CHAPTER 9
HAILEY'S POV
"Hello? Aub, saang hospital?"
"Sa hospital nila Braxly," sagot niya. Mukhang kagigising pa lang niya base sa kanyang boses. Agad ko siyang tinawagan pagdating ko sa Pinas. Hindi kasi ako mapalagay sa sitwasyon ni Aviana, kailangan ko na siyang mapuntahan.
"Thank you. Pupuntahan ko na siya," sambit ko sabay baba ng telepono.
Paglipas ng isang oras ay narating ko na ang Yueting General Hospital. Tinawagan ko si Braxly bago ko tinungo ang ICU room na kung saan naroon si Aviana. Hindi kasi ako papapasukin lalo na't sobrang aga ko, malayo sa nakatakdang visiting hours sa ICU. Kaya kinailangan ko ang tulong niya. Nabanggit din niya na hindi pa rin nagigising ang kaibigan ko dahil sa sinapit niyang traumatic head injury.
Habang papalapit na ako sa room ay natanaw ko sa gilid ang mommy ni Aviana na kausap ang isang doctor. Napahawak ako sa aking dibdib nang makita ang matinding pag-iyak ni Tita. Ang tunog na mula kanyang pag-iyak ay lalong nagpahapdi sa sugat ng puso ko. Maluha-luha akong naglakad palapit sa kanya nang umalis na ang doctor.
Napalingon siya sa gawi ko at agad niya akong niyakap paglapit ko. Biglang bumuhos ang kanyang emosyon. Tulad niya ay hindi ko na rin napigilang maluha nang tuluyan. Ramdam ko ang panginginig niya at ang pagbagsak ng kanyang mga balikat.
"Si Viana!" sambit ni Tita. Dahan-dahan ko ring tinatapik ang kanyang likuran. Sana may magawa man lang ako kahit papaano para maibsan ang kanyang nararamdaman. Kung masakit sa amin ang sinapit ng kanyang anak, mas doble o triple pa ito sa nararamdaman ng isang ina.
"Hailey comatose pa rin ang anak ko. Matindi raw ang kanyang natamong head trauma," bulong ni Tita habang humihikbi pa rin.
"Magdasal lang po tayo. Tutulungan tayo ng Diyos Tita. Magigising na si Aviana sa lalong madaling panahon." Hindi ko alam kung anong dapat gawin. Pero sa ganitong pagkakataon ay iaasa na lamang namin sa Diyos at sa mga dalubhasang doktor ang sitwasyon ni Aviana. Sana lumaban pa rin siya hanggang sa huli.
Pumasok na kami ni Tita sa loob ng kuwarto. Agad kong tinanaw si Aviana at nanginginig ang tuhod kong lumapit sa higaan niya. Nagsimula na namang tumulo ang mga luha ko. Ang sakit, ang sakit sa pusong makita ang sitwasyon niya ngayon.
Nakakapanlumo, may benda ang kanyang ulo, naka-oxygen mask din at marami ring aparato na nakakabit sa kanya. Puno siya ng sugat at kung pagmamasdang maigi ay mukhang hirap na hirap na siya. Kitang-kita ko ang pagiging mahina niya. Malayong-malayo 'yon sa pagiging palaban niya kapag gising siya. Hinawakan ko ang kanyang kamay at inilagay ko sa aking pisngi.
"Aviana, gumising ka na please. Malakas ka 'di ba? Kaya mo 'yan. Marami pa tayong gagawin na siguradong hindi mo palalampasin." Bumuntong hininga ako at bumulong sa tainga niya. "Please gumising ka na. Marami na ang nakaka-miss sa 'yo lalo na ang prince mo na si Knox." Niyakap ko siya at pinisil-pisil ang kanyang kamay. "Lumaban ka Aviana. Para sa pamilya mo at sa lahat ng nagmamahal sa 'yo."
Naiinis ako kung bakit kailangan niya pang madamay. Hindi dapat nadadamay sa ganitong laro ang mga kaibigan ko!
Nagmasid ako sa paligid at nakiramdam sa mga taong nakapalibot sa kaibigan ko. Nagpatagal rin ako ng ilang oras sa tabi niya.
Madalas ko siyang titigan habang hawak ang kanyang kamay. Kasabay no'n ay nag-iisip na rin ako nang mabuti kung ano na ang dapat kong gawin. Kailangang maaksyunan na 'to bago pa masundan ng mas malalang insidente. Kaya naman hindi na ako nagdalawang isip pa. Tumayo na ako at lumapit kay Tita. Nagpaalam na ako sa kanya at sinabihang babalik na lang ako kinabukasan.
BINABASA MO ANG
SKRIVENA UNIVERSITY BOOK 2 (Complete)
Misteri / ThrillerOne day can CHANGE everything! SKRIVENA UNIVERSITY BOOK 2 Sequel Please read the book 1 (Skrivena University) before this :) #Fiction #Mystery #Action #Romance Khelielove copyright 2015-2016 All rights reserved.