XXII. JEALOUSY

668 14 0
                                    

XXII. JEALOUSY

--ERNO--

Inipon ko uli ang grupo para sa pagpapatuloy ng ensayo namin.  Mind talking naman ang ituturo ko sa kanila.

“Ang mind talking ay isang skill na napakahirap matutunan.  Sa totoo lang ay dalawang tao pa lang ang nasubukan kong kausapin sa isip, kaya hindi ko alam kung kaya ko ba itong ituro sa inyo.

“Pero susubukan natin.  Isa-isa.  Subukan niyo akong kausapin sa pamamagitan lang ng isip.  Kapag marinig ko ito sa isip ko, sasagutin ko rin kayo sa pamamagitan ng mind talking,” paliwanag ko.

Si Kei ang unang sumubok.  Dalawampung minuto na kaming magkaharap ay hindi ko pa marinig ang boses niya sa isip ko.

+Kei, kausapin mo ako…

Nakatingin lang siya sa akin, at wala pa rin akong naririnig na boses sa isip ko.

“Sorry.  It’s just not working,” paliwanag ko sa kanya.

“Anong not working?  Narinig ko ang sinabi mo sa isip ko.  At nagsasalita rin ako sa isip mo.  Bakit parang di mo naririnig?  Kanina pa,” paliwanag ni Kei.

Tiningnan ko siya kung mukha ba siyang nagbibiro, pero seryoso ang anyo niya…

“Narinig mo talaga ang sinabi ko?” tanong ko na may halong pagtataka.

“Oo.  Sabi mo sa isip ko kausapin kita,” tugon niya.

+Narinig mo nga ang sinabi ko.  Pero ano ba ang problema?  Bakit hindi ko marinig ang boses mo sa isip ko?  tanong ko kay Kei sa isip.

“Malay ko sa ‘yo, ka-jerjer,” sabi niya.  “Pero naririnig ko talaga ang sinasabi mo sa isip ko,” sagot niya.

“Ako naman ang susubok, Erno,” biglang sabi ni Jessy.

Tiningnan ko siya.

+Sige Jessy.  Subukan mo na akong kausapin sa pamamagitan ng isip.

Naghintay ako, pero hindi ko talaga narinig ang boses niya sa isip ko.  Mukha siyang frustrated.

“Erno?” tanong ni Jessy.  “Nagsalita ka na ba sa isip ko?”

Tumango ako.

“Bakit hindi ko iyon marinig?  Bakit si Kei naririnig niya ang iniisip mo?” parang may hinanakit na sabi ni Jessy.  “Alam ko na kung bakit, dahil mahina ako.  Ako ang pinakamahina sa grupo…”

“Jess, wag kang mag-isip ng ganyan.  Narinig mo naman si Erno kanina diba?  Mahirap matutunan ang skill na ‘to at kahit nga siya di ba, limitado lang ang mga taong kaya niyang kausapin sa isip?” paliwanag ni Robin.  Siya naman ang sumunod na sumubok pero kagaya ni Jessy ay bigo rin na matutunan ang mind talking.

“Oh my God!  We’re not even improving.  Paano natin matatalo ang Negative Force kung ganito tayo kahina?” frustrated na sabi ni Jessy.

“Okay lang ‘yan.  Wag tayo agad panghinaan ng loob,” pagpapalakas loob na sabi ko.

“Oo nga naman.  Unang subok pa lang naman.  Chill, Jess,” masuyong pagbibigay opinyon ni JR.

+JR, subukan natin.  Naririnig mo ba ako? tanong ko sa isip ni JR.

$Woah.  Oo, kajerjer.  Naririnig kita… ang sagot niya sa isip ko.

+JR?  Ikaw ba ‘yon?

$Oo.  Wow astig ‘tong mind talking na ‘to, ka-jerjer.

+Kailan mo pa alam na marunong ka nito?

$Ngayon ko lang ‘to sinubukan.

Napangiti ako.        Siguro nga ay may pag-asa ang grupo na matalo kahit ang pinakamalakas na  grupo ng kasamaan.  Siguro konting ensayo lang at konsentrasyon ang kailangan ng bawat isa sa kanila.  At ako, kay Kei.  Kailangang malaman ko kung paano ko maririnig ang boses niya sa isip ko.

“Nagawa na ni JR na makapag-usap sa isip,” pagbabalita ko.

