Chapter 23. Poppy's POV

451 24 2
                                    

꧁ POPPY ꧂

KINABUKASAN. Linggo, ay maaga pa rin akong nagising kahit pa medyo late na akong nakatulog kagabi dahil sa dami ng mga inaral ko. Matapos kasi namin mag-aral ni Ate Summer, pagdating ko sa guestroom na inihanda sa akin ni Tita Keycee ay nag-aral pa ulit ako gamit ang mga learning apps na inilagay ni Kuya Faith sa cell phone ko. Buti na lang ay naituro niya 'yon sa akin kung paano gamitin kaya naman 'yon ang pinagpuyatan ko kagabi.

Gayon pa man, kahit puyat ay nagawa ko pa rin magising nang maaga dahil sanay na ang katawan ko. Sanay ako na maikli lang ang tulog at kung minsan nga ay mababaw pa. Ewan ko kung bakit, pero simula noong nangyari ang isang insidente sa buhay ko noong five years old ako, ay hindi na ako nakakatulog nang mahimbing hanggang ngayong nag-seventeen ako.

Nga pala, kumakailan ko lang nalaman na seventeen na pala ang edad ko. Noong tinanong ako ni Kuya Faith sa harap ng hapag-kainan sa mansyon noong nagkasabay-sabay kami at tinanong niya ang edad ko, maski ako ay nalito kaya hindi agad ako nakasagot. Dahil ang huling tanda ko na nag-celebrate ako ng kaarawan ay noong limang taong gulang ako bago lumipad ng bansa si daddy dahil sa business niya. Kung hindi pa sumagot si Ate Chloe sa tanong ni Kuya Faith ay hindi ako magkaka-ideya kung ilang taon na ako.

Kahit mulat na ang mga mata ko ay nanatili muna akong nakahiga sa kama at iginagala ang paningin ko sa loob ng kuwarto na kinaroroonan ko. Ang ganda. Lahat ng gamit ay malinis, mukhang bago at mabango. Ibang-iba ito sa maliit na bahay ko sa mansyon. Sa sobrang tuwa ay hindi ko naiwasang bumangon. Bumaba ako sa kama at nagsimula akong gumala sa kuwarto, sa tapat ng bintana, sa maganda at malinis na banyo. Napakasarap sa mata lahat ng mga kagamitan. Ang sarap manatili rito kina Tita Keycee. Napakasuwerte ni Ate Chloe kung si Kuya Faith ang mapapangasawa niya dahil sobrang babait ng mga tao rito.

Isa sa mga nagustuhan ko rito ay 'yong kung ano ang kinakain nila ay 'yon din ang kakainin ko. Hindi katulad sa mansyon na iba ang pagkain nila sa pagkain ko. Hindi ko nga halos maalala kung kailan ako huling nakakain ng masarap doon sa mansyon bago ako bigyan ni Kuya Faith noong engagement party nila. Parang bata pa yata ako noong huli akong nakakain ng masarap.

Ako lang kasi ang nagluluto ng sarili kong pagkain. Mayroon akong maliit na rice cooker sa bahay ko at doon ako nagluluto ng kakainin ko tulad ng instant noodles, nilagang itlog, at doon na rin ako naglalaga ng gulay. Ang kainaman naman ay natuto akong magtanim ng mga gulay noong eight years old ako. Nagsimula 'yon sa isang maliit na buto ng calamansi. Noong nakapagpatubo ako ng calamansi, natuwa ako at nakiusap sa kasambahay sa mansyon na kung puwede ay bilhan niya ako ng mga buto ng gulay na puwedeng itanim dahil gusto kong magkaroon ng sarili kong garden ng mga gulay.

Noong nabilhan niya ako, itinanim ko 'yon doon sa likod ng maliit na bahay ko. Iyon ang ginawa kong taniman ng mga gulay at tuwang-tuwa ako noong napalago ko ang mga tanim ko na okra, talong, kamatis, sitaw, pechay, papaya, ampalaya at malunggay. Lalo na noong nagbunga 'yon ay sobra akong naging proud sa sarili ko dahil pakiramdam ko ay noon lang ako may nagawang tama sa buhay ko. Kahit wala akong pinag-aralan, pakiramdam ko ay sobrang talino ko habang pinagmamasdan ang mga tanim ko na mayroong maraming bunga.

Ang saya sa pakiramdam dahil simula noon ay nagkaroon na ako ng mapagkukunan ng puwede kong lutuin dahil pinagagalitan ako ni daddy kapag nakikialam ako at kumukuha roon sa fridge nila sa mansyon. Kaya simula noong nagkaroon ako ng sarili kong taniman ng mga gulay, hindi na ako nahihirapan sa pagkain ko dahil isang pitas ko lang sa likod ay mayroon na akong puwedeng iluto.

Kung minsan naman, kapag naaawa sa akin ang ilang kasambahay sa mansyon ay pasikreto nila akong dinadalhan ng pagkain sa bahay ko. Pero madalang lang 'yon dahil takot din sila na mahuli sila ni daddy at mawalan ng trabaho.

THE PERFECT HUSBAND (LEE BROTHERS #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon