S.C 11

2.7K 38 4
                                        

SPECIAL CHAPTER 11

Operation Finding the Missing Twins

THIRD PERSON'S POV

Isang minuto lang ang lumipas nang lumabas ang dalawang guard sa kulay itim na gate. Nagmamadali silang lumapit kay Hailey.

"Ma'am? Ano'ng nangyari?" tanong ng isa.

Ang isang guard naman ay hinawakan ang pulsuhan ni Hailey sa leeg at mahinang tinapik ang pisngi niya. Habang hindi mapakali ang mga guwardiya ay maingat niyang ginalaw ang kanyang kaliwang kamay na nakapasok sa bulsa ng kanyang bestida. Marahan niyang pinindot ang button ng kanyang telepono.

Akmang bubuhatin na ng mga guwardiya si Hailey nang bahagya siyang gumalaw.

"Ma'am, nahihilo ka ba? Dadalhin ka namin sa clinic."

"Ano'ng nararamdaman mo ma'am?"

Dahan-dahan niyang binuka ang kanyang mga mata at umungol na tila may masakit na nararamdaman. Inalalayan ng mga guwardiya si Hailey paupo.

"Nandidi-lim ang paningin ko at pa-rang hindi ko ma-galaw ang ka-liwang bra-so ko..." pautal-utal na tugon niya.

Nagkatinginan ang mga guwardiya. "Naku ma'am baka na mild stroke ka. Nandidilim ang paningin mo, nahihirapan kang magsalita at hindi maigalaw ang braso. Teka, kukuha lang akong tubig," wika ng isa.

"Hu-wag mu-na..." pigil ni Hailey.

"Ganito na lang ma'am, subukan mo ngang ngumiti," sambit ng guwardiya.

Naalala ni Hailey ang Act F.A.S.T. method para malaman kung na-stroke ang isang tao. Alam na niya ang kailangang gawin.

Face. Ask the person to smile. Does one side of the face droop?

Arms. Ask the person to raise both arms. Does one arm drift downward?

Speech. Ask the person to repeat a simple sentence. Does he or she have trouble or are the words slurred?

Time. Time is critical. Call an ambulance.

Pinilit ni Hailey ngumiti ngunit napapangiwi siya.

"Pakitaas ang kanang braso mo," dagdag ng guwardiya. Marahang niyang tinaas ang kanang braso. "Good. E ang kaliwa, pakitaas." Nanginginig na tinataas niya ang kaliwa subalit agad itong bumagsak. "Pakitaas nang sabay ang dalawang braso mo, ma'am." Tulad kanina, naitaas niya ang kanan subalit ang kaliwa ay mabilis na bumagsak.

"Mukhang mild stroke nga, Benjie!" sabi ng isa.

"Teka, tawag na tayo ng ambulansya." Tumayo si Benjie na hindi mapakali kung ano'ng gagawin subalit hinabol ng kanang kamay ni Hailey ang pantalon nito at hinila. Napalingon ito, "Bakit ma'am?"

"May ga-mot ako..." itinuro ni Hailey ang kanyang bag na nasa sahig. Hindi ito masyadong malayo sa kanyang puwesto.

Napakamot sa ulo si Benjie at tinignan ang tinuturo ni Hailey. "Tony, paabot naman ng bag ni ma'am," utos nito.

Inilapit ni Tony ang bag. Gamit ang kanang kamay ay binuksan iyon ni Hailey.

"Saan kayo nakatira dito ma'am? Sa dulong bahay po ba?" tanong ni Benjie.

Umiling si Hailey. Namula ang kanyang mga mata at nagsimula iyong mamasa. Napansin ng mga guwardiya ang pagtulo ng mga luha sa mata ng kanilang kausap.

"Hina-hanap ko ang ba-hay ni Mrs. Dela Costa. A-yaw niyang ipa-kita sa a-kin ang a-nak ko..."

Muling nagkatinginan ang dalawang guwardiya na tila nakarinig ng hindi inaasahang balita.

SKRIVENA UNIVERSITY BOOK 2 (Complete)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon