Chapter 36. Five Years Old Poppy

5.9K 111 9
                                    

꧁ POPPY ꧂

Five years old.

"Ito pa. Para sa 'yo lahat 'to, Chloe."

Isa-isang inilalabas ni Daddy ang mga bagong laruan sa malaking shopping bag at lahat 'yon inaabot niya kay Ate Chloe. Habang ako, nakasalampak ako sa malamig na tiles sa sala, nililibang ko ang sarili ko sa lumang puzzle na laruan ko.

"At itong ipad, sa 'yo rin 'to."

"Wow!"

Nakikiramdam ko at umaasa na mayro'n din binili si Daddy para sa 'kin. Pero wala. Naubos ang lahat ng laman ng shopping bag na wala man lang siyang inabot sa 'kin. Nang makita niyang nakalingon ako at nakatingin sa kaniya, sinamaan niya pa ako ng tingin kaya agad akong napayuko at muling itinuon ang atensyon ko sa puzzle ko.

Simula nang dumating si Ate Chloe rito sa bahay, siya na lang palagi ang pinapansin at kinakausap ni Daddy. Ako naman, laging pinagagalitan kahit wala akong ginagawa. Pati rin si Mommy Jody lagi akong sinisigawan.

Sobrang laki ng pagbabago sa 'kin ni Daddy. Hindi ko alam kung may nagawa ba 'kong mali para hindi niya na ako pansinin. Pero wala naman. Mabait na anak naman ako. Magkasundo naman kami noon.

Pag-alis ni Daddy sa sala at noong si Ate Chloe na lang ang naiwan do'n kasama ang mga bago niyang laruan, naisipan kong tumayo at lumapit sa kaniya para makisilip sa mga laruan niya, tutal busy naman siya sa bago niyang ipad.

"Ate Chloe? Puwedeng sa 'kin na lang 'to?" Pinakita ko sa kaniya 'yong dinampot kong maliit na bear, si Patrick Star 'yon sa Spongebob.

Sinulyapan niya 'ko at nang makita niyang hawak ko 'yon, agad niyang inagaw sa 'kin. "Hindi puwede." 'Tsaka niya iniligpit lahat ng laruan niya at inilayo sa 'kin.

"Poppy! Poppy! Halika nga!" Tumingala ako dahil doon ko narinig sa taas ang boses ni Mommy Jody. Naro'n siya malapit sa hagdan. Agad akong sumunod at umakyat sa taas para puntahan siya. Niyaya niya ako sa kuwrato ni Ate Chloe. "Linisin mo lahat ng mga sapatos at sandalas ni Chloe. Ginagamit niya sa school 'yan kaya kailangan malinis."

"Sige po."

"Hindi ka lalabas diyan hangga't hindi tapos 'yan, ha?" Pagkasabi niya no'n, iniwan na niya 'ko sa kuwarto.

-ˋˏ✄┈┈┈┈

Ang tagal bago ko natapos ang paglilinis sa mga sapatos dahil marami 'yon. Paglabas ko sa kuwarto ni Ate Chloe, tuyung-tuyo ang lalamunan ko sa uhaw at kumakalam ang sikmura ko sa gutom dahil talagang sinunod ko si Mommy na hindi ako lalabas hangga't hindi ako tapos. Natatakot kasi akong mapagalitan.

Pagdating ko sa kusina, naabutan ko silang kumakain na ng tanghalian. Mukhang kanina pa sila nagsimula. Hindi ko alam. Hindi man lang nila ako tinawag.

Pumuwesto ako sa upuan ko sa mesa para kumain na rin. Pagkatapos kong maglagay ng kaunting kanin at ulam sa plato ko, 'tsaka naman sila nagtayuan. Tapos na silang kumain kaya nagligpit na si Mommy Jody. Nagsisimula pa lang ako pero inalis na niya agad sa mesa 'yong mga pagkain. Ang naiwan lang sa plato ko ay 'yong kaunting sinandok ko. Dapat pala dinamihan ko ang kuha kanina.

Wala na kasi akong chance na kumuha pa ulit dahil 'yong mga natitirang pagkain, dine-deretso niya sa basurahan. Minsan naman pinapakain kay Juana, sa aso namin, lalo na kapag hindi bawal sa aso.

-ˋˏ✄┈┈┈┈

Dahil kaunti lang ang nakain ko kaninang tanghali, maaga akong nakaramdam ng gutom. Pumunta ako sa kusina para magbuklat ng mamemeryenda sa ref. Pero pagdating ko ro'n, naabutan ko si Mommy Jody na nagluluto ng hapunan dahil wala pa silang nakukuhang katulong. Lalo akong nagutom sa amoy ng piniprito niyang manok kaya naman umakyat ako sa upuan sa mesa para dumukot ng maliit na piraso ng fried chicken. Pero nabitawan ko rin 'yon agad dahil lumapit siya sa 'kin at tinampal ang kamay ko.

THE PERFECT HUSBAND (LEE BROTHERS #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon