CHAPTER 12
HAILEY'S POV
Ang bigat sa dibdib ng mga nangyari. Ilang beses ko na ring kinontrol ang damdamin ko ngunit sa tuwing nakikita ko si Caiden na tulala ay parang tinutusok ang puso ko, lalo tuloy akong naluluha. Hindi man lang siya makikitaang umiiyak o nagwawala sa isang tabi. Nanatili lang siyang tahimik magdamag at minsan pa'y hindi kumakain. Iyon pa naman ang pinakamahirap sa lahat, ang kimkimin ang damdamin at magpanggap na okay lang ang lahat.
Bumaba na ako ng sasakyan at naglakad palapit kay Caiden. Nakaupo siya sa kanyang wheel chair habang may hawak na mga bulaklak. Kapag hindi ko siya nakikita sa music house ng Aphotic dread ay dito ko siya matatagpuan sa sementeryo. Simula nang dumating siya rito sa Pilipinas ay minabuti niyang sa music house ng grupo mananatili ngunit napag-usapang si Roxie ay hindi niya makakasama dahil unang-una ay ayaw ni Braxly na may ibang taong makakapasok sa music house nila. Kaya sa kalapit na apartment maninirahan si Roxie. Tuwing may therapy session si Caiden ay saka lang siya pwedeng pumunta sa music house at hanggang sa garden lang.
Halos tatlong araw na rin ang lumipas matapos maganap ang pagbaril kay Tita Marie. Walang nakuhang lead ang pulisya at maging ang grupo ni Caiden. Hindi nila natunton ang salarin sa mga gusaling nasa paligid ng airport. Pati ang anggulo nang pagkakabaril ay parang hanging napabayaan na lang ng mga otoridad. Kaya naman gumawa kami ng sariling imbestigasyon gamit ang mga koneksyon namin.
Pinagsama na namin ang dalawang grupo, ang Aphotic dread at Orphic braw na ngayon ay may tatlong insidenteng kailangan naming pag-aralan at lutasin. Una ay ang pagkamatay ni Tito Cailex at Tita Marie, pangalawa ay ang nangyari kay Aviana at ang panghuli ay ang kay Aubrille na ang lahat ay may kaugnayan kay MT, ang mystery texter. Naging mahirap din para sa aking ikwento at ipaintindi kay Caiden ang ginagawa ni MT dahil nitong mga huli ay mainitin ang ulo niya at minsan pa'y lutang ang isipan niya.
Kapansin-pansin na nanahimik si MT ngayon. Isa sa inaalam ko ay kung si MT at ang pumatay sa magulang ni Caiden ay iisa. Nitong mga huli kasi, ang ginawa ni MT ay saktan ang mga kaibigan ko. Hindi pa naman dumating sa punto na pinatay niya ang mga ito dahil puro pagbabanta lamang ang kanyang ginagawa at mga aksidenteng sinasadya pero hindi pa naman kumitil ng buhay. Ngunit maaari ring konektado siya sa pagpatay kina Tito Cailex dahil bigla siyang nanahimik.
Nang malapit na ako kay Caiden ay lumingon ako sa paligid. Wala siyang ibang kasama kundi ang driver niyang si Mr. Ting. Isa sa mapagkakatiwalaang body guard ng pamilya ko si Mr. Ting, kaya siya ang inatasan kong samahan si Caiden saan man ito magpunta. Hinanap ng aking paningin si Roxie, mabuti naman at wala siya rito. Ibang-iba talaga ang pakiramdam ko sa kanya. Pinagtatakahan ko nga ay kung ano ba talaga ang napapansin ni Caiden kay Roxie at masyado niyang pinagtatanggol ang babaeng 'yun!
Hinawakan ko ang balikat ni Caiden at tumayo sa tabi niya. Hindi siya nagsalita, nanatili lang siyang nakatingin sa lapida. Pinalibing naming magkatabi ang dalawang lalagyan ng abo nila Tita Marie at Tito Cailex. Iyon ang kagustuhan ni Caiden, ang mailagay sa ligtas na lugar ang abo ng kanyang mga magulang kahit ngayong wala na sila dahil hindi niya nagawa iyon noong sila'y nabubuhay pa. Hindi niya nailayo at nailagay sa ligtas na lugar ang kanyang pamilya. Noong sinabi niya iyon ay ramdam na ramdam ko ang sakit na kanyang nararamdaman kahit hindi niya pinapahalata.
Inilapag niya ang dala niyang bulaklak sa lapida at napansin ko ang pagpunas ng kanyang kamay sa mga mata niya. Hinawakan ko ang kamay ni Caiden at niyakap siya. Gumanti naman siya nang mahigpit na yakap sa akin at saka ko narinig ang malakas niyang pag-iyak. Mga iyak at hikbing itinago niya ng ilang araw. Nakakapanlambot ng tuhod at nakakapiga ng puso ang umaapaw na emosyong pinakawalan niya.
BINABASA MO ANG
SKRIVENA UNIVERSITY BOOK 2 (Complete)
Mystery / ThrillerOne day can CHANGE everything! SKRIVENA UNIVERSITY BOOK 2 Sequel Please read the book 1 (Skrivena University) before this :) #Fiction #Mystery #Action #Romance Khelielove copyright 2015-2016 All rights reserved.
