Chapter 13
“Ano?!” biglang napalakas ang boses ni Zera nang marinig ang sinabi ko. “Magkapatid sila ni Ziljian?!”
“Yup!” Tumango-tango pa ako. “Magkapatid silang dalawa, pero half lang. Magkaiba ang mother nila.”
Nakalimutan ko pala na mag-picture kami Zaire. Hindi pa rin kasi nakikita ni Zera ang lalaki. Hanggang ngayon nga ay hindi pa rin ako makapaniwala sa nalaman ko. Hindi ko binabanggit kay Ziljian na nakilala ko ang half-brother niya.
“Ano pa ang nangyari?” curious na tanong ni Zera. “Magkaugali ba silang dalawa?”
“Parehas silang mabait. Mas madaldal nga lang si Zaire, kaysa sa Kuya niya,” pagkukwento ko. “Masarap din magluto si Zaire. Para bang talento na nilang magkapatid na magaling sa kusina.”
“Ipinagluto ka?” She raised a brow. “Don't tell me?”
Tumango ako. “Doon ako natulog sa condo ni Zaire dahil sobrang lakas ng ulan no’ng gabing ‘yon. Baha na rin ang daan kaya mahihirapan siyang ihatid ako. Pumayag ako na mag-stay sa place niya.”
Napatakip si Zera sa bibig. Ngayon ko lang nabanggit ito sa kanya. Hindi rin kasi siya nangulit sa message. Mas mabuti pa rin na mag-usap kami ng personal.
“Walang nangyari sa amin!” agap ko. “Magkahiwalay ang kwarto namin ni Zaire. Malaki rin ang respeto niya sa ‘kin.”
“I know,” kasunod ang halakahak niya. “Alam kong malandi ka, pero sa iisang lalaki lang…”
“Magkahawig silang dalawa, pero si Ziljian talaga ang gusto ko.” Nangalumbaba ako. “Ang panganay ang mahal ko.”
Hindi ko makita ang sarili ko na magkakagusto pa sa ibang lalaki. Pahirapan ko pa ngang natanggap na mahal ko na si Ziljian. Ngayon ay hindi ko na mababago iyon. Na sobrang nahulog na ako sa lalaking nakakasama ko.
“Huling pagkikita n’yo na rin ‘yon?”
I shrugged. “Gusto ni Zaire na lumabas uli kami. Hiningi niya pa nga ang number ko. Ibinigay ko naman sa kanya.”
“Makikipagkita ka naman sa kanya?”
“Balak kong makipagkita pa sa kanya,” pag-amin ko. “Dahil gusto kong magkaayos silang magkapatid…”
“Paano kung mag-away pa lalo ang dalawang ‘yon?”
“Huh? Bakit naman sila lalong mag-aaway?” Kumunot ang noo ko. “Malalaki na sila, baka magbago na ang isip ni Ziljian at makipag-ayos sa kapatid niya.”
“Ewan ko sa ‘yo, Viah!” She rolled her eyes. “Iba na kasi kapag babae ang pinag-uusapan.”
“Babae?” Napaturo ako sa sarili ko. “Dahil sa ‘kin kaya lalo silang hindi magkakasundong magkapatid?”
Tumayo na si Zera at sinukbit ang bag niya. “Bahala kang sumagot sa tanong mo!”
Nilayasan ako ni Zera habang nakatulala lang ako. Nabanggit na iyon ni Zaire pero hindi ko pa rin maintindihan. Wala namang gusto sa akin si Ziljian.
Kaya okay lang na sumama ako sa kapatid niya. Hindi naman siya magseselos, ‘di ba?
Hindi ako umalis sa coffee shop dahil hinihintay ko si Ziljian. May ka-meeting siyang client ngayon. Bigatin na naman siguro iyon na gustong magpagawa sa kanya ng painting.
Nag-vibrate ang phone ko. Nag-message si Ziljian na malapit na siya. Lumabas na ako habang dala-dala ang bago kong order na black coffee. Nang matanaw ko ang kotse niya ay sumakay agad ako.
“Here's your coffee, Sir!”
Tinanggap niya naman at humigop. Nasa parking lot kami ng coffee shop. Aalis lang kami kapag naubos na niya iyon.