Clementine
“Mommy…” halos ungol ni Ira habang kinukusot-kusot ang mga mata at papalapit kami sa nanay niyang kino-coach si Alice kung paano mag-emote habang kumakanta. Bukas na kasi ang kasal nina Kuya Vlad at Ate Max at kasalukuyan kaming nasa Manila Hotel dahil dito naka-book lahat ng kasama sa entourage.
“Ate Janice, inaantok na yata si Ira,” putol ko sa dalawa. Buti na lang may divider sa pagitan ng sala at kwarto, hindi ko masyadong narinig ang love songs na kakantahin ni Alice na nagsisilbing constant reminder of something that I couldn’t have anymore. Ayoko nang maging ampalaya dahil wala akong karapatan. At ayoko na ring umiyak dahil tuyot na ang mga mata ko sa kakaiyak nang patago nitong mga nakaraang araw.
Dinaluhan naman agad ni Janice ang anak niya. “Aw, princess, okay… let’s sleep na,” sabi niya rito at humalik sa noo ng bata. “O siya, sige. Kailangan na naming mag-beauty rest ng prinsesa ko. Alam niyo naman ang diyosa, kailangang mukhang diyosa rin bukas.”
“Baka naman ikaw pa ang pagkamalang bride niyan,” natatawang kumento naman ni Alice.
“Susubukan kong hindi masapawan ang beauty ng bride, pero wala tayong magagawa kung sadyang aangat ang ganda ko bukas. Kayo rin, magpahinga na. Ipunin ang boses ha at siguraduhing eight hours of sleep ang makuha para walang eyebags,” pahabol pa niya bago tumingin sa’kin. “Lalo na ikaw. Namatayan ka ba at ang lalim ng mga mata mo?” tanong pa niya.
Nakita ko ang lungkot na bumadha sa mukha ni Alice pero ‘di ko na pinansin. Ayokong pag-usapan dahil tang-ina…kasasabi ko lang na tuyot na ang mga mata ko pero kapag pinapansin ako, parang nagre-regenerate ang mga punyetang luha. “Ayoko lang mag-stand out bukas. Si Ate Maxine lang dapat ang maganda pati ikaw siyempre,” sabi ko nalang at pilit na ngumiti.
Pinaikot lang ni Janice ang mga mata niya. “Ayaw magpaganda dahil ayaw mag-stand out. So, mas gusto mong mangibabaw ang kapangitan mo bukas, ganon? ‘Pag pangit ka sa mga pictures, para mo na ring sinira ang kasal,” pangangaral niya.
“Ay grabe, opo… matutulog po kami nang maaga,” paninigurado ko na lang para matigil na ang usapan. Baka mamaya maungkat pa ang lahat. Ayoko na talagang umiyak.
“Ate, okey ka lang?” nag-aalalang tanong sa’kin ni Alice nang ganap na nakaalis na ang mag-ina.
Tumango na lang ako. Wala akong tiwala sa boses ko kapag sinagot ko siya dahil lalabas ang totoo. “Ikaw? Ready ka na bukas? ‘Yung braso mo, ayos lang bang hindi ka na nakabenda bukas? Tsaka ‘yung mga kakantahin mo, prepared na ba ‘yung minus one?” sunud-sunod kong tanong para maiba ang usapan.
Marahan niyang hinimas ang kaliwang braso niya. Pangatlong araw nang hindi niya nilalagyan ng sling ‘yon pwera na lang kung matutulog na. “Ayos na, Ate. Basta hindi ko lang ginagalaw,” ngiti niya sa’kin. “Nakay Ate Carsie na din lahat ng instrumental copies.”
“Sige, matulog ka na,” bilin ko sa kanya bago ko kinuha ‘yung pitaka ko.
“Hindi ka pa matutulog?”
Nagkibit-balikat ako. “Mauna ka na. Magpapaantok lang ako sa baba.”
“Sama na lang ako, Ate. Hindi pa rin ako inaantok. Hapon pa naman ‘yung kasal diba?”
Wala akong masyadong naintindihan sa mga kinukwento niya habang naglalakad-lakad kami at nililibot ang paligid ng Manila Hotel. Basta tumatawa ako kapag tumatawa siya o kaya tumatango o umiiling kapag may tinatanong siya. Alam kong alam niyang hindi ako nakikinig at dinadamayan niya lang ako kaya kwento lang siya nang kwento tungkol sa kung anu-ano. Gusto ko na ngang tanungin sa kanya kung nasa’n si Vincent para tumahimik siya kaso alam kong ibabalik niya sa’kin ‘yung tanong ko, papalitan lang niya ng pangalan. Kaya hinayaan ko na lang. Mas magandang ako na lang ang mukhang sawi sa’ming dalawa. Ayoko na ring idamay siya.
BINABASA MO ANG
SaiLem Three {DANGER: I'm Falling For You}
General Fiction"Ang hirap palang magmahal ng taong matagal mong iniwasan. Bakit kasi walang early warning device ang puso para masabi agad na malapit ka na sa brink of falling in love? Para sana pwede pang mag-back out. Hindi 'yung huli na--yung kahit anong pilit...