Chapter 24
"Stop overthinking, Viah!" Inis kong sinampal ang sarili ko. "Ikaw ang mahal ni Ziljian! Magpapakasal na nga kayo!"
Pinagmasdan ko ang kaliwa kong kamay. Ang singsing ang patunay na mahal ako ni Ziljian. Nangako na kami sa isa't isa. Hindi niya rin naman siguro ako pakakasalan kung hindi siya seryoso sa akin.
Dapat pala ay hindi ko na lang tinanong kay Ziljian kung sino ang babaeng una niyang minahal. Hindi sana ako nag-iisip nang ganito. Hindi naman naging sila! Wala pang nagiging girlfriend si Ziljian.
Habang ako, magiging asawa na niya agad. Mas malaki ang lamang ko sa babaeng una niyang minahal. Kahit na hindi ko pa nakikita si Amalia, hindi ko mapigilan na ipagkumpara ang sarili ko sa kanya.
Paano kung mas minahal pala ni Ziljian si Amalia? Na ang babae talaga ang pinagarap niya na pakasalan? Na makasama niya habambuhay?
Kung ganoon nga, gaano ako kamahal ni Ziljian?
"Viah, please..." Pilit kong pinakalma ang sarili ko. "Huwag mong pagdudahan ang pagmamahal sa 'yo ni Ziljian."
Humiga ako sa kama at tumitig sa kisame. Nakagayak ako dahil ngayon kami makikipagkita sa fashion designer na gagawa ng wedding gown ko. Hindi ko makakasama si Zera na may hinahabol na trabaho.
Naiintindihan ko naman na hindi siya palaging makasasama sa lakad ko. Babawi na lang daw siya sa food tasting. Ngayong month na rin ang prenup namin ni Ziljian. Kailangan ko nang mamili ng masusuot ko.
"Babe?" boses ni Ziljian mula sa labas. "Okay ka na ba? Let's go na..."
Hindi ako sumagot. Niyakap ko ang isang unan at ibinaon ang mukha ko roon. Hindi na talaga matahimik pa ang utak ko. Malinaw naman na ako na ang babaeng mahal ni Ziljian.
Natatakot lang ako na baka biglang isang araw; mawala na ang feelings niya para sa akin.
Narinig kong bumukas ang pinto. Mas lalong humigpit ang yakap ko sa unan. Ayaw kong makita ako ni Ziljian na nagkakaganito. Wala siyang kasalanan kung nagawa niyang magmahal ng ibang babae.
Ang kasalanan ko lang ay pinagdududahan ko si Ziljian. Alam kong masasaktan siya kapag nalaman iyon. Iisipin niya na hindi pa sapat ang ginagawa niya para lang hindi ko maramdaman nang buo ang pagmamahal niya.
"Masama ba ang pakiramdam mo?" Hinawak-hawakan niya ang leeg ko. "Gusto mo bang huwag na lang tayong umalis? Kakausapin ko na lang si-"
"Tutuloy tayong umalis," pagputol ko at umupo na. "Sorry, babe, wala lang ako sa mood. Pero okay na naman ako..."
Tatayo na sana ako nang bigla akong yakapin ni Ziljian. Kaunting yakap niya lang, naging panatag na ang puso't isipan ko. Tama, ako ang babaeng kasama ni Ziljian.
Ako ang mahal niya. Hindi dapat ako nag-iisip pa ng bagay na ikasasakit ng puso ko.
"May problema ba tayo?"
I shook my head. "Wala naman, okay lang talaga 'ko..."
Hindi pa rin siya bumibitaw sa yakap sa akin. Para bang natatakot siya na mawala ako. Habang ako, iyon ang mas ikinatatakot kong mangyari.
"Hindi mo na 'ko mahal?" biglang tanong niya na ikinagulat ko.
"What?"
"Bakit feeling ko, na lumalayo ka na sa 'kin, Shara?" His voice broke. "May nagawa ba 'kong mali? Nakukulitan ka na sa 'kin?"
"I'm sorry, babe," he whispered softly. "Sorry kung may kasalanan ako sa 'yo..."
Mukhang napapansin na niya na may mali sa akin. Katulad ngayon na hindi ako tumabi sa kanya sa pagtulog. Dito sa kwarto ko ako humiga. Pagkagising ko ay katabi ko na si Ziljian.