---
XXVI. PAINFUL TRUTH
(-ASHANA-)
“Ate, ate… mama, si ate!” paulit-ulit kong isinisigaw sa bangungot hanggang sa gumising ako. Huminga ako ng malalim. Nang magpalinga-linga ako sa paligid, namataan ko si Lou na natutulog sa mesa katabi ang laptop at nakakalat na mga phone directories. Napapansin ko na madalas ay abala siya sa gabi sa pagreresearch tungkol sa kung anumang bagay. Hanggang sa makaramdam ako na parang may ibang tao sa paligid ko. Napansin ko na lang na nakatayo na si JR sa harap ko, nakatitig ng masama sa akin, at umiiyak! Ni hindi man lang siya kumukurap. Tumutulo lang ang luha mula sa mga mata niya.
“JR?” alangan kong pagtawag sa pangalan niya.
“Saan mo itinago ang mga buto?” pasigaw niyang tanong. Hindi ko naintindihan ang tanong na iyon.
“Anong ibig mong sabihin?’ tanong ko. Nakakadurog ng puso ang makita siyang lumuluha. I have never seen him cry before. “Bakit ka umiiyak?”
“I trusted you!” sigaw niya sa akin. “Napakatanga ko para magtiwala sa katulad mo, halimaw!”
Agad namuo ang luha sa mga mata ko sa narinig.
“Bakit, JR? Ano’ng… ginawa kong masama?” naiiyak na tanong ko.
“Ninakaw mo ang mga buto ni Fille!” pag-akusa niya. “Nakalimutan mo na bang Rewinder ako, Asha? Kahit noong makita naming lahat na kamukha mo ang dumurog sa katawan ni Fille, naniwala ako na hindi ikaw yon, na hindi mo magagawa ‘yon. Pero ngayon lang, kung kailan nabuhayan ng pag-asa ang grupo na maibabalik si Fille, nakita kita ulit na ninakaw ang mga buto niya! Sa una, hindi ako naniwala na ikaw yun kahit na nakita ko na ang mukha mo. Inisip ko na baka isang Copier lang. Pero nagsalita ka, Asha, ang sabi mo “sana hindi malaman ng CMG ang totoo na ako ang pumatay kay Fille, baka patayin nila ako.” Nairewind ang lahat ng eksenang ‘yon, Asha. Ngayon, sabihin mo sa akin kung saan mo itinago ang mga buto niya, dahil kung hindi dudurugin kita!”
Wala akong alam sa mga ibinintang niya, pero tumulo ang luha ko sa tindi ng mga akusasyon na ‘yon. Hindi ako ang nasa eksenang na-Rewind niya. Hindi ako mamamatay-tao! Wala akong nasabi sa loob ng ilang sandali. Pagkatapos ay yumakap ako sa kanya. “JR, wala akong alam sa sinasabi mo. Hindi ko siya pinatay! Hindi ako mamamatay-tao! Magtiwala ka sa akin, hindi ko ninakaw ang mga buto niya!”
Agad niyang kinalas ang pagkakayakap ko sa kanya. Kinuha niya ang unan ko at ginawa itong baril. Ikinasa niya iyon sa utak ko.
“Sabihin mo sa akin kung saan mo itinago ang mga buto!” pasigaw niyang sabi.
“Kahit patayin mo pa ako ngayon, JR, kahit durugin mo pa ako kagaya ng nangyari kay Fille, hindi ko talaga alam ang ibinibintang mo. Mahal ko ang grupo, kayong lahat, pati si Fille,” naiiyak kong sabi. “I will never betray you.”
Napapikit ako habang hinihintay ang pagputok ng baril na nakatutok sa utak ko. Ngunit hindi dumating ang balang inaasahan kong magpapasabog ng utak ko. Sa pagmulat ko ng mga mata, wala na si JR. Hanggang sa maramdaman ko na lang na may yumakap sa likuran ko.
“I’m sorry,” bulong nito. Si JR. Humarap ako sa kanya. “Asha, sorry. Naniniwala na ako sa ‘yo. Baka sa pagrerewind ko lang ang may palpak. Nabigla lang ako sa nakita ko, wag ka ng umiyak..” pinahid niya ang mga luha ko. “…Ma’am pasensya na talaga.” Hinalikan niya pa ang buhok ko. “Pasensya na ginulo ko ang tulog mo. Matulog ka na ulit.”
Binuksan na niya ang bintana ng kwarto ko na siyang dadaanan niya palabas. Bago siya tumalon palabas, sumaludo muna siya sa akin. At habang pinipigilan ko ang paghikbi, sumaludo rin ako sa kanya.
BINABASA MO ANG
CRIMES AND MYSTERIES V: THE SACK, THE REEF, AND THE ICE
ParanormalSino ang magwawagi sa huling paghaharap ng dalawang magkaibang pwersa? Ano ang kaugnayan ng tatlong huling clues na madedeskubre ng Crimes and Mysteries Group sa nakatadhanang mangyari sa kanila? Sa huling aklat ng Crimes and Mysteries series ay m...