Chapter 18. Blueberry Cookies

6.6K 132 9
                                    

✧FAITH ZEICAN LEE✧

KINABUKASAN. Sunday, ay bumisita muli ako sa bahay nila Chloe. May dala akong flower bouquet na para kay Chloe, at ang blueberry cookies na bineyk ni mommy para naman kay Poppy. Medyo marami 'yon kaya makakatikim naman silang lahat.

Hindi sana ako pupunta rito ngayon dahil kahapon lang ay kasama ko naman si Chloe. Pero dahil sa nalaman ko kahapon kay Poppy, mukhang kailangan kong dalasan ang pagdalaw rito sa bahay nila para malaman kung ano ang totoong sitwasyon niya rito sa kanila.

Pagdating ko sa kanila, si Chloe ang sumalubong sa akin sa main door. Napangiti agad siya nang makita niya ang bitbit kong bulaklak. Ang totoo, nagkausap kami sa chat kagabi noong nakauwi na sila matapos silang sunduin sa amin ni Mr. Herald. Dahil napansin niya pala ang hindi ko pagkibo sa kaniya noong kumakain na kami sa restaurant matapos kong malaman ang tungkol kay Poppy. Tinanong niya ako kung ano'ng problema. Ang palusot ko, medyo badtrip lang ako dahil ang tagal niyang mag-shopping kahapon. Mukha namang pinaniwalaan niya kaya kahit papaano ay naging okay na kami noong humingi siya ng pasensya.

Tipid ko siyang nginitian at inabot ko sa kaniya ang bulaklak. Napatingin siya sa hawak kong box—sa blueberry cookies—halatang hinihintay niyang iabot ko 'yon sa kaniya.

"Uh. It's blueberry cookies. Mom made this for Poppy." Bahagyang napawi ang ngiti niya sa sinabi ko. "And for you, of course," dugtong ko agad para maiwasan ang hindi pagkakaunawaan. Baka magselos pa siya sa kapatid niya, lalo na ngayong ramdam niyang mas napalapit na si Poppy sa pamilya ko kaysa sa kaniya.

"Thanks, babe. Pero nakalimutan ko yatang banggitin sa 'yo na hindi kumakain si Poppy ng blueberry cookies. Let me carry that." Kinuha niya 'yon sa akin. "Halika na sa loob. Mom and dad are waiting for you."

Kinawit niya ang isa niyang kamay sa braso ko at inakay ako papasok sa loob. Sinubukan kong igala ang tingin ko para hanapin si Poppy pero hindi ko ito makita. Ang mommy at daddy lamang nila ang nakita ko.

"Hi, Faith," bati sa akin ni Mrs. Herald habang nakangiti. Nasa maluwang silang living room. Bumati rin ako sa kaniya pabalik, maging kay Mr. Herald bago ako naupo sa tabi ni Chloe. Nailapag na rin niya sa center table 'yong box ng blueberry cookies.

"Where's Poppy?" Hindi ko naiwasang magtanong dahil hindi ko nararamdaman si Poppy sa paligid.

"She's busy in her room," sagot ni Mrs. Herald. "Nabanggit pala sa 'kin ni Poppy kahapon na ipinag-shopping raw s'ya ng kapatid mo. Thank you for that, pero hindi na sana kayo nag-abala pa para kay Poppy. Marami naman s'yang damit dito sa bahay."

Marami? Hindi gano'n ang pagkakasabi ni Poppy kay Summer. "It's alright, Mrs. Herald. My sister Summer just really loves shopping. She probably shops every week, so she decided to buy things for Poppy as well. As I mentioned, my sister has grown fond of your daughter."

"I know, I understand. But your sister bought so much for Poppy. Poppy doesn't need that much. Chloe, darling, go with Faith and show her Poppy's closet."

Hindi na ako nakapagsalita pa nang abutin ni Chloe ang braso ko. Inakay niya ako paakyat sa hagdan at may kuwarto kaming pinasukan sa second floor. Maayos ang kuwarto, may malambot na kama at mga gamit na pambabae roon sa harap ng vanity mirror.

"Poppy is in the bathroom. Baka naliligo," said Chloe. Dinig ko nga ang lagaslas ng tubig sa loob ng isa pang pinto na sigurado akong bathroom. "This is Poppy's closet, babe." Binuksan ni Chloe ang malaking closet. Lahat ng pinto niyon ay bukas and I saw numerous signature brand clothes inside. There was also a separate cabinet for shoes and sandals and bags. "Hindi ko alam kung ano'ng sinabi ni Poppy sa kapatid mong si Summer at naisipan s'yang ipag-shopping nang marami. Kung tutuusin, hindi naman talaga kailangan ni Poppy ang mga 'yon since hindi naman mahilig lumabas si Poppy. Look at these clothes; we bought them for her a long time ago, but she has only worn a few of them."

THE PERFECT HUSBAND (LEE BROTHERS #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon