Chapter 9
“Friends?” Humalakhak ako. “Magiging magkaibigan lang kami ni Ziljian? Pero naghoholding hands? Nagyayakapan? Nag-sex na unang kita pa lang!”
Inis kong pinagsusuntok ang unan. Umaga pa lang ay binulabog ko na agad si Zera. Sakto naman na mag-isa lang siya sa condo. Umalis na iyong bago nilang kasama dahil hindi talaga sila magkasundo.
Si Mimosa naman ay hindi pa rin umuuwi. Nagpaalam siya kay Zera na tatlong-araw siyang hindi makauuwi dahil may team building sila. Mag-isa lang tuloy si Zera dito at balak ko siyang samahan.
Ayaw kong makita ang pagmumukha ni Ziljian!
“Ano ba’ng inaasahan mo na maging feelings niya sa ‘yo?” tanong ni Zera. “Umaasa kang mahal ka ni Ziljian?”
“Hindi, ah!” agap ko. “Asa pa naman!”
“Eh, bakit galit na galit ka, Viah?” pang-aasar niya. “Ano naman kung gusto niya na maging magkaibigan lang kayo? May gusto ka na sa kanya, ‘no?”
“Crush lang!”
Nagtaas siya ng kilay. “Crush lang talaga?”
“Oo!” singhal ko. “Mawawala rin agad ‘to!”
Ibinaon ko ang mukha ko sa unan. “Hindi naman ako nasasaktan kung kaibigan lang talaga ang tingin sa ‘kin ni Ziljian…”
Naramdaman ko ang pag-iinit ng mga mata ko. “Hinding-hindi ko iiyakan si Ziljian!”
“Umiiyak ka na nga,” mahinang sabi ni Zera. “Nasasaktan ka, Viah, tanggapin mo na sa sarili mo na hindi lang simpleng crush ang nararamdaman mo para kay Ziljian...”
Hinarap ko siya. “Kung hindi ‘to simpleng crush lang, ano ‘to?! Bakit ko kailangang maramdaman ‘to?! Ang sikip-sikip ng dibdib ko, Zera!”
Inis kong pinaghahampas ang dibdib ko. Parang pinipiga ang puso ko. Idagdag pa ang malakas na pagbuhos ng mga luha ko. Para akong inaapi ng kung sinuman.
“N-nasasaktan ako,” my voice broke. “A-ang sakit-sakit...”
Lumapit sa akin si Zera at niyakap ako. “Hindi mo lang siya crush, Viah, mas higit pa roon ang nararamdaman mo…”
Hindi ko alam ang sasabihin ko. Ni hindi ko maintindihan kung ano ang nararamdaman ko. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ko iiyakan si Ziljian, pero ano itong ginagawa ko ngayon?
Bakit ako umiiyak?! Bakit din ako nasasaktan? Akala ko ba, nilalandi ko lang si Ziljian? Na walang meaning ang lahat! Pero hindi ko akalain na madudurog ang puso ko nang malaman na pagkakaibigan lang maibibigay niya sa akin.
Kaaamin ko pa lang sa sarili ko na crush ko si Ziljian. Tapos malalaman ko na lang ngayon na higit pa roon ang nararamdaman ko para sa kanya. Parang ang hirap tanggapin, lalo na't imposibleng magustuhan niya rin ako.
“Mahal ko si Ziljian?” tanong ko sa sarili ko. “Eh, nilalandi ko lang naman siya!”
“Palagi kayong magkasama, Viah, sa bawat araw na napapanatag ang loob mo sa kanya. Doon na nahuhulog ang puso mo kay Ziljian. Wala kang ideya dahil akala mo ay komportable ka lang sa kanya.”
Palagi kong sinasabi sa sarili ko na mabait lang si Ziljian kaya ganoon ang trato niya sa akin. Na walang meaning ang mga ginagawa niya. Pero sa kabila pala ng lahat, umaasa ako na baka higit pa roon ang tingin niya sa akin.
Na baka posible na gusto ako ni Ziljian. Ako lang pala ang nag-iisip niyon. Mag-isa ko lang nararamdaman ito. Ngayon ay nasasaktan ako sa bagay na wala naman akong karapatan.
Walang kami ni Ziljian!
“Ano’ng gagawin ko, Zera?” tanong ko sa kaibigan ko. “Mapipigilan ko pa ba ‘to?”