happy 40K reads! kikiligin ako kung mag-iingay kayo sa chapter na ‘to 🤍
Chapter 15
“Ninong Jian!” hiyaw ni Katie kaya mabilis ko siyang hinabol. “May gustong aminin sa ‘yo si—”
Bago pa niya matapos ang sasabihin ay mabilis ko nang tinakpan ang bibig niya. Nakakunot lang ang noo ni Ziljian habang nakatingin sa amin. Pilit namang inaalis ni Katie ang pagkakahawak ko sa kanya.
Kulang na lang ay kagatin niya ako. Sinasabi ko na nga ba’t may kakaiba sa ugali niya. Hindi na ako magtataka kung marami siyang kaaway sa school.
“Huwag mong pansinin ang batang ‘to! Ako na ang bahala sa kanya!” Hinila ko palayo si Katie. Habol naman ang tingin sa amin ni Ziljian.
Hindi ko alam kung bakit napunta kami sa sitwasyong ito. Nangungulit kasi si Katie, na tinatanong kung may feelings ba ako para kay Ziljian. Wala sana akong balak sabihin sa kanya pero may sinabi siya na nakakuha ng atensyon ko.
Naamin ko tuloy sa kanya na mahal na mahal ko si Ziljian!
“Katie naman!” Pauli-uli ako sa harapan niya habang nakaupo siya sa gilid ng kama. “Sabi ko sa ‘yo na secret lang natin ‘yon! Kung hindi kita pinigilan, baka nasabi mo na kay Ziljian ang nararamdaman ko!”
“Ang bagal mo kasi!” She rolled her eyes. “Kapag hindi ka pa umamin, siguradong maaagawan ka ng iba!”
“Alam ko naman,” humina ang boses ko. “Pero hindi gano’n kadaling umamin. Iniisip ko rin ang posibleng resulta. Baka iwasan ako ni Ziljian…”
“Negative kasi agad ang iniisip mo,” inis niyang sabi na parang siya pa ang mas matanda sa akin. “Walang mangyayari kung palagi kang pangungunahan ng takot.”
Siguro nga na tama si Katie. Mas inuuna ko pa ang takot ko na baka lumayo ang loob sa akin ni Ziljian. Ang hirap kasi talaga, lalo na kapag nasanay ka na sa isang tao.
Parang ang hirap magpatuloy kung wala na sa tabi mo ang taong nakasanayan mo. Hindi ko na nga kayang lumayo pa kay Ziljian.
“Ah, basta!” Umupo ako sa tabi niya. “Huwag kang maingay kay Ziljian. Babalitaan na lang kita kapag boyfriend ko na ang Ninong mo!”
Natawa na lang si Katie sa sinabi ko. Mukhang hindi siya naniniwala na mangyayari iyon. Hindi ko tuloy alam kung kakampi ko siya. Iba pa rin talaga ang kapatid niya na sobrang boto sa akin para kay Ziljian.
“So, ano’ng type ni Ziljian sa babae?” tanong ko dahil nangako siya na sasabihin niya sa akin ang tungkol doon.
“Tinanong ko si Ninong Jian habang nasa garden kami,” aniya. “Kung may nagugustuhan na ba siyang babae…”
“Ano’ng sagot ni Ziljian?”
“Hindi niya sinagot, pero…”
“Pero?” Hinarap ko sa akin si Katie. “Ano? Gusto kong malaman!”
“Sinabi ni Ninong Jian na masaya siya,” usal niya. “Sa babaeng palaging nasa tabi niya…”
Natigilan ako sa narinig ko. Sarili ko agad ang naisip ko. Palagi kaming magkasama ni Ziljian. Ako lang ang araw-araw na nasa tabi niya. Kahit pa nga sa pagtulog.
“Eh, ako ang nasa tabi niya no’ng time na ‘yon.” Hinawi-hawi pa ni Katie ang buhok niya. “Kaya baka ako ‘yon?”
“Gaga!” singhal ko. “Ako ang tinutukoy ni Ziljian!”
“Me!”
“Ako lang!” Panlalaban ko at nagsamaan kami ng tingin. “Nagtatabi na nga kaming matulog ni Ziljian!”