Chapter 6
“May hindi ba ‘ko nalalaman sa inyong dalawa?” tanong ni Kuya habang palipat-lipat ang tingin sa amin ni Ziljian. “May relasyon na kayo?”
Magkatabi kami ni Ziljian sa mahabang couch, habang nasa harap namin si Kuya. Nakatayo lang siya na nakapamaywang na palipat-lipat ang tingin sa amin. Hindi ko talaga inaasahan na mahuhuli niya kami!
Pasimple kong nilingon si Ziljian, nakatuwid lang siya ng upo. Hanggang sa magtama ang tingin namin. Mukhang hinihintay niya na ako ang sumagot kay Kuya.
“Kuya, kalma,” usal ko kay Kuya. “Magpapaliwanag ako…”
Nagtaas siya ng kilay. “Sige, makikinig ako…”
Hindi ko alam kung ano ang ipaliliwanag ko kay Kuya. Magkahawak-kamay kami ni Ziljian nang makita niya! Kung hindi lang sana ako nagpa-bebe kay Ziljian, hindi sana kami mahuhuli ni Kuya.
Gusto ko lang naman ang hawakan ang kamay ni Ziljian kaya nagpanggap ako na nilalamig. Malay ko bang kakagat siya sa plano ko.
“Magkaibigan lang kami ni Ziljian,” paliwanag ko kay Kuya. “Walang kami…”
“Walang kayo?” tugon ni Kuya. “Pero magkahawak ang kamay?”
“Natatakot lang ako dahil gabi na! Kaya hinawakan ni Ziljian ang kamay ko!” Nilingon ko si Ziljian. “‘Di ba? Gano’n ang nangyari kanina?”
Mabagal na tumango si Ziljian, kahit na hindi naman totoo ang sinabi ko. Para din siguro matapos na ang usapan. Kung sino naman ang dapat sisihin, walang iba kundi ako iyon.
Ba't kasi ang landi-landi ko pagdating kay Ziljian?!
“She’s right,” ani Ziljian. “Madilim na rin kaya inalalayan ko sa paglalakad ang kapatid mo…”
Tumango-tango naman si Kuya. Mukhang naniniwala na siya sa paliwanag namin. Siguradong nagtataka lang siya kung bakit close na kami ni Ziljian. Noong una naman ay ayaw ko sa lalaki.
“Tol,” tawag ni Kuya kay Ziljian. “Umakyat ka muna, kakausapin ko lang ang kapatid ko…”
Sinunod naman ni Ziljian ang sinabi ni Kuya. Habol pa nga ang tingin ko sa kanya habang paakyat siya ng hagdan. Napaiwas lang ako nang tumikhim si Kuya. Mukhang napansin niya na nakatitig ako sa lalaki!
“Ano pala ang ginagawa mo rito, Kuya?” pag-ibaba ko sa usapan. “Akala ko ba, hindi ka muna uuwi dahil busy ka?”
“Alam na nina Mom at Dad na nandito ka…”
Bigla akong napasinghap sa sinabi ni Kuya. Alam ko naman na darating ang araw na maghaharap uli kami. Pero hindi pa talaga ako handa. Malaki na ako pero parang binabantayan pa rin nila ang kilos ko.
Kahit na malayo ako sa kanila, malakas ang kutob ko na may kinuha silang mga tao na mag-aalam ng mga nangyayari sa buhay ko. Wala pa rin talaga akong takas sa kanila.
“Gusto nilang umuwi ka na sa bahay. Nangako naman sila na hindi nila pakikialaman ang buhay mo. Basta bumalik ka lang kina Mom at Dad.”
I shook my head. “Ayoko! Hindi ako babalik sa kanila!”
Nakuyom ko ang mga palad ko. Pinipigilan ko rin na maiyak. Kahit anong pagsisinungaling pa ang sabihin ko sa sarili ko, hindi pa rin talaga mababago ang katotohanan na hinahanap-hanap ko ang pagmamahal ng mga magulang ko.
Pero ang hirap manatili sa tabi nila. Lalo na kung ang taas-taas ng tingin nila sa akin. Alam kong babaguhin nila ang buhay ko. Pipilitin nila akong gawin ang bagay na hindi ko naman kaya.
“Viah, please…” Lumuhod si Kuya sa harap ko at hinawakan ang pisngi ko. “Nag-iisang babaeng anak ka nila, kaya sobrang nag-aalala na sila sa ‘yo. Gusto ka nilang makasama…”