Chapter 25
"Magtititigan na lang ba tayo rito, Zaire?" Tumikhim ako. "Akala ko ba, may sasabihin ka sa 'kin?"
Sinandal ko ang likuran ko sa upuan. Hindi ko inalis ang tingin kay Zaire na nakatitig sa akin. Hindi ko akalain na bigla siyang magyayaya na lumabas. Nagpaalam naman ako kay Ziljian at pumayag siya na makipagkita ako sa half-brother niya.
Pero ang totoo, pinasusunod ko rito si Ziljian. Nandito kami sa isang coffee shop na ngayon ko lang napuntahan. Hindi ko alam kung magandang ideya ang gagawin ko. Gusto ko lang talaga na magkausap silang dalawa.
Kumbaga wala nang choice pa si Zaire kundi ang harapin si Ziljian. Gusto na rin naman ni Ziljian na magkaayos silang dalawa. Mukhang ako lang ang tulay para mangyari iyon.
"Pumapayag na 'ko..."
Kumunot ang noo ko. "Saan?"
"Sa gusto n'yo," he replied. "Na maging best man ako sa kasal n'yo."
Natigilan ako sa sinabi ni Zaire. Hinihintay ko siyang tumawa at bawiin ang sinabi niya, pero hindi niya ginawa. Mukhang seryoso talaga siya na maging best man namin sa kasal ni Ziljian.
"Seryoso ka talaga?"
"Yup!" Tumango-tango pa siya. "Seryoso ako, Viah, hindi ako aatras na maging best man n'yo."
"Pero bakit?" Hindi pa rin ako makapaniwala. "Akala ko ba na ayaw mo? Hindi ka nga makipagkita kay Ziljian."
"Na-realize ko lang na ang selfish ko kung ipagpipilitan ko pa ang sarili ko sa 'yo," humina ang boses niya. "Totoong mahal kita, Viah, pero siguradong mas mahal ka ng kapatid ko..."
"Kung pwede nga lang, gusto kitang agawin sa kanya." Mahina siyang tumawa. "Pero kung itatakas ba kita sa kasal n'yo, sasama ka ba sa 'kin?"
"No way!" agap ko. "Hindi ako sasama sa 'yo!"
"See?" Sumandal siya sa upuan. "Hindi ka sasama sa 'kin dahil masaya ka na sa kapatid ko. Ayaw ko na rin maulit ang nangyari noon."
Mukhang may ideya na ako sa tinutukoy niya. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Kahit na maraming beses ko nang sinabi sa kanya na wala siyang kasalanan; sinisisi niya pa rin ang sarili niya.
"Inagaw ko na kay Ziljian si Dad," his voice broke. "Hindi naman pwede na pati ang babaeng mahal niya, ilayo ko rin sa kanya..."
"Zaire," tanging iyon na lang ang nasabi ko.
Natanaw kong papalapit na sa amin si Ziljian. Walang ideya si Zaire dahil nakatalikod siya sa lalaki. Nang tuluyan nang makalapit sa amin si Ziljian, nanatili lang siya sa likuran ni Zaire.
"I'm happy, Viah..." Tuluyan nang ngumiti si Zaire. "Okay lang na masaktan ako na hindi ako ang pinili ng babaeng mahal ko. Basta maging masaya lang ang kapatid ko."
"Ako talaga ang umiiwas sa kapatid ko. Alam kong nandito siya sa Pilipinas. Nang makita ko siya, hindi ko siya nilapitan."
"Bakit?" tanong ko. "Galit ka ba kay Ziljian?"
Napansin kong naghihintay ng sagot si Ziljian. Nanatili pa rin siyang nakatayo sa likuran ni Zaire. Kung nahihirapan silang mag-usap na dalawa. Mas okay na marinig nila ang damdamin ng isa't isa.
"No, hindi ako galit sa kapatid ko." Napayuko si Zaire. "Dahil kung dapat man na may magalit sa amin, siya na 'yon. Kung hindi dahil sa 'kin, matagal niya sanang nakasama si Dad..."
"Pero wala kang kasalanan, Zaire," usal ko. "Kaya please, huwag mong sisihin ang sarili mo."
"Gusto kong humingi ng sorry sa kapatid ko. Kung kaya—"