30. Better Than a Hug

2.5K 78 38
                                    

Clementine

Hindi pa umuuwi si Cyann pagkatapos nung game noong Sabado. Hindi man lang magawang magtext para alam ko sana kung hihintayin ko siya.

Malakas ang kutob kong sinisisi ni Sai ang sarili sa pagkatalo nila sa Ateneo dahil siya nga ang nagbitiw ng last shot. Lalo pa’t team captain siya at hindi lang ang Maroons ang umaasa kundi buong UP community ang nagsusumamong maipasok niya ‘yung bola para mapalapit pa kami sa inaasam naming Finals. Do or die kasi ‘yung game para sa UP.

Hanggang ngayon, malinaw pa sa utak ko ‘yung eksena sa MOA Arena nung pinakawalan niya ‘yung bola. Para akong nabingi dahil sa katahimikang bumalot sa buong lugar habang pinagmamasdan namin ‘yung bola. Akala ko talaga papasok ‘yun kasi diretsong-diretso sa net. Dinig na dinig talaga ‘yung pagsinghap ng lahat nung tumama sa back rim ‘yung bola saka tumalbog ulit palabas. Ubos na rin ang oras nun at wala nang nagawa ang Maroons.

Nakakalungkot talaga dahil sa kasamaang palad, kasama ng pagmintis nung bola, nawalan na rin kami ng pagkakataong makamit ang korona para sa taong iyon.

Pero alam ko namang hindi kasalanan ni Cyann ‘yun. Iilan ba ang manlalarong nakaka-shoot pa rin kahit sobrang under pressure na? To think na ngayon lang din nagtuloy-tuloy ang UP sa Final Four, malaking bagay na ‘yun. Hindi sa ipinagtatanggol ko siya. Naisip ko lang na napakalaking responsibilidad ‘yung binubuhat ni Sai bilang pinuno ng kupunan niya. Alam kong masakit para sa kanya ‘yun.

Sa totoo lang, gusto kong tumalon mula sa Lower Box A kung saan ako nakaupo para damayan siya sa court. Tagos hanggang buto kasi nung nakita ko siyang napaluhod nung nagmintis ‘yung tira niya. Ilang beses din niyang sinuntok ‘yung sahig.

Ang tagal niyang nasa ganoong posisyon—nakaluhod tapos nakatukod ‘yung mga kamay sa court kahit na pinuntahan na siya ng buong team habang nagdidiwang ang mga Atenista. Kailangan pa siyang alalayang tumayo pagkatapos kumanta ng Alma Mater ang ADMU para kami naman ang umawit ng ‘UP Naming Mahal’. Sa gitna ng masigabong palakpakan ng kampo ng asul at puti, at sa taas-noong pag-awit na sinabayan pa ng pagkumpas sa ere ng mga kamao naming mga naka-luntian at pula, nakayuko lang si Cyann na may nakatakip na twalya sa ulo niya.

Hindi siya sumabay sa’kin pauwi noon kaya isinabay nalang na lang ako pauwi nila Ate Max. Pati sila, inasahan nang hindi uuwi si Sai. Alam ko namang kailangan muna rin niyang mapag-isa kaya hindi ko muna siya tineks o tinawagan para makisimpatya.

Pero lumipas ang Linggo na wala pa rin akong balita kung uuwi ba siya o hindi. Nakailang text na ako sa kanya para sabihing hindi ko siya sasabunutan kahit natalo sila pero hindi talaga siya nagre-reply. Sinubukan ko na ring tawagan siya pero hindi naman sumasagot. Ngayon, hindi ko na rin ma-contact ‘yung number niya. Pinatay na siguro ‘yung phone.

At dahil hindi na ako makapagtimpi at naiirita na rin ako sa kadramahan niya, tinanong ko na si Ate Carsie pagkahatid ko ng print-out ng pinagawa niyang report sa’kin.

“He’s at home and he seems normal naman,” balita niya sa’kin. “We just avoid the topic about last Saturday’s game,” malungkot niyang dagdag.

Alam kong nakakalungkot nga naman ‘yung nangyari. Pero hanggang kailan niya kailangang magmukmok? Wala naman na siyang magagawa dahil nakalipas na ‘yon. Naiirita talaga ako.

“Bisitahin mo sa Alabang if you’re too worried about him. I think he needs someone to talk to din. He keeps telling us he’s okay but I know he’s not,” nag-aalalang payo sa’kin ni Ate Carlene.

SaiLem Three {DANGER: I'm Falling For You}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon