44. Bad Day

1.7K 69 34
                                    

Clementine

Hirap na hirap na ang kalooban ko sa nangyayari sa amin ni Cyann. Sa bawat klase, gustong-gusto ko siyang kausapin pero sa tuwing lalapit ako, iiwas siya ng tingin saka maglalakad palayo o kaya aabalahin niya ang sarili sa pakikipag-usap sa mga kaklase namin o kaya mga kaibigan niya. Ayaw ko namang makisatsat.

Isa pa, kung hahabulin ko naman siya… natatakot ako sa kung anong pwede niyang sabihin.

Hanggang ngayon sariwa pa rin sa alaala ko ‘yung sinabi niya sa elevator bago ako umalis sa condo.

I’m sorry that I loved you.

Paulit-ulit ‘yon na kahit sa panaginip, naririnig ko. Kaya hindi rin ako makatulog nang matino dahil lagi akong binabangungot.

Lagi ko ring naririnig na hindi na niya ako mahal.

At tangina, ang sakit na marinig ‘yun galing sa kanya. Sa parehas na araw kong nalaman na mahal pala niya ako pero nakalipas na pala. ‘Yung hinihintay kong sabihin niya, tapos na. Ang saklap lang tanggapin na sinukuan ka ng kaisa-isang taong nagmamahal sa’yo dahil wala kang ibang ginawa kundi ipagtabuyan siya.

Kahit hindi niya sinabi ‘yung dahilan, alam ko napagod na siya sa panunuyo at mas malamang, dahil sa katangahan ko.

Bakit kasi hindi ko naalalang may hangganan nga pala lahat? Na kahit gaano kahaba ang pisi ng isang tao, kapag nasagad, napapatid din.

Sa totoo lang, nung nag-alsabalutan ako, hindi ko alam kung saan ako pupunta. Ayoko sa boarding house dahil paniguradong kokornerin ako ni Pinky. Ayokong malaman niya ang naging katangahan ko. Ngayon pa lang, nai-imagine ko na ang pangagaral niya: boyfriend na nga, naging bato pa.

Naghanap ako malapit sa Katipunan noon, para hindi mahirap ang biyahe papunta sa school, kahit bed spacer lang para ‘pag humupa na ang lahat, saka na ako lilipat sa boarding house. Nakakita naman ako sa may Esteban Abada Street pero pagkatapos pa ng isang linggo ako pwedeng lumipat.

Kinapalan ko na ang mukha ko nung tawagan ko si Alice kahit alam kong sa Maynila pa siya nakatira at mahihirapan ako sa biyahe pa-Diliman. Buti na lang walang pag-aatubili niya akong kinupkop at hindi siya masyadong nagtanong habang nandun ako. Mukhang pagkatapos kasi ng bakasyon namin sa Palawan, parehas kaming sawi ng pinsan ko. Nakakaasar lang. Ano ba ‘to? Nasa lahi ba namin ang maging sawi sa pag-ibig? Namamana ba ‘yon? O baka naman parang isang contagious disease ang sitwasyon ko at nahawa siya sa’kin?

Haaay… totoo nga sigurong history repeats itself. Sadyang hindi talaga siguro ako nakatadhanang magkaroon ng happy ending tulad ni Mama. Tatanda akong NBSB, tatandang dalaga. Tatandang mag-isa.

Hiyang-hiya rin ako kila Kuya Vlad at Ate Max nung rehearsals para sa kasal nila kasi damang-dama ‘yung tensiyon sa ere. Kaya pati sa practice nung dance number ng entourage para sa reception, naapektuhan. Dahil hindi pa rin ako hinaharap ni Cyann, ako na ang nagboluntaryong makipagpalit ng partner.

“May problema ba kayo ni Sai-Sai?” nag-aalalang tanong sa’kin ni Ate Max. Hindi ko naman siya masisi kasi kasal niya ang tatamaan.

Tumungo lang ako. Sa totoo lang, ayoko sanang pag-usapan dahil ang sakit talaga sa damdamin. Kapag naaalala ko, kulang na lang parang saksakin ‘yung dibdib ko. Kapag wala nga akong ibang naiisip, nararamdaman ko ring nangingilid ang luha ko.

Wala namang ibang tinanong si Ate Maxine. Hinimas-himas lang niya ang likod ko na parang nakikiramay. At dahil sobrang na-appreciate ko ‘yun, muntik pa akong mapaiyak.

SaiLem Three {DANGER: I'm Falling For You}Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon