Chapter 33
“H-hindi ko sinasadya ang nangyari…” Nararamdaman ko ang panginginig ko. “A-ako ang gustong itulak ni Amalia. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko dahil ayaw kong mapahamak ang anak namin ni Ziljian…”
Niyakap ako ni Ate Linda at hinaplos-haplos pa ang likuran ko. Nasa tabi namin si Ate Marie na dinaramayan din ako. Kanina pa akong ganito. Hindi ko mapigilan ang panginginig ko.
Naaalala ko pa rin ang nangyari. Kung hindi ako lumaban kay Amalia; ako ang naitulak niya pababa ng hagdan. Pero hindi ko ginusto na mangyari iyon sa kanya.
Ang asawa ko na dapat dinaramayan ako, wala ngayon sa tabi ko. Tumawag agad si Ziljian ng ambulansya. Isinugod nila si Amalia sa hospital na wala pa rin na malay. Sumama si Ziljian para maging guardian ng babae.
Natatakot ako na baka hindi na magising pa si Amalia. Kahit na ipinagtanggol ko lang ang sarili ko; ako pa rin ang lalabas na may kasalanan. Ako ang dapat sisihin sa nangyari.
“Ziljian…” Banggit ko sa pangalan ng asawa ko. “Tawagin n’yo po ang asawa ko.”
“Kailangan ko ang asawa ko!” I begged. “Please, pauwiin n’yo sa ‘kin si Ziljian! Gusto ko siyang makasama!”
“Pasensya na, hija,” ani Ate Linda at mas lalong humigpit ang yakap sa akin. “Tinawagan ko siya kanina, pero patay ang phone niya. Hindi ko siya matawagan.”
Kung sino man ang kailangan ko ngayon. Walang iba kundi si Ziljian iyon— ang asawa ko. Pero nasaan siya? Alam ko naman na kailangan siya ni Amalia.
Pero mas kailangan ko siya! Kami ng anak namin! Hindi pa rin mawala ang takot ko sa nangyari. Baka kapag nayakap ko ang asawa ko, mabawasan itong nararamdaman ko.
“H-hindi na ako mahal ni Ziljian,” my voice trembled. “A-ayaw na niya sa ‘kin.”
“Huwag mong sabihin ‘yan, hija,” ani Ate Marie. “Siguradong babalik din ‘yon mayamaya lang. Kaya hintayin na lang natin siya.”
Nasaksihan ni Ziljian ang nangyari. Nakita niyang naitulak ko si Amalia. Baka magbago na ang isip niya tungkol sa akin. Kung nagagawa niya akong kampihan nitong mga nakaraang araw; siguradong hindi na niya magagawa iyon.
Naghintay ako kay Ziljian. Hinintay kong bumalik ang asawa ko. Dumating na ang umaga, hindi pa rin siya bumabalik. Umasa akong babalik siya sa aming mag-ina. Hindi niya man lang naisip kung gaano ako natatakot ngayon.
Nakasandal lang ako sa headboard ng kama habang tulala. Mabigat na ang talukap ng mga mata ko. Humihinga ako pero parang wala na akong buhay pa.
Hindi ako nakatulog dahil natatakot ako. Baka magpakita sa panaginip ko si Amalia. Na gantihan niya ako at hindi na ako magising pa. Galit na galit siya sa akin at gusto na niya akong mawala sa buhay ni Ziljian.
Pero mukhang si Ziljian ang tuluyang mawawala sa buhay ko. Baka talikuran na rin niya ako; kami ng anak namin.
“Sorry, anak ko.” I smiled bitterly. “Umiiyak na naman si Mommy. Pinahihirapan na naman kita.”
Pinuntahan ako nina Ate Linda. Pilit nila akong pinapakain pero tinatanggihan ko lang. Ni hindi ako umiinom ng tubig. Nakatulala lang ako, at kung minsan ay bigla akong iiyak habang takot na takot. Sobrang nag-aalala na sila sa akin.
Hindi na matahimik pa ang isip ko. Iyong takot ko kagabi, mas lalo pang lumala. Hindi pa rin umuuwi si Ziljian. Ni hindi man lang siya tumatawag sa akin.
“Viah!” boses ni Ate Marie. “Nandito na si Ziljian! Nakauwi na ang asawa mo!”
Wala akong naging reaksyon. Kung kailan hindi ko na siya kailangan, saka pa siya dumating. Natigilan nga si Ziljian nang makita ang hitsura ko. Kahit siya ay puyat din na siguradong magdamag na binantayan si Amalia.
![](https://img.wattpad.com/cover/240946630-288-k31174.jpg)