Chapter 20
“Wala ka bang napapansin?” tanong ko kay Zera habang malapad ang ngiti ko. “Hindi mo talaga nakikita?”
Hindi inalis ni Zera ang tingin sa akin. Kahapon lang kami umuwi ni Ziljian galing Batangas. Anim na araw kaming nag-stay sa resort. Sinulit na namin ni Ziljian dahil magiging abala na kami sa paghahanda sa kasal.
Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako makapaniwala na ikakasal na kami ni Ziljian. Wala pa kaming nasasabihan. Hindi pa rin alam nina Ate Linda at Ate Marie. Alam kong magugulat sila sa oras na malaman na nagbunga rin ang panlalandi ko kay Ziljian.
Lalong-lalo na si Kuya Weiz. Abala siya sa trabaho kaya hindi namin alam kung kailan namin siya makakausap ng personal. Kailangan din namin ng opinyon niya. Sila ng girlfriend niya ang mas naunang na-engaged, tapos kami pa ni Ziljian ang mauunang humarap sa altar.
“Blooming ka,” sabi ni Zera at nangalumbabang tumitig sa akin. “Mukhang nadiligan ka na, ah!”
Nag-init ang mukha ko na siguradong namumula na. Napatakip si Zera sa bibig nang dahil sa reaksyon ko. Mukhang nalaman na niya agad ang sagot. Hindi ko rin naman iyon itatago sa kanya.
Proud pa nga akong ibabalita sa kaibigan ko na may nangyari na sa amin ni Ziljian. Hindi lang isang beses! Dahil nasundan pa iyon! Lalo na sa gabi, hanggang sa madaling-araw! Inuumaga pa nga kami ni Ziljian.
Hindi ko akalain na ako rin ang unang susuko. Ang galing kong landiin si Ziljian, pero hindi ko rin mapanindigan. Para bang bumabawi siya sa ginagawa kong pang-aakit noon sa kanya.
Hanggang ngayon nga ay nanginginig pa rin ang mga binti ko. Mabuti na lang, nagawa ko pa rin na makalakad. Sobrang wild kasi ni Ziljian sa kama!
“May nangyari na sa amin ni Ziljian,” pag-amin ko. “Maraming beses…”
“Sabi na nga ba!” Mahina niya akong hinampas. “Kaya pala sobrang blooming mong babae ka!”
Mabuti na lang ay nasa condo niya kami. Alam kong magiging ganito ang reaksyon ng kaibigan ko. Wala siyang pasok ngayon kaya nakipagkita agad ako sa kanya. Inunahan ko na si Max sa girlfriend niya.
“Kung may nangyari na sa inyo,” usal niya at napataas ng kilay. “Ibig sabihin?”
“Umamin na sa ‘kin si Ziljian,” kinikilig kong sabi. “Mahal niya rin ako…”
Itinaas ko ang kaliwang kamay ko. “Sorry, naunahan kita…”
Muli siyang napatakip sa bibig. “Engagement ring ba ‘yan?!”
“Yup!” Mas lalo kong ipinakita kay Zera ang singsing na suot ko. “Engaged na kami ni Ziljian. Ikakasal na kami…”
Ikinuwento ko kay Zera nang mas malinaw ang nangyari habang nasa Batangas kami ni Ziljian. Hindi siya makapaniwala. Hindi na rin ako nagtataka dahil alam niya kung gaano ako umasa noon kay Ziljian.
Palagi akong nagrarant sa kanya. Naiinis pa siya dahil umaasa ako sa bagay na magpapasakit lang naman sa akin. Pero hindi ko akalain na may patutunguhan din ang katangahan ko.
“Grabe kayo! Ikakasal na agad kayong dalawa ni Ziljian, hindi pa nga kayo nagiging mag-jowa!”
“Kailangan pa ba ‘yon?” I sighed. “Palagi naman kaming magkasama ni Ziljian. Wala man kaming label, nagawa na naming alagaan ang isa't isa. Palagi rin kaming lumalabas na parang date…”
“Sabagay nga naman,” pagsang-ayon niya. “Pero sigurado ka ba talaga, Viah, na gusto mo na agad ikasal? Kapag pinasok mo na ‘yan, mahihirapan ka nang makalabas. Hindi basta-basta ang kasal…”
