Epilogue (part one)
“Gusto kong malaman, Ziljian,” usal ni Amalia habang matamis ang ngiti niya. “Gaano kaganda ang natatanaw mo ngayon?”
Hindi ko inalis ang tingin kay Amalia. Wala siyang ideya na kanina ko pa siyang pinagmamasdan. Dinala ko siya sa isang malawak na hardin na dinarayo ng mga tao.
Gustong-gusto niyang makakita ng bulaklak. Pero imposibleng mangyari iyon. Kaya ako ang nagiging mga mata niya sa tuwing ipinapasyal ko siya. Ako rin ang nagiging gabay niya sa tuwing naglalakad.
“Ziljian?” She called me. “Nandito ka pa ba? Baka iniwan mo na ‘ko?”
“Ba’t naman kita iiwan?” I held her hand. “At ang tanong mo kung gaano kaganda ang natatanaw ko ngayon?”
“Parang ikaw, Amalia,” nakangiti kong sabi. “Kasing ganda mo…”
“Dahil ikaw lang naman ang pinagmamasdan ko,” bulong ko pa.
“Huh?”
“Wala, ah!” agap ko. “Halika, ipapasyal kita…”
Hawak-hawak ko ang kamay ni Amalia habang naglalakad kami. Bawat nakikita ko ay sinasabi ko sa kanya ang detalye. Napapansin ko na interesado siya sa nalalaman niya. Palagi siyang nakangiti at kung minsan ay pinapaulit niya ang sinasabi ko.
Kapag abala ako sa painting; hindi siya naiinip sa paghihintay sa akin. Suportado ako ni Amalia sa mga ginagawa ko. Binigyan ko nga siya ng necklace na ang pendant ay palette at brush. Palagi niyang suot-suot iyon.
Mahal ko si Amalia. Mahal na mahal ko siya.
Hindi ko lang maamin sa kanya ang totoo. Natatakot ako na baka layuan niya ako. Nakilala ko siya dahil magkaibigan kami ng kapatid niyang si Franzine. Ipinagkatitiwala niya palagi sa akin si Amalia.
Akala ko ay hindi ko na magagawang lumayo pa kay Amalia—dahil hindi ko kakayanin na mawala siya sa tabi ko. Pero nang sandaling inamin ko sa kanya na mahal ko siya. Doon ko na nalaman na wala kaming pag-asang dalawa.
“I’m sorry, Ziljian.” Yumuko si Amalia sa harapan ko. “Si Albert ang mahal ko. Mas una ko siyang nakilala kaysa sa ‘yo, kaya siya ang mas mahalaga sa ‘kin…”
“Bakit si Albert pa?” I smiled bitterly. “Hindi talaga ako ang mahal mo?”
“Yes…” Her voice broke. “Kaibigan lang ang tingin ko sa ‘yo, Ziljian.”
“Kaya sumama ka na sa Mama mo papuntang England. Ipagpatuloy mo rin ang pagiging artist mo. Palagi akong naka-suporta sa ‘yo... kahit na hindi tayo magkasama.”
Hindi ko na natiis na yakapin siya. Naiyak na lang din ako dahil umasa ako na mahal niya rin ako. Iyon pala ay iba ang mahal niya.
“Huwag mong pababayaan ang sarili mo.” Humiwalay na ako sa yakap. “Mahal na mahal kita, Amalia…”
Lalayo na sana ako sa kanya nang bigla niyang hawakan ang kwelyo ng suot ko. Dinampian niya ako ng halik sa lips. Hihiwalay na sana siya pero idiniin ko siya sa akin. Mas lalo ko siyang hinalikan.
Parehas naming first kiss ang isa't isa. Si Amalia rin ang first love ko. Hindi ko alam kung magagawa ko pang magmahal ng iba. Kung si Amalia lang ang laman ng puso't isipan ko.
Pumunta kami ni Mama sa England at doon na tumira; kasama ang bagong asawa niya. Mabait naman si Tito Eddie. Sobrang maalaga siya kay Mama kaya kampante ako na kasama namin siya.
Wala na ang totoo kong ama nang dahil sa car accident. Hindi kami close na dalawa. Lumaki ako na malayo ang loob ko kay Dad. Mas inuuna niyang alagaan ang anak niya sa ibang babae.