Chapter 7
“Kinakabahan ka?” Hinawakan ni Zera ang kamay ko. “Kung ano man ang resulta, nandito lang ako sa tabi mo. Hindi kita pababayaan, Viah…”
Pinilit kong ngumiti para iparating kay Zera na okay lang ako. Kahit ang totoo ay sobrang kinakabahan na ako. Papunta kami ngayon sa hospital. Gusto kong alamin kung buntis ako.
Sa katunayan ay pwede naman akong gumamit ng pregnancy test. Pero sinabi ni Zera na mas mabuting sa Doctor na lang ako pumunta. Kung sakaling buntis nga ako, hindi ko alam ang gagawin ko.
Isang beses na may nangyari sa amin ni Ziljian. Wala siyang ginamit na proteksyon noong gabing iyon, kaya posible talaga na may mabuo. Wala rin akong ideya na magbubunga iyon.
“Wala ka bang symptoms na naranasan?” tanong bigla ni Zera. “Like nagiging antukin? Matakaw sa pagkain? Nagsusuka?”
“Wala naman,” tugon ko. “Hindi ako nagsusuka. Sa pagkain naman, natural na matakaw ako lalo na kung masarap ang pagkakaluto. Hindi rin ako antukin…”
“Pero hindi ka niregla matapos nang may mangyari sa inyo ni Ziljian?”
Tumango ako. “Akala ko ay natural lang dahil palaging late ang period ko. Kahit pa noon, dalawang buwan akong walang dalaw! Wala pa namang tumutusok sa akin no’n kaya paano ako mabubuntis?!”
“Iba na ngayon, Viah.” Umiling-iling siya. “Nakipag-sex ka na, hindi pa safe kaya posible talagang buntis ka…”
“Buntis nga siguro talaga ako, hindi ko lang alam.”
“Ako nga na alaga noon sa pills, na-buntis pa rin,” halos pabulong niyang sambit. “Hindi ako nag-ingat. Nalaman ko lang na may nabubuhay na sa sinapupunan ko nang dinugo na ‘ko.”
Wala sa sariling napahaplos ako sa tiyan ko. Ngayon lang ako nakaramdam nang sobrang takot. Para bang kaharap ko lang sina Mom at Dad! Siguradong mas lalong bababa ang tingin nila sa akin.
Hindi ko na nga nasunod ang gusto nila na mag-Doctor ako. Nagawa ko rin silang talikuran. Tapos ngayon, balak ko naman silang bigyan ng apo! Mauunahan ko pa sina Kuya.
Pero wala na akong pakialam pa sa kanila. Bahala na kung ano ang isipin nila sa akin. Matanda na ako. Kayang-kaya kong magpakaina sa anak ko. Hinding-hindi ko sila tutularan.
Pero si Ziljian ba? Handa ba siyang maging ama sa anak namin? Pananagutan niya ba ako kung sakaling buntis nga ako?
Kahit na natatakot ako. Malaki pa rin ang chance na matanggap ni Ziljian ang anak namin. Pero posible rin na hindi dahil baka maging sagabal lang kami sa career niya bilang artist.
“Kaya pala gano’n na lang ang mood ko pagdating kay Ziljian,” usal ko. “Palagi akong bad mood sa kanya, mabilis akong mainis. Gusto ko rin magpalambing…”
Naisip ko bigla si Ziljian. Siguradong hindi pa rin siya mapakali dahil hindi pa ako umuuwi. Hindi ko nga alam kung kaya ko siyang harapin sa oras na malaman ko ang resulta.
“Napapansin ko talaga sa ‘yo na tumataba ka,” pag-amin ni Zera. “Akala ko ay natural lang dahil palagi mong kinukwento na masarap magluto si Ziljian. Isa ka pa namang dakilang matakaw.”
I rolled my eyes. “Sorry, kung matakaw ako, ha! Ang sarap lang kumain!”
“Ang laki-laki na ng balakang mo, gaga ka!” aniya pa. “Kahit pa nga ang tiyan mo. Hindi mo lang siguro napapansin dahil ayaw mong isipin na mataba ka…”
Kilalang-kilala talaga ako ni Zera. Tamad akong mag-exercise kaya minabuti ko na lang na huwag pansinin ang katawan ko. Kahit na tumataba ako, wala akong sinasabi sa sarili ko.