ABI
Totoo pala yung sinasabi nila na pag nasa bingit ka na ng kamatayan, babalik ang ilan sa hindi mo makakalimutang ala-ala sa loob lang ng ilang segundo.
Si mama… si kuya…
At si Bullet.
Silang tatlo, silang tatlo ang tanging nasa isip ko habang magulo ang nasa paligid ko.
Kanina, nung tumalon ako, buong puso kong tinanggap na sumunod kay Bullet. Akala ko huli ko na 'yon… hindi pa pala dahil tubig ang binagsakan namin.
Naririnig ko ang tunog ng ambulansya. Sigaw ni Rita at iba pang sundalo na hindi ko na malaman kung sino.
Ramdam kong hiniga nila ako sa ambulance bed. Buhat-buhat nila iyon papunta sa kung saan.
Sa gilid ko nakita kong umiiyak si Rita habang pare-pareho silang nagmamadaling isakay ako sa ambulansya.
Habang lahat sila natataranta iligtas ako, ako naman napatitig sa madilim na langit, humihiling na sana kunin na niya ako kung kukunin niya rin naman sa akin si Bullet.
Isama niya na lang ako sa kamatayan dahil sigurado akong hindi naman ako magiging masaya pag nawala siya sa akin.
"Abi, kapit ka lang… okay na, dadalhin na kayo sa hospital." Umiiyak na sabi ni Rita. Hindi ko siya pinansin.
Tinagilid ko ang ulo ko. Doon nakita ko ang kaaalis lang na ambulansya… si Bullet… doon siguro nakasakay si Bullet.
Nang maisakay ako sa loob ng ambulansya, sumakay din si Rita. Hawak-hawak niya ang kamay ko.
"Naririnig mo ba ako, Abi? Dadalhin na sa hospital si Sir Ferrer."
Kahit paulit-ulit niyang sinasabi iyon hindi ko magawang makaramdam ng pag-asa. Para saan? Para saan ako aasa kung alam ko namang wala na.
Natatakot akong umasa na buhay pa si Bullet, pero mas natatakot akong isipin na wala na siya tapos ako buhay pa.
"Huwag ka na umiyak, Abi… magiging maayos din ang lahat. Huwag ka nang umiyak…"
"Bullet…"
Nabanggit ko pa sa huling pagkakataon ang pangalan niya bago ako tuluyang nawalan ng malay.
Sabi nila, may tatlong tao daw na darating sa atin. Yung una, yung first love, yung pangalawa, intense love, at syempre yung huli, unconditional love.
Para sa akin, lahat 'yan kay Bullet ko lang naranasan.
He is my first love, a 22 years old man who made me believe in prince charming.
He is also my intense love, a kind of love that tests our love for each other. Masaya, pero masakit.
And last, he is my unconditional love. Hindi ko 'yon kayang ipaliwanag. Kung anong meron kami ngayon, iyon ang unconditional love para sa akin.
Yung sa sobrang pagmamahal ko sa kanya, kahit saang lupalop pa 'yan ng kabilang buhay, susundan ko siya.
Baliw 'di ba? Mahal na mahal ko siya pero ang hirap ipaliwanag kung bakit mahal na mahal ko siya.
Umasa ako. Umasa ako na sa pagtulog ko magkikita kami ni Bullet sa panaginip ko pero hindi. Hindi siya nagpakita sa panaginip ko.
Nang magising ako nasa hospital na ako. Panghihinayang agad ang unang naramdaman ko. Hindi dahil wala si Bullet nang magising ako kung 'di dahil buhay pa ako.
Nang ilibot ko ang tingin sa paligid, kay Kate na natutulog habang nakaupo napako ang tingin ko. Kung nandito si Kate ibig sabihin nasa manila na ako.
Hindi ko siya ginising. Ayaw ko munang makipag-usap kahit kanino. Ayaw kong marinig ang kahit na anong balita tungkol kay Bullet. Wala akong balak malaman.
BINABASA MO ANG
Bullet of Rules (Military Series 4) COMPLETED
ActionYou can read this story without reading MS1 or MS2, but make sure to read MS3 first. .... Abi, a typical teenager who is secretly in-love with her brother's best friend, Bullet. Yet, she believes he only sees her as nothing more than a little sister...
