayahan ako ng oras ha?"
"Oh dear... Don't get your hopes high... Hindi ka namin pinag-aaksayahan ng oras... Nagkataon lang na bored kami and you're just so perfect to become our toy."
Inirapan na lamang ni Ligaya ang mga pinagsasasabi ni Chloe at ng mga kasama nito sa kaniya. Aalis na sana siya para iwasan sila at huwag na lang pansinin pero mahigpit na hinila ni Chloe ang braso niya dahilan para magharap sila ngayon. Nagtatagisan ng tingin ang dalawa, si Chloe ay balot ng galit habang si Ligaya naman ay nagtataka. Napapahigpit na rin ang hawak ni Chloe sa braso ni Ligaya dahilan para bumaon ang kuko niya sa balat nito.
"Aray Chloe ano ba... Bitawan mo nga ako."
"Not until you apologize to me."
"Bakit naman ako mag-so-sorry sa'yo eh wala naman akong ginagawang masama. Sira ba ulo mo?"
Lalong bumaon ang kuko ni Chloe sa braso ni Ligaya. "No one dared to talk to me like that, Ligaya. At hindi ang isang tulad mong hampaslupa ang sasagot-sagot sa'kin."
Tiningnan niya si Ligaya na para bang sinasaksak niya ito. "Huwag mo rin akong tinatalikuran kung kinakausap kita."
"Hindi mo ako pag-aari, Chloe. At hindi ako kandado para susian mo," sagot ni Ligaya sa kaniya. "Kapag hindi mo pa ako binitawan sisigaw talaga ako."
"Go ahead," Chloe said while gritting her teeth. "Do you think I'm afraid of you? Huh. Go, shout! Scream! Whatever you call it and see kung sino'ng maniniwala o magbibigay man lang ng atensyon sa'yo. Wala nga silang pakialam with this simple interaction of ours eh. 'Yang sigaw mo pa kaya?"
Napapaisip si Ligaya. Tama ang lahat ng sinasabi ni Chloe. Kung nasa kalye sila, sigurado naman siyang may aawat sa kanila. Pero ang mga estudyante dito ngayon sa Emington, habang hinaharang siya ng grupo nila Chloe ay parang walang nakikita, para silang walang napapansin. Wala silang pakialam.
"You're seeing it too, right?" salita ni Ria. "They're too busy with their lives. At wala silang pakialam sa'yo. Dahil sino ka nga ba? Isang taong salat sa yaman, basura, basahan... A nobody!"
Biglang binitawan ni Chloe ang braso ni Ligaya dahilan para mapahawak ang dalaga rito dahil sa pangangalay at sa nararamdamang sakit.
Iniwanan siya ng grupo ni Chloe, nakatayo at walang nagawa. Para siyang isang tanga ngayong itinirik sa lugar dahil hindi siya makagalaw. Pinipigilan niya ang sarili niya na maiyak sa mga sinasabi nila pero nag-uumapaw na sa kaba ang puso niya.
Nakayuko niyang tinitingnam ang mga tao, ino-obserba-han ang mga ito sa kanilang paggalaw. Napakagat na lamang si Ligaya sa kaniyang labi upang pigilan ang pagluha. Ganito siguro talaga kapag wala kang kaya sa buhay, kapag pipitsugi ka lang, hindi mo makukuha ang simpatya ng mga tao lalo na kung ang nakapalibot sa'yo ay laki sa karangyaan.
Hindi mag-a-adjust para sa'yo ang mundo, Ligaya. Hinding-hindi.
Bulong iyan ng kaniyang utak. Naglalakad si Ligaya paalis sa cafeteria. Hindi niya na lamang bibilhin ang gusto niya. Nawalan na rin siya ng ganang kumain. Naisipan niyang ibalik na lang ang mga notebooks at iba pang dala niya sa mga kaklase niya at hingiin ang mga bayad nito.
Habang naglalakad si Ligaya ay hindi niya maiwasang manliit sa sarili niya. Napalunok siya. Pakiramdam niya ay siya lang ang gumagalaw, naglalakad ng mahina, habang ang kasabayan niya ay nagmamadali, mabilis na hinahabol ang orasan ng buhay. Habang siya, heto, hindi makaahon-ahon, lalo pang nalulubog.
BINABASA MO ANG
FRAGMENTS
Teen FictionLigaya, a bright and determined young maiden from a poor family, struggles to overcome the challenges of poverty and bullying as she strives for a better future through education. Haunted by internalized negativity and the constant pressure to succe...