Chapter 1
“Ziljian Asner Guerrero…” bigkas ko sa pangalan niya at dumapa sa kama.
Hindi ko rin inaalis ang tingin sa screen ng phone ko. Lalo na sa mga impormasyon na nababasa ko. Lumabas din doon ang mga gawa niya.
Para bang ang hirap paniwalaan na isa siyang artist! At aaminin kong magaganda ang gawa niya. Marami na rin siyang award na nakuha dahil sa mga ipininta niya. Siguradong mayaman na talaga si Ziljian.
Isa rin pala siya sa ipinagmamalaki ng Pilipinas! Nang dahil sa talento niya sa pagpinta na hinangaan nang marami. Nakikipagsabayan din si Ziljian sa ibang bansa. Wala akong ideya tungkol sa ganito.
“He is one of the most famous artists in England, ha?”
Tumihaya na ako at tumitig sa kisame. Nang maalala ko ang sinabi ni Kuya Weiz. Noong una ay hindi ko pa siya maintindihan, pero sa mga nabasa ko tungkol kay Ziljian. Mukhang alam ko na ang dahilan.
“So, naghahanap siya ng inspirasyon kaya siya nandito?”
Inis akong nagpapadyak. “Pero hindi ko pa rin matatanggap na dito rin siya titira! Sa tinutuluyan ko pa!”
Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang lalaki! Malakas ang loob ko noong gabing iyon dahil sa epekto ng alak. Inaasahan ko na hindi na magtatagpo pa ang landas naming dalawa.
Pero heto kami ngayon, nakatira sa iisang bubong! Hindi ko rin alam kung ano ang tumatakbo sa isip ni Kuya Weiz at hinayaan niyang patirahin dito ang lalaki.
Ano naman kung kaibigan ito ng fiancée niya? Saka ngayon ko lang nalaman na ikakasal na si Kuya! Alam ko naman na may girlfriend siya, pero tungkol sa kasal? Wala siyang nababanggit sa akin kaya gulat na gulat ako nang malaman ang balita.
Mabuti na lang ay hindi narinig ni Kuya ang sinabi ni Ziljian. Sakto kasi na may tumawag sa kanya kaya nabaling sa iba ang atensyon niya. Habang nagtatakbo naman ako paakyat sa kwarto ko para lang takasan si Ziljian.
Baka madulas siya kay Kuya at masabi niya ang nangyari sa aming dalawa. Hindi ko talaga alam kung ano ang ipaliliwanag ko kay Kuya. Lalo na't hindi ko naman boyfriend si Ziljian para hayaan na may mangyari sa amin.
Nasa legal age na naman ako, pero nakahihiya pa rin kay Kuya. Ayaw kong bumaba ang tingin niya sa akin. Kahit na naging matigas ang ulo ko kina Mom at Dad, nagawa niya pa rin akong kampihan.
Sobrang mahal na mahal ko si Kuya Weiz. Bago si Zera, siya ang nag-iisang kakampi ko. Kaya malakas ang loob ko na humingi ng tulong sa kanya dahil alam kong hindi niya ako pababayaan.
“Kailangang magpaliwanag sa ‘kin ni Kuya!”
Bumangon na ako mula sa kama at dahan-dahang binuksan ang pinto. Pinagtapat pa talaga ni Kuya ang room namin ni Ziljian. Hindi ko pa naman napapasok iyon at hindi rin ako interesado na malaman kung ano ang hitsura ng loob.
Siguradong nasa loob na ang lalaki. Sana ay huwag na lang siyang lumabas. Hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya. Parang gusto ko na nga lang lamunin ng lupa kanina nang kaharap ko siya.
“Ate Marie!” tawag ko sa isang maid na kanina ko lang nakilala. “Nasaan po si Kuya?”
“Umalis po uli si Sir,” tugon niya. “Baka hindi po siya makauwi, sobrang busy po ng kapatid mo…”
Nahampas ko ang noo ko. “Sobrang galing talaga!”
Nagmartsa ako papunta sa kusina. Balak kong kumuha ng makakain. Plano ko na magkulong sa kwarto ko at huwag nang lumabas. Kailangan kong mag-imbak ng maraming pagkain. Para lang hindi ko makita ang lalaking iyon.