“You never explained to me how mind talking works,” biglang nasabi ni Caroline.

“Kung bihasa lang ako sa mind talking, bakit hindi?  Pero kita mo nga, kahit si Kei hindi ko naririnig ang sinasabi niya sa isip ko,” paliwanag ko sa kanya.

“Pero… nakakapag-usap kayo ni JR sa isip?” tanong niya.

Tumango ako.

“Subukan natin kung gano’n,” sabi niya.

+Oo ba.  Chill lang, the gun, sabi ko sa kanya sa isip.  The gun na nangangahulugang ‘ganda.’  Nginitian ko siya, pero masamang tingin lang ang isinukli niya sa akin.

“Huwag mo akong ngiti-ngitian,” pasigaw niyang sabi sa akin.  “Sabi ko, subukan natin.”

“Ha?  Nagsalita na ako sa pamamagitan ng isip.  Hindi mo narinig?” tanong ko.  Nakapagtatakang hindi magawa ni Caroline ang mind talking.  Ang lahat na halos ng special ability ko na itinuro ko sa kanya ay madali niyang natutunan.

“Hindi,” mapait ang tinig niyang tugon.  “I hate not knowing how anything works!”

“Bulok ka rin pala,” pang-aasar ni Kei.  Halatang wala sa mood si Caroline sa mga biro ni Kei.

“Gusto mo ba uling manghiram ng mukha sa aso?” banta ni Caroline.  Napaurong si Kei, at nag-V sign.  “Peace,” wika niya.

“I hate this worthless lesson!” bulyaw ni Caroline sabay mabilis na lumisan sa lugar ng ensayo.

 Hindi ko na tinangka pang sundan si Caroline.  Walang oras na dapat masayang.  Kailangang mag-ensayo ng grupo para sa nalalapit na laban.  Nilapitan ko si Ashana, at hinawakan ang kamay niya.  Nanginginig at parang yelo sa lamig ang mga kamay niya.

+Wag kang matakot.  Hindi kita sasaktan.

*Alam ko.

Natigilan ako sa boses na narinig.  Hindi ako pwedeng magkamali.  Boses ni Fille ang narinig ko sa isip ko.

+Fille? ang tanging nasabi ko sa sobrang pagkabigla.

*Ashana ang pangalan ko.

+Imposible!  Kilala ko ang boses na ‘yan.  Alam kong si Fille lang ang pwedeng mag may-ari ng boses na ‘yon.

Sa isip lang ako nakikipag-usap pero pakiramdam ko nangingilid na ang luha mula sa mga mata ko.

*Pwede bang wag mo ng banggitin ang pangalang ‘yan?  Matagal na siyang patay.

+Shut up!  Wala kang karapatan!

Naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko.  Boses ni Fille ang boses na naririnig ko.

*Tama ba ang nababasa kong ekspresyon sa mukha mo?  Nalulungkot ka?  Pero bakit?  May Caroline ka na ngayon, at tuluyan mo ng kinalimutan si Fille…

+Hindi totoo ‘yan!  Hindi mo ako kilala.  Hindi mo alam ang tunay na nararamdaman ko.  Hindi mo nararamdaman kung gano ako nasasaktan hanggang ngayon…

*Kalimutan mo na siya…

+Shut up!

Gusto kong magsalita sa mga oras na ‘yon, pero parang nagbara ang lalamunan ko.  Hindi nila pwedeng makita ang kahinaan ko, ang labis na kalungkutan.  Pero kahit anong subok ko, wala talagang lumalabas na boses mula sa bibig ko.  Tila napansin ito ni Kei.

“Ka-jerjer, bakit?  Napano ka?” nag-aalalang tanong ni Kei.

+Hindi ko alam… basta walang lumalabas na boses…

“Umiiyak ka ba, ka-jerjer?” tanong muli ni Kei.  Umiling ako.  Hindi nila ako dapat makita sa ganong anyo.

+Masama lang ang… pakiramdam ko, dahil siguro sa pagod lang ‘to.

Lumayo ako ng konti kay Kei at sa grupo.  Kailangan ko ng composure.  Maya-maya pa ay nilapitan ako ni Ashana.

“Sana okay ka lang,” pabulong niyang sabi.

---

CRIMES AND MYSTERIES V: THE SACK, THE REEF, AND THE ICETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